
Sa pagdiriwang ng Paskong Pinoy pormal na binuksan ito sa isang Christmas Tree Lighting Ceremony sa Plaza Tobias ng Las Casas Filipinas de Acuzar sa Bagac sa lalawigan ng Bataan noong December 6 ng gabi.
Ang okasyon ay nasa ilalim ng Las Casas Christmas Carnival upang ipamalas masining na nakagawiang pagsalubong sa Kapaskuhan sa pamamagitan ng kasiyahang dala ng perya na may iba’t ibang palabas at aktibidad.

Nagpasalamat dito si Assistant General Manager ng Las Casas Filipinas de Acuzar Anne Espino-Orosco sa mga nagbigay suporta sa pagkilala sa tradisyong okasyon kina Bagac Mayor Ramil del Rosario, Bagac Vice Mayor Ron del Rosario, at Bagac Tourism Head Unad Herbon, at iba pa. Sila ang mga nagbuo sa konsepto ng okasyon para masilayan ito ng mga lokal at iba pang mga turista bilang hakbang sa pagpapataas ng turismo sa Bagac.

“Tayo ay nagtipon-tipon upang sabay-sabay nating pasinayaan ang pagbubukas ng perya sa Las Casas Filipinas de Acuzar at sa pagsisindi ng ilaw sa ating Christmas tree na hindi lamang magsisilbing dekorasyon kung hindi simbolo ng kultura at tradisyon at malasakit sa kalikasan. Ang Chritsmas tree na ating nakikita ay mula sa munisipyo ng Bagac, Bataan. Magsama-sama tayo at magsaya sa gabing ito nang may liwanag, pag-asa at pagmamahal,” ayon kay Espino-Orosco.
Bahagi rin ng pagtitipon ang pagtatanghal dito ng choir mula sa Bataan High School for the Arts, Las Casas Dance Troupe, at iba pa.


