Pansi Cabagan: Lasang hindi aayawan

Ang Pansi Cabagan na ipinagmamalaki ng Cabagan sa lalawigan ng Isabela. (Kuha ng Bilibb)

Ang Pansi Cabagan o Pansit Cabagan ay isang uri ng pansit na popular at masarap na imahe ng Cabagan, isang munisipalidad sa lalawigan ng Isabela.

Ang pansi ay salitang Ibanag para sa pansit. Ang Ibanag ay termino na tumutukoy sa tao at wika.

Ang pagkaing ito ay ipinakilala noong ika-19 na siglo ng isang mangangalakal na Intsik na si Sia Lang na mas kilala ng mga lokal bilang Diang-ga na nagmula noon sa Xia Men sa China.

Ang miki noodles na ginagamit sa pagluto ng Pansi Cabagan. (Kuha ng Bilibb)

Natatangi ang sarap ng pansit na ito dahil bukod sa maraming lahok ay masarsa pa. Tip lamang dito, mas mainam na kainin ito habang bagong luto dahil habang tumatagal ay sosobra ang lagkit ng pansit.

Halos 20 ang kilalang panciteria sa Cabagan pero ang isang sinadya ng aming grupo ay ang Mariloi’s Restaurant sa Barangay Cubag, Cabagan.

Ang lutong miki noodles na papatungan ng mga lahok para sa kumpletong sarap ng Pansi Cabagan. (Kuha ng Bilibb)

Ayon kay Marivic Tagao, na nagluluto at may-ari ng Mariloi’s Restaurant, mabili ang kanilang pansit dahil bukod sa mura ay marami ang serving na puwedeng paghatian ng dalawa hanggang tatlong katao sa halagang P90. Sa walong taon nilang pagluluto ng Pansi Cabagan ay masasabing naperpekto pa nila ang lasa nito na hinahanap-hanap partikular ng mga dayo sa Isabela.

Si Marivic Tagao, may-ari at nagluluto ng Pansi Cabagan sa Mariloi’s Restaurant. (Kuha ng Bilibb)

Ang mga lahok ng kanilang Pansi Cabagan ay ang miki noodle na kapag naluto na ay ipapatong na rito ang itlog ng pugo, lumpiang shanghai, carrots, repolyo, meatballs, at piniritong pork belly (lechon carajay) at ang pampasarap pang kalamansi.

Ang sarap na hatid ng Pansi Cabagan ay maaari ring matagpuan sa Blumentritt at Sampaloc sa Maynila… siyempre iba rin kapag kakainin ito kung saan talaga ito nagmula.

Ang mga lahok para sa Pansi Cabagan. (Kuha ng Bilibb)