Panitikan, book fair atbp. sa Performatura Festival

Kasabay ng World Poetry Day, tinalakay ang kahalagahan ng panitikang Pilipino sa isang presscon na ginanap noong Marso 21, sa Quezon City.

Ang tula ay isa sa pinakamatandang uri ng panatikan at ito rin ang isa sa mga nilalaman ng proyekto ng Cultural Center of the Philippines (CCP) sa gaganaping Performatura Festival.

Sa talakayan ay naging mga tagapagsalita sina Prof. Dr. Jose “Butch” Yap Dalisay, Jr., Prof. Dr. Vim Nadera Jr. at Beverly Siy na pinuno ng CCP Intertextual Division.

Ibinahagi ng mga propesor ang kahalagahan ng panitikan ng bansa at ang maitutulong nito sa lipunan. Anila, dapat ding pagyamanin ang ating kultura dahil naniniwala rin silang makatutulong ito sa pag-angat ng ekonomiya.

Sa ginanap na presscon ng Performatura Festival, naging panelists dito sina (mula sa kaliwa) Beverly Siy, pinuno ng CCP Intertextual Division; Prof. Dr. Vim Nadera Jr.; at Prof. Dr. Jose “Butch” Yap Dalisay, Jr. Ang talakayan ay ginanap sa Quezon City noong Marso 21 kung saan naging moderator dito si Wilson Lee Flores (dulong kanan). (Kuha ng Bilibb)

Kakulangan sa sining sa bansa

Ayon sa panelists, bagaman naroon ang talento sa ating mga artista ay kulang pa ito sa kasanayan, kalawakan na maaaring magpaganda pa sa mga obra natin. Gayundin ay isyu ring matatawag ang kakulangan sa suporta sa sariling sining at kultura ng bansa – bagay na nakikita sa Korean dramas, halimbawa, kung kaya ganoon na lamang ang pagtangkilik ng marami sa kanila. Ang ganitong uri ng usapin ay ilan lamang mga posibleng matalakay sa Performatura Festival.

Ang festival ay sesentro sa pagtatanghal, pagbabasa ng tula, multi-arts workshops, literary talks, spoken word sessions, poetry contest, film screening, book launching, book and art fair, at mga panayam sa mga kilalang mga manunulat. Magkakaroon dito ng live at on-site activities na tuloy-tuloy mula ika-10:30 ng umaga ng mula Marso 31 hanggang Abril 2, 2023 sa Tanghalang Ignacio Gimenez (CCP Black Box Theater) sa Pasay City.

Ilan sa mga aktibidad sa Performatura Festival:

Marso 31, Biyernes

Unbox@Blackbox: Panitikan sa social media na pangungunahan ni Dr. Vim Nadera Jr. at book launching ng “Suweldo is Not Enough” ng vlogger entrepreneur na si Carlo Ople. Magkakaroon din ng panel of speakers, sneaker shoe auction, at isang poetry performance ni Hannah Leceña.

Magkakaroon ng turnover ceremony ng mga nakalimbag na kopya ng aklat na “In Certain Seasons: Mothers Write in the Time of COVID” at book launching ng “Lila Mga Tula,” isang poetry book na isinulat ng mga kababaihan mula sa Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo. Mayroon ding film screening ng “Brutal,”  isang pelikulang idinirehe ng National Artist for Film na si Marilou Diaz Abaya at isinulat ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula at Broadcast Arts na si Ricky Lee, na may talk back session pagkatapos ng screening.

Abril 1, Sabado

May art of spoken word ng Ampalaya Monologues, ang nangungunang spoken word collective sa bansa. Isasagawa ang Spoken Camp, isang page-to-stage writing workshop. Mayroon ding talakayan performing written poetry ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan na si Gemino Abad; Spoken Fest tampok ang hottest spoken word artists; at Spoken Night, isang open mic session, ay magbibigay ng platform sa mga naghahangad na maging makata.

Abril 2, Linggo

Bilang ika-149 na anibersaryo ng kapanganakan ni Francisco Baltazar, magtatanghal ang Makatas kasama ang Ingay Likha battle rap artists. Naroon din si literary artist na si Chris Mooney Singh na magsasalita tungkol sa “Balagtasan sa World Literature.”

Maliban sa mga nabanggit, sa Marso 31 hanggang Abril 1 ay magkakaroon ng Book and Art Fair na gaganapin mula ika-10 ng umaga hanggang ika-6 ng gabi.

Ang Performatura Festival ay bukas sa publiko. Inaanyayahan ang lahat na magdala lamang ng anumang libro kapalit ng tiket na gagamitin sa pagpasok sa bawat segment.