Panggagamot, atbp. sa Panambal Festival ng Siquijor

Ang iba’t ibang uri ng tradisyunal na gamot, panggayuma at iba pa. (Kuha ni Teddy Pelaez)

Isa sa mga nakaeengganyong lugar sa bansa ang madayo ang Siquijor na isang lalawigan sa Central Visayas. Ito ang pinakamaliit na lalawigan sa rehiyon at ikatlong pinakamaliit na lalawigan sa bansa.

Kilala rin ang lugar sa bansag na Isla del Fuego (Island of Fire) dahil sa napakaraming alitaptap dito sa gabi dahil na rin sa mayamang kapaligiran ng Siquijor.

Mula sa mga tanawin at iba’t ibang atraksyon ng Siquijor, bahagi ng pamumuhay dito ang pinagtibay na ng kultura at tradisyon – kabilang dito ang iba’t ibang “kababalaghan”.

Panggagayuma, salamangka, itim na mahika, pangungulam, engkanto, alternatibong panggagamot at iba pa. Ilan lamang ito sa mga imahe ng Siquijor na interesanteng alamin na naging dahilan din ng pagkakaroon ng kauna-unahang Panambal Festival noong Abril 7-9 sa bayan ng Maria.

Ang iba pang tradisyunal na gamot gaya ng haplas at iba pa na ginagamit sa partikular na uri ng sakit sa. (Kuha ni Teddy Pelaez)

Hango sa salitang Cebuano na “tambal” na ang kahulugan ay magpagaling o paggamot, ang unang Panambal Festival ay may layunin ding ipakita ang mas tunay na mga kasanayang tradisyunal at halaga ng mga manggagamot.

Sa pagdayo ay naibahagi ng mga tao rito ang kuwento tungkol kay Maria Nico, ang residenteng engkanto ng bayan, kasama ang kanyang mga kapatid na sina Maria Nica at Maria Luisa. Sinabing matangkad, guwapo, at maputi si Maria Nico na tila isang mabait. Madalas umano itong nagbibigay ng kagustuhan ng mga tao. Kaugnay umano nito ay may hindi kilalang tao na nagbigay kay Maria Nico ng muebles na milyon ang halaga.

Ang kapistahan ay pinasinayaan ng lokal na pamahalaan ng Siquijor. Binuo ito sa pagtutulungan nina Maria Mayor Roselyn Tancio Asok, Eufemia “Minnie” Solomon Crouse, at Anna Lacpao Tabujara Cornelia ng Olang Arts Park, na siyang pinagdausan ng okasyon. Si Nilo Agustin ang nasa konsepto ng kapistahan.

Ang pormal na pagpapasinaya ng Panambal Festival sa Maria, Siquijor na isinagawa nina (mula sa kaliwa) Maria Councilor Alona Arcamo, Maria Mayor Roselyn Tancio Asok, Councilor Betty Adlao, Chief of Police Joy Jumuad at Tourism Officer Aldrin “Braxton” Daguman. (Kuha ni Teddy Pelaez)

Panambal

Ang Panambal Festival ay ginanap sa pagdaraos din ng Semana Santa kung saan ang paggagamot ay mas sakto sa okasyon dahil sa kaakibat nitong malalim na paniniwala.

Tampok sa kapistahan ang mga tradisyunal na mananambal na sina Junel Tomaroy, Joven Ansing, Vicente Looc, Jr., Peter Agan, Dubonga Jorom, Louie Gabucan, Malvin Lomosad, at Dondon de la Victoria. Gayundin, ipinakita rin ang pagtatanghal ng mga batang Olang Arts Park Orchestra. Ang mga manggagamot na ito ay itinuturing na may mga lihim na karunungan.

Si Junel Tomaroy, isa sa mga tradisyunal na mananambal o manggagamot sa bayan ng Maria sa lalawigan ng Siquijor. (Kuha ni Teddy Pelaez)

Sa paggagamot, ang mga langis at panggayuma ay pinagsasama. Ang mga lahok nito ay mga dahon, sanga o tangkay, at iba pa na kinukuha sa Bundok Bandilaan sa bayan pa rin ng Maria.

Biyernes Santo nang ipakita ang mga paraan sa paglikha ng mga langis at panggayuma na sinabayan din ng mga paggagamot sa mapunong lugar.

Isa sa mga minuwestra sa uri ng paggagamot ay ang tuob o suob. Ito ay isang uri ng pagpapausok sa katawan para sa iba’t ibang karamdaman at para itaboy ang pangkalahatang masamang vibes o espiritu. May tinatawag ding minasa na itim na tuyong concoctions at sinusunog sa loob ng isang tuyong balat ng niyog upang makalikha ng palina o nakagagaling na usok at inilalagay sa ibabang bahagi ng pasyente habang ito ay nakaupo na nakabalot ng kumot o malong.

Ang serbisyong haplas na ginagawa ng mga manggagamot na ito upang makatanggal ng mga sakit sa mga paa at binti. (Kuha ni Teddy Pelaez)

Kakaiba naman ang tambal sa hilo ug daot na isang paggamot o pangontra sa pagkalason at paninira (paninirang-puri), inggit na isang uri ng pagkalason. Ginagamit din ito upang gamutin ang pangatol o pangangati.

Iba rin ang serbisyong hatid ng haplas na paglalagay ng nakagagaling na langis sa paa at binti saka imamasahe. May haplas sa panuhot din na langis para sa lamig o pananakit ng katawan o kalamnan, pamamanhid at arthritis.

Mayroon ding mga concoction sa botelya na ilalagay sa lagayan ng pera upang magdala ng suwerte sa negosyo, at sa mga anting-anting, isang pangkalahatang alindog.

Isa rin ang serbisyong haplas na ito na ginagawa ng manggagamot upang makatanggal ng mga sakit sa mga paa at binti. (Kuha ni Teddy Pelaez)

Iba rin ang paglalagay ng himughat, isang tuyong pinaghalong wood chips at balat ng iba’t ibang halaman na pinaniniwalaang nakagagaling. Hinahalo rin ang himughat sa vino o alak at hahayaang nakababad. Ang pag-inom ng isa o dalawang kutsara nito ay nirerekomenda rin para sa pagkahapo, pananakit ng ulo, at mga sakit sa bato.

Popular din sa lugar ang gayuma (love potion) na tinatawag ding lumay. Ang lumay sa pangkalahatan ay sinadya upang makaakit ng mga positibong vibes at magandang kapalaran hindi lamang sa pag-ibig at pag-iibigan kundi pati na rin sa negosyo, karera, at maging sa buhay mag-asawa at pamilya.

Ang pagsasama-sama ng mga iba’t ibang lahok upang maluto at magamit bilang gamot. (Kuha ni Teddy Pelaez)

Iyan at marami pang ibang mga gamot at panggamot ang nagbigay-kulay sa kauna-unahang Panambal Festival sa Maria, Siquijor. Sa pagdayo sa kanilang lugar ay lubos na mauunawaan ang kanilang kultura’t tradisyon – mga bagay na hindi dapat ikatakot at haluan ng negatibong sabi-sabi lamang.

Sa susunod na kapistahang ito ay nasa plano nang mag-imbita pa ng ibang mga tradisyunal na mga manggagamot mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa gaya ng mumbaki ng Ifugao at Ati ng Negros Island.