Sa pagkakaroon ng mayamang tradisyong taglay ang pagiging Katoliko ng mga Pinoy, muling makikibahagi ang Cultural Center of the Philippines (CCP) sa Kapaskuhan para sa taunang Simbang Gabi sa Disyembre 16 hannggang Disyembre 24. Pagtitipon ito para sa mga panalangin, repleksyon at kultural na pagdiriwang na napapanahon.
Tampok dito ang siyam na madaling-araw (Misa de Gallo) na pagsisimba sa ganap na ika-5:00 ng umaga habang ang pagtatapos nito (Misa de Aguinaldo) ay gaganapin sa ika-8:00 ng gabi sa Disyembre 24 sa CCP Annex Parking Lot sa kahabaan ng Vicente Sotto Street ng CCP Complex.
Sa pinakaaabangang Simbang Gabi, matutunghayan din dito hindi lamang ang espirituwal na paglalakbay, kung hindi pati na rin ng isang makabuluhang pagsasama-sama ng kultura, debosyon, at masining na pagpapahayag.
Kabilang sa Hermanas at Hermanos ng Misa de Gallo ang Philippine Navy, Camus-Corrado, Philippine International Convention Center, Manila Broadcasting Company, at Seascape.
May aabangan ding special pre-show activities sa Disyembre 24 sa ika-7:00 ng gabi. Kasunod ng istorya ng pagsilang, ang pre-show ay magpaparamdam pa ng mas sagradong diwa ng Misa de Aguinaldo.
Magtatanghal dito ang Philippine Madrigal Singers kasama ang soprano na si Myramae Meneses at iba pang mga artista – partisipasyon ito ng CCP sa pagpapatibay ng pamana ng lahi sa ganitong uri ng tradisyon.
“This season brings our community together in faith and creativity. Through Simbang Gabi, we celebrate not just the spirit of Christmas but also the artists and cultural workers whose passion uplifts our traditions,” ani CCP President Kaye Tinga.
Inaanyayahan ang bawat isa na maki-Simbang Gabi. Ang lahat ay libreng makakasama sa misa sa pangunguna ni Fr. Mario Sobrejuanite at ito ay livestreamed din sa CCP Facebook page.
Para sa iba pang anunsyo at updates, sundan ang social media channels ng CCP.

