Pamumulikat: Mga sanhi, remedyo

Muscle cramps o muscle spasm (o charley horses na karaniwan sa binti) ang ibang tawag sa pulikat. Bakit ba tayo nakararanas nito?

Hindi kontrolado o sinasadya kapag nakararanas ng pulikat. Sobrang sakit nito na maaaring nasa isang parte ng kalamnan o higit pa – ibig sabihin ay puwedeng umakyat o kumalat sa ibang parte ng katawan. Maliban sa masakit, ang parteng apektado ay hindi maigagalaw.

Ang sakit ay nagmumula sa paninigas (contraction) ng kalamnan.

Nangyayari ang pamumulikat kapag nasa gitna ng aktibidad o kahit pa nagpapahinga ang isang tao.

Kinasasangkutan ng kondisyong ito ang neurological, metabolic, at kapaligiran (panahon) na mga dahilan.

 

Bakit ito nangyayari?

– Kapag nasobrahan ng gamit sa muscles o kalamnan

– Kapag nakukulangan ng tubig ang katawan – hindi pag-inom ng sapat na tubig

– Kapag naubos ang glycogen (glucose) na energy reserve para sa katawan

– Kapag kulang sa tulog o pahinga

– Kapag nakukulangan ng potassium, electrolytes, sodium, calcium at magnesium ang katawan

– Maaaring may nahaharang na ugat o blood vessel

– Kapag nagbabago ang panahon o klima (dito ay naaapektuhan ang galaw ng dugo)

– Pagbagsak ng mineral sa katawan (nangyayari kapag sobrang pinawisan)

– Pagkakaroon ng sakit sa bato

– Pagiging buntis

– Dahil sa hypothyroidism (under-active thyroid gland)

– Pagkakaroon ng nerve disorder

– Sobrang exercise

– Sobrang kapaguran

– Mahina ang blood circulation

– Pagkakaroon ng lumbar spondylosis (arthritis sa buto sa likod)

– Pagkakaroon ng lumbar stenosis (kumikipot buto sa spine kung saan naiipit ang ugat)

– Sobrang tagal na walang paggalaw ang muscle (o inactivity)

– Paulit-ulit na pamamanas (edema) sa apektadong bahagi ng katawan

– Dahil sa medications

 

Sa panahon ng pagbubuntis ay nag-iiba ang estado ng katawan ng babae. Naroon na mayroong electrolyte imbalances, hormonal changes at dahil may sanggol sa sinapupunan.

Kapansin-pansing may mga atleta at matatanda na maaaring mas madaling mapulikat dahil sa mga pagkakaiba-iba sa komposisyon ng kalamnan at neuromuscular function.

Ang mga atleta ay madalas pawisan at maubusan ng tubig sa katawan, daan para pulikatin.

Maliban dito, kapag nakukulangan ng fluid sa katawan lalo na matapos ang dialysis treatment na nagpapababa rin sa electrolytes level.

Kapag mahina rin ang sirkulasyon ng dugo ay nakararanas din ng pulikat at common ito sa mga diabetic, may edad o matatanda, may altapresyon (high blood).

Tandaan na kapag may problema o sakit sa kidney o bato, naitatapon ng katawan ang mineral na kailangan.

 

Gaano katagal ang pamumulikat?

Ang pulikat ay maaari o karaniwang tumatagal ng ilang segundo hanggang 10 minuto. Sa mas malalang kaso ay puwedeng umabot ito ng 15 minuto.

 

Anong dapat gawin?

– Makatutulong ang cold compress sa apektadong lugar habang naka-stretch ito kapag nakararanas na mismo ng pamumulikat

– Makatutulong ang hot compress sa apektadong lugar habang naka-stretch ito kapag nakararanas na mismo ng pamumulikat. Mas mainam ito dahil inaayos nito ang daloy ng dugo

– Bago ang hectic na galawan o exercise (kahit zumba), mag-stretching muna upang hindi nabibigla ang katawan. Kailangangang bigyan ng paghahanda ang katawan. Gawin ito lalo na sa nagkakaedad o mga first-timer.

– Kumain ng mansanas at saging na mataas sa potassium

– Uminom palagi ng tubig para gumanda ang circulation ng dugo

– Ibabad ang binti at paa sa baldeng may maligamgam na tubig at may epsom salt. Ang epsom salt ay magnesium sulfate na tumutulong para ma-relax ang muscle

– Kapag pinupulikat sa bandang binti o hita, itulak ang paa (o dalawang paa) nang banayad, dapat ma-stretch ang binti, igalaw ang dulo ng paa papunta sa inyo para mabawasan ang sakit at ma-relax ang muscle.

 

Kailan dapat pumunta sa doktor?

Ipinapayo na kapag nagiging madalas ang pamumulikat o hindi na nakatutulong ang mga remedyong nabanggit ay agad na itong ipatingin sa doktor dahil baka may underlying conditions na itong kasama.

Gayundin, kapag ang pamumulikat ay nararanasan sa bandang braso o trunk ay ikonsulta na ito sa doktor.

Trunk

Kapag nakararanas ng pamumulikat at nawawalan ng sensation o nanghihina.

 

Pamumulikat hindi dapat balewalain

Maaari ring makita ng doktor na may namumuo nang dugo sa loob ng katawan na hindi ninyo nalalaman na kapag napabayaan. Kapag ang namuong dugo ay napunta sa utak ito ay maaaring mauwi sa ischemic stroke, kung saan ang suplay ng dugo sa isang bahagi ng utak ay nagambala. Kapag ang namuong dugo naman ay napunta sa puso, maaaring mauwi ito sa myocardial infarction o mas kilala sa tawag na heart attack. Ang kondisyong ito ay nagreresulta sa kawalan ng oxygen at nutrients sa cardiac tissue, na posibleng magdulot ng irreversible damage o hindi maibabalik na pinsala at pagpalya ng puso.