Pambansang Buwan ng Pamana: Pagbabalik sa ugat ng sining

Sa pagbubukas ng National Heritage Month, nagkaroon ng parada ng mga Higantes bilang imahe ng mayamang kultura at sining ng Pilipinas. Ito ay pormal na isinagawa sa sa Loyola Retreat House - Spirituality and Art Center sa Angono, Rizal noong Mayo 10. (Kuha ng Loyola Retreat House)

Sa ilalim ng temang “Roots and Horizons: Our Shared Heritage, Our Collective Future,” naipamalas ang selebrasyon para sa pagbubukas ng Pambansang Buwan ng Pamana o National Heritage Month ngayong Mayo bilang bahagi ng mandato ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA).

Ang kick-off ceremony ay ginanap sa Loyola Retreat House – Spirituality and Art Center sa Angono, Rizal noong Mayo 10 kung saan naging panauhin din ang pamilya ng National Artist for Visual Arts na si Carlos “Botong” Francisco bilang suporta sa sining ng bansa.

Bahagi ng okasyon ang pagbubukas ng PETROS Exhibit sa loob ng retreat house na nagbabahagi sa kuwento ng kauna-unahang samahan ng Art Galleries sa Angono. Ipinakita rin sa publiko ang Commemorative Stamps na tampok ang mga piling Plaza sa bansa.

“Ngayon po ang ating tema ay ‘Roots and Horizons: Our Shared Heritage, Our Collective Future.’ So, kaya naman napapanahon ito. Bumabalik sa mga ugat ang ating pagkakakilanlan habang patuloy nating tinatanaw ang ating hinaharap. Ang Pambansang Pamana ay siyang pundasyon ng ating sama-samang hinaharap kaya marapat lamang na ating pagtulong-tulungan ang pagpapaunlad nito. Mahalagang maunawaan natin na ang pangangalaga sa pamana ay hindi lamang tungkulin ng iilan,” ayon kay NCCA Chairman na si Dr. Eric Zerrudo.

Ang pagtitipon ay dinaluhan din nina Angono Mayor Gerardo Calderon, Subcommission on Cultural Heritage Commissioner Ivan Anthony Henares, dating NCCA Chair Victorino Mapa Manalo, NCCA Deputy Executive Director for Administration and Support Services Marichu Tellano, Rizal 1st District Board Member Jestoni Alarcon, Loyola Retreat House Vice President Fr. Rene Pio Javellana, SJ, at Postmaster General Maximo Sta. Maria III.

Isa lamang ito sa mga obra sa PETROS Exhibit sa loob ng Loyola Retreat House – Spirituality and Art Center bilang pagbubukas ng National Heritage Month sa Angono, Rizal noong Mayo 10. (Kuha ni Ann Esternon)

Bakit sa Angono ipinagdiwang ang okasyon?

Nakamit ng Angono, Rizal ang pagiging “Art Capital of the Philippines” dahil sa mayamang pamana ng kultura, masiglang komunidad ng sining, at mahahalagang kontribusyon nito sa sining ng bansa.

Matatagpuan sa silangan ng Metro Manila, ang Angono ay tahanan ng mga kilalang alagad ng sining kabilang ang National Artist for Visual Arts na si Carlos “Botong” Francisco.

Ang Angono ay tahanan din ng taunang Higantes Festival, na nagtatampok ng malalaking effigy na gawa sa papier-mâché. Pugad din ang bayang ito ng museums at art galleries.

 

National Heritage Month: Responsibilidad sa pagdiriwang

Ang Article XVI, Section 15 ng Konstitusyon ay binibigyang-diin ang kahalagahan ng pag-iingat, pagpapalaganap, at pagpapasikat ng mayamang kasaysayan at kultural na pamana at yaman ng bansa.

Ang probisyong ito ng konstitusyon ay nagsisilbing gabay para sa lahat ng aksyon ng gobyerno na naglalayong pangalagaan ang kolektibong alaala at pagkakakilanlan ng bansa.

Alinsunod sa mandato ng konstitusyon na ito, ang Republic Act No. 7365, Section 12 ay partikular na nagtatalaga sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ng responsibilidad na aktibong pangalagaan at itaguyod ang kultural at makasaysayang pamana ng bansa.

Ang balangkas na legal na ito ay nagsisilbing pundasyon para sa iba’t ibang inisyatiba na naglalayong palalimin ang pagpapahalaga sa iba’t ibang kultural na pagpapahayag at makasaysayang kwento ng bansa, tinitiyak na ang mga hindi matutumbasang yaman na ito ay mapapanatili para sa mga susunod na henerasyon.