Pamasahe sa jeep dagdag ₱1 na sa Oktubre 8

Simula sa Oktubre 8 ay mayroong nang ₱1 provisional fare hike para sa mga tradisyunal at modernong jeepney sa buong bansa, bilang pagpayag ng Land Transportation and Franchising and Regulatory Board sa kahilingan ng transport groups dahil na rin sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo. (Kuha ng Bilibb)

Simula sa Oktubre 8 ay may dagdag piso na ang pamasahe sa jeepney sa buong bansa. Ito ay matapos na maaprubahan ng Land Transportation and Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong Martes ang naturang ₱1 provisional fare hike para sa mga tradisyunal at modernong jeepney.

Nilinaw din ng ahensya na ang ₱1 ay para sa unang apat na kilometro at wala nang dagdag bayad pa para sa susunod na kilometro.

Ang taas-pasahe ay bilang tugon sa petisyon ng transport groups kung saan ang magiging pamasahe sa tradisyunal ay P13 habang P15 ang pamasahe para sa modernong jeepney.

Sa naging 11 linggong tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo, naging dahilan ito ng pagtataas ng pamasahe sa jeepney. Ayon pa sa LTFRB, pansamantala lamang ang dagdag na pisong pamasahe dahil pinag-aaralan pa kung permanenteng P5 ang idadag para rito bilang kahilingan ng Alliance of Concerned Transport Organization, Pasang Masda, at Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines.

Ang kahilingang limang pisong dagdag na pamasahe ay para sa unang apat na kilometro at dagdag pang piso para sa susunod na kilometro.

Magkakaroon muli ng pagdinig ang usaping ito sa Nobyembre 7 mula sa hanay ng transport groups at LTFRB.