Pagsasaayos sa gusali ng CCP nagpapatuloy

Malakihang pondo kinakailangan pa

CCP Complex
Cultural Center of the Philippines

Hindi batid ng marami na ang Cultural Center of the Philippines (CCP) ay nahaharap ngayon sa hamon ng pagbabago at ang pinakasentro nito ay ang pagsasaayos ng kanilang gusali.

CCP sa unang yugto

Sa disenyo ng arkitekto na si Leandro Locsin, ang pagtatayo ng gusali ng CCP ay umabot ng tatlong taon na sinimulan noong 1966 hanggang 1969 na nasa bahagi ng 21 ektaryang reclaimed land sa lungsod ng Pasay.

Sa 53 taong nakalipas ay marami na ang pagbabago mula nang itayo ang CCP at nakitaan na ito ng mga bakas at mga palatandaan na nangangailangan na ito ng matinding restorasyon para sa higit pang kapakinabangan sa hinaharap.

Pagsasaayos umuusad na

Sa pagsasaayos, tinatayang sasailalim din ito sa tatlong taon at desidido ang pamunuan ng CCP na ang malaking bahagi ng gusali ay mananatili pa rin sa orihinal na konsepto at disenyo ni Locsin. Magkaroon man ng ibang pagbabago ay iikot ito sa panloob na disenyo ng gusali.

Tulad din ng karaniwang pagpapaayos ng bahay, hindi masasabing sa isang silipan ay malalaman na kung ano, gaano karami at kalaki ang dapat na palitan at ayusin. Malalaman ito kapag isa-isa nang tutuklapin ang kaloob-kalooban ng istraktura kabilang ang mga pagitan ng bawat palapag, dingding, kisame at iba pa. Sa ganyan ngayon sumasailalim ang pagsasaayos ng CCP.

Sa pangunguna ni Tess Rances na Administrative Manager ng CCP, inilibot ang mga mamamahayag sa gusali partikular sa bahaging hindi nasisilip ng publiko upang maunawaan ang tunay na kinalalagyan nito ngayon.

Sa pangunguna ni Tess Rances (kanan) na Administrative Manager ng Cultural Center of the Philippines, inilibot niya ang mga mamamahayag sa CCP kung saan ipinaliliwanag nito ang kasalukuyang matinding pagsasaaayos ng naturang gusali tulad ng makikita sa larawan na bahagi ng Silangan Hall. (Kuha ng Bilibb)

Malakihang pondo kakailanganin

Nasa P900 milyon ang kailangan para sa renovation at restoration ng gusali. Bagaman hawak na nila ito ay nakalaan lamang ito para sa pagsasaayos ng istraktura – plumbing, electrical, at iba pa. Nakatakda na rin sanang simulan ito noong 2019 ngunit nagkaroon ng pandemya at sa presyo ng materyales bago ang pandemya ay mas mahal na ngayon na nakaapekto rin sa kakailanganing pondo sa pagsasaayos.

Sa laki ng aayusin sa gusali, aminado ang pamunuan ng CCP na noon pa sana ito ginawa – 20 taon na ang nakalipas ngunit hindi maisakatuparan dahil sa kawalan ng pondo.

Sa ngayon, aabutin sa P200 milyon hanggang P500 milyon ang kakailanganin ng CCP para naman sa pagkakaroon ng mas maayos na acoustics, theater stage, carpeting at marami pang iba. Katunayan kahit ang simpleng mga kurtina na hindi kailanman napalitan buhat nang itayo noon ang CCP ay dapat na ring mabago.

Iwan na iwan ang sining at kultura pagdating sa budget kaya ang pondong kakailanganin ay muli nilang ilalapit sa Kongreso. Ito sana ang isa sa mga dapat pagbuhusan ng atensyon ng  pamahalaan dahil nasa kultura at sining ang ating pagkakakilanlan, ang progreso na pakikinabangan ng mga Pilipino.

Sa punto ring ito ay umaasa pa ang pamunuan ng CCP sa iba pang magiging sponsors para sa pagsasaayos pa ng gusali. Bukas din ang CCP para sa donasyon ng publiko para rito.

Ang pagtatanggal ng lumang kisame mula sa isang bahagi ng Cultural Center of the Philippines bilang parte ng pagsasaayos ng naturang gusali. (Kuha ng Bilibb)

Aktibidad ng mga pagsasaayos 

Ang mga pagsasaayos sa CCP ay kinabibilangan ng naglalakihang air ducts na kasya ang tao, drainage pipes, electrical, ibang mga kuwarto at lugar sa CCP gaya ng mga teatro, kusina, at iba pa.

Tulad sa Silangan Hall, ang kusina rito ay hindi na nagamit noon pang kalagitnaan ng dekada 80. Ang kusinang ito ay laan para sa mga caterer para sa iba’t ibang okasyong para sa publiko. Ang isa pa nilang kusina ay ang nasa cafeteria sa lower basement na para lamang talaga sa mga empleyado ng CCP. Ang kusina sa nasabing bulwagan ay naging lugar bilang mga tanggapan, at lagayan ng mga koleksyon mula sa museo. Ginagamit na lamang ang ilang espasyo rito para sa maliliit at maiiksing pagtatangghal.

Dahil nasa pag-aayos ang gusali, matrabaho at magastos din ang ibang nangyari bago nito. Katunayan, sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang maingat na pansamantalang pagtatabi ng mga mahahalagang bagay tulad ng mga aklat, paintings, video at audio tapes, at marami pang iba.

Ang iba sa mga gamit at koleksyon ng Cultural Center of the Philippines na maingat at isa-isa nang itinatabi para magamit sa pagbubukas muli ng gusali na magaganap tatlong taon mula ngayon. (Kuha ng Bilibb)

Iba pang aayusin

Matapos ang 53 taon, papalitan na ang kanilang freight elevator. Dito itinatawid ang mga naglalakihang piano papunta sa mga teatro. Isa ito sa paglalaanan ng bahagi ng pagtanggap ng pondo ng CCP mula sa budget and appropriation ng pamahalaan. Gayundin kasama sa pagbabago ang kanilang powerhouse (na ang kuryente ay may opsyong makuha sa Pasay at Maynila), hydraulic lift ng orchestra pit na angkop sa makabagong panahon.

Noong 2019 at bago magkaroon ng pandemya ay isinara sa publiko ang kanilang museo dahil sa kondisyon nito. May mga bitak na rito na natuklasan dahil sa lumalalang tagas ng tubig. Maging ang sahig ay hindi na rin pantay dahil sa katagalan ng gusali.

Saan na gaganapin ang mga pagtatanghal?

Para sa pagtatanghal o aktibidad ng CCP, mayroon silang Tanghalang Ignacio Gimenez (CCP Black Box) na matatagpuan sa tapat ng Philippine International Convention Center na malapit lamang din sa CCP main building. Iaanunsyo ang iba pang pagtatanghal sa kanilang website.

Para naman sa pisikal na pagsasara ng library, maaaring ma-access ang archives kabilang ang collections sa kanilang websites. Patuloy din itong pinagaganda upang hindi matigil ang serbisyo nito sa publiko.