22-anyos pumanaw sa paggamit ng vape

“The patient was admitted to the hospital with severe chest pain, difficulty breathing, and experienced a heart attack caused by blockages in his two major arteries. The patient also developed a serious lung condition known as e-cigarette or vaping-use associated lung injury (EVALI),” ayon sa inilabas na pahayag ng Department of Health (DOH) noong Mayo 29.

Ang kaso ay tinalakay sa isinagawang media forum noong Mayo 31 kung saan sinabi ng DOH na ang pagpanaw ng isang 22-anyos na lalaki ay dahil sa araw-araw na paggamit ng vape sa nakalipas na dalawang taon.

Ang kasong ito na kauna-unahang pagkamatay kaugnay ng EVALI ay nailathala ni Dr. Margarita Isabel Fernandez at ilan pang mga doktor sa Respirology Case Reports journal ng Asian Pacific Society of Respirology.

Ang pasyente ay napag-alamang hindi gumamit ng sigarilyo o ipinagbabawal na gamot, walang comorbidities (o iba pang mga sakit na nagpapalubha pa sa kalagayan ng pasyente), at hindi nagkaroon ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Unang nakaranas ang pasyente ng isang linggong pag-ubo, lagnat, pagsusukat, at hemoptysis. Sinundan pa ito ng dalawang araw na malalang pananakit ng dibdib matapos ang kanyang sport activity na may kaugnayan sa dyspnea, myalgia, at diaphoresis.

“Healthy, sporty, walang bisyo, non-smoker (ang pasyente). Pumunta siya sa PGH (Philippine General Hospital) kasi sumisikip ang dibdib tapos may ubo. ‘Pag kita sa lungs niya ay puti, so, ‘yon ang tinatawag nating white-out lung. So, in layman’s term, puwede nating sabihing parang nabura iyong clear lungs niya kasi binara. Iyong vape chemicals, naka-induce ng pamamaga at saka ‘yong tinatawag na inflammation. Ngayon, ‘yong ding vape na ‘yon ang naging cause para maging barado ang mga ugat sa kanyang heart, kaya nagkaroon ng parang nag-heart attack, ‘yong tinatawag nating mycardial infarction,” ayon kay Dr. Rizalina Gonzales ng Philippine Pediatric Society.

“Dalawang arteries niya ang nabarahan tapos ang kanyang lungs ay may consolidation, ibig sabihin nagdikit-dikit ‘yong loob ng lungs niya,” ayon naman kay DOH Assistant Secretary Albert Domingo.

Sa datos, may anim na lung injury na naitala sa bansa dahil sa electric vape o e-vape nitong Mayo 2024 kabilang ang pumanaw na 22-anyos.

Kaugnay pa nito, nababahala ang ahensya dahil pabata nang pabata ang gumagamit ng vape. Sa pag-aaral, nakapagtala ng 11.7% ng mga gumagamit ng vape sa bansa noong 2015, habang 24.6% noong 2019. Ang mga bilang na ito ay mula sa mga batang may edad 13-15 taong gulang.

Sa pangkalahatan, noong 2021 ay nakapagtala ang Global State Tobacco Harm Reduction na may tinatayang 82 milyong gumagamit ng vape sa buong mundo – 17% na mas mataas sa nakaraang taon. Sa parehas na datos, kabilang dito ang 2.7 milyong Pinoy.