Pagkain, kaalaman atbp. itatampok sa Bakery Fair 2023

Plano ninyong magpakasal pero wala pang wedding cake? Go rin ba kayo sa pagnenegosyo na may kinalaman sa tinapay, pastries at iba pa? Baka makatulong ang nalalapit na Bakery Fair sa inyo!

Sa mahigit dalawang taong itinigil ng pandemya ang regular na aktibidad ng lahat, muling nagbabalik ang Bakery Fair 2023 na gaganapin mula Marso 2 hanggang 4 sa World Trade Center sa lungsod ng Pasay. Bukas ito mula ika-10 ng umaga hanggang ika-8 ng gabi.

Ang Bakery Fair ay isinasagawa dalawang beses kada taon at ito ay proyekto ng Filipino Chinese Bakery Association, Inc. (FCBAI) na layong iangat ang industriya ng bakery sa bansa at makatulong nang malaki sa paglago ng ekonomiya.

Ang FCBAI ay bahagi ng Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc.

Sa isinagawang presscon itong Pebrero 13 hinggil sa nalalapit na Bakery Fair 2023 ng Filipino Chinese Bakery Association, Inc. (FCBAI), naging tagapagsalita rito sina (mula sa kaliwa) Jerry Midel, FCBAI Secretary General; Henry Ah, FCBAI former President; Royce Gerik Chua, FCBAI President; Christopher Ah, FCBAI Exec-Vice President; at Wilson Lee Flores, FCBAI Vice President. (Kuha ng Bilibb)

Maliban dito, exciting ding malaman na magkakaroon ng masining na paglilikha ng cake na may fondant, royal icing, gummy paste at iba ang aabangan sa FCBAI Bakers Cup Wedding Cake Competition 2023. Ito ay sasalain ng mga hurado na magmumula pa sa ibang bansa. May tsansang maiuwi ng magwawagi ang isang premyong may halagang P80,000. Sasabay din dito ang Angel Cup-Bread Display Competition. Higit na bibigyang buhay pa rito ang Bread Showpiece, Artisan Bread, Healthy Bread at Sweet Dough na may dough filling.

Dahil Bakery Fair, aasahan na star-studded ito sa pagdalo ng mga celebrity na mahihilig sa baking. Abangan kung sino-sino sila sa mismong event!

Ang okasyon ay nasa ilalim ng temang maka-Pilipino. Itatampok dito ang 136 exhibitors kung saan ipamamalas din nila sa publiko ang iba’t ibang produkto mula sa pagbi-bake, food services, product presentations, equipment at supplies. Magkakaroon din ng aabot sa 20 seminars sa mga magnanais pasukin ang industriyang ganito.

Para makapasok sa venue, magparehistro sa www.bakeryfair.ph