
Noong August 27, sa pamamagitan ng Usapang Puso sa Puso ng Philippine Heart Association (PHA), ay binigyang pansin ang kaso ng limb ischemia (LI).
Ang patuloy na pananakit ng limbs – biyas o braso, lalo na kapag ito ay madalas na nangyayari, ay hindi dapat balewalain. Ang sinasabi ng iba na dahil lamang sa pagkapagod o dala ng pagtanda ay mababaw lamang na dahilan kung bakit may pananakit dahil posibleng magpahiwatig ito ng isang seryosong isyu sa vascular na tinatawag na limb ischemia – na maaari ring magpahiwatig ng atake sa puso.
Sa unang episode ng Usapang Puso sa Puso, pinangunahan ito nina Dr. Iris Garcia, Director III/Advocacy Committee Chair ng PHA na siyang naging host habang ipinaliwanag naman nang husto ni Dr. Paolo Joel Nocom ang tungkol sa limb ischemia.
Si Dr. Nocom ay PHA Chair ng Council on Coronary Artery Disease at Section Head ng Peripheral Artery Disease Division of Vascular Medicine ng Philippine Heart Center.

LI at PAD
Ang LI ay ang malalang stage ng peripheral artery disease (PAD). Kung hindi ginagamot, ang LI ay maaari ring magresulta sa heart attack, stroke, amputation o pagputol sa bahagi ng katawan, o pagkamatay. Ang LI ay higit pa sa isang isyu sa problema ng sirkulasyon ng dugo sa mga biyas at braso. Ang sakit sa cardiovascular at kakulangan sa ginhawa sa paa ay fatally related.
Ano ang kaugnayan ng heart attack sa limb ischemia?
Dahil sa malinaw na may malawak na atherosclerosis, ang pinagbabatayan na sanhi ng karamihan ng mga atake sa puso, ang limb ischemia ay nagdaragdag ng panganib na magkaroon ng atake sa puso. Ang pinakamalubhang uri, ang critical limb ischemia, ay may napakataas na panganib ng cardiovascular death, madalas mula sa atake sa puso o stroke.
Ang PAD ay ang pagkipot o pagsisikip at pagbabara ng mga artery. Ang pagsisikip ay nagiging dahilan kung bakit may mga sugat na matagal gumaling o hindi gumagaling.
Sa datos, ang PAD ay nasa lima kada 100 katao na may edad 40 pataas, at isa kada 4 katao sa edad 70 pataas.
Pagkakaiba ng artery sa vein
Ang artery (arterya) at vein (ugat) ay parehas na daluyan ng dugo sa katawan. Ang dugo ang nagdadala ng oxygen at nutrients papunta sa ibang tissues para ang mga ito ay gumana.
Samantala, colorless ang arterya at ugat, nagkakakulay lamang ito dahil sa dugo. Nagiging asul o berde lamang ang arterya o ugat dahil sa ating balat – na depende kung paano i-absorb nito ang light rays.
Ang arterya ay ang nagdadala ng oxygen-rich blood na nagmula sa puso papunta sa ibang bahagi ng katawan, habang ang ugat ay ang nagbabalik ng oxygen-poor blood papunta sa puso. Dahil kulang ang oxygen sa ugat, ang kulay ng dugo nito ay mas mapula.
Ang artery ay mas malaki, mas makapal, at may mas nababanat na wall o dingding sa loob nito. Mas makapal ito dahil mas kaya nito ang mas marami, mas mabilis, at mas mataas na presyon o pwersa ng dugo na binobomba ng puso.
Ang pinakaloob ng ugat ay mas malaki kumpara sa loob ng arterya.
Sa PAD, nagkakaroon ng pagbuo ng mga taba, kolesterol at iba pang substance kaya sumisikip ang daloy ng dugo papunta sa limbs.
Ano ang mga nakabara sa artery?
Ang pagbabara ay maaaring dahil sa plaque buildup gaya ng taba, kolesterol at iba pang substance. Ito ang dahilan para kumitid ang daanan ng dugo – na maaring humantong sa heart attack at stroke na nakamamatay.
Bakit higit na apektado ang paa sa limb ischemia?
Ang paa ang pinakamalayong lokasyon mula sa puso at madaling maapektuhan ng gravity, na maaaring magpababa ng daloy ng dugo sa mga paa, lalo na sa mga may PAD. Ang tissues ng paa, kabilang ang balat at mga ugat, ay hindi nakakukuha ng sapat na oxygen at nutrients kapag ang mga artery ay sumikip o nabara. Ito ay maaaring magresulta sa mga sintomas kabilang ang pananakit, pamamanhid, hindi gumagaling na mga sugat, at posibleng gangrene.
Sino ang nagkakaroon ng PAD?
– Mga naninigarilyo
– Mga matataas na kolesterol
– Mga diyabetiko
– Mga may alta presyon
– Mga inatake sa puso
– Mga na-stroke
– Mga lumulobong ugat sa tiyan (aneurysm)
Mga sintomas
– Kapag naglalakad ay nakararanas ng pananakit ng mga binti at kapag huminto at naipahinga ay nawawala ang sakit. Kapag muli siyang naglakad ay muling mararanasan ang pananakit. Ang tawag dito ay claudication.
– Pananakit ng mga binti na maaaring mas masakit sa gabi o kung nagpapahinga (rest pain)

– Pamumutla, pamamanhid, panlalamig, pangingilig (tingling) at panghihina ng mga braso o biyas
May iba sa may PAD ay hindi nakararanas ng sintomas. Masusuri ito kung ikokonsulta sa doktor.
– Heart attack na isang emergency condition
– Brain attack o stroke na isa ring emergency condition
– May tinatawag ding acute limb ischemia (ALI) o leg attack, kondisyon ito na maaaring mamatay ang biyas o paa na dapat tanggalin. Ang mga ito ay kailangan ng maagap na konsulta at paggagamot.
6Ps na dapat tandaan sa ALI
– Pain (bigla, matinding pananakit sa braso o biyas)
– Pallor (maputla o parang asul na balat)
– Pulselessness (mahina o wala ang pulso sa apektadong bahagi)
– Paresthesia (tingling o “pins and needles” sensation)
– Paralysis (kahinaan o pagkawala ng paggalaw)
– Poikilothermia (lamig kumpara sa iba pang bahagi ng katawan)
“Ang pinakaimportante sa lahat ng Ps ay ang pulselessness, ito ay determinant para masabing mayroong acute limb ischemia na isang emergency,” payo ni Dr. Nocom.
“Kumonsulta na kayo agad sa doktor kapag walang pulso ang inyong binti dahil delikado iyan,” ayon naman kay Dr. Garcia.
Chronic Limb Ischemia
Ang chronic limb ischemia, o critical limb ischemia (CLI), ay isang malubhang anyo ng PAD kung saan ang matinding pagbawas ng suplay ng dugo sa mga paa’t kamay ay nagdudulot ng rest pain (pananakit kung kailan nagpapahinga), hindi gumagaling na mga sugat.
“Isa sa mapupuna, habang natutulog sumasakit ang binti. Kinakailangang bumangon ang pasyente at ibaba ang mga paa. So, bakit nawawala ang sintomas nito? Kasi kapag binaba ang mga paa, tumataas base sa pressure papunta sa mga biyas. Paraan ito para maibsan ang nararamdaman,” dagdag pa ni Dr. Nocom.
Sa CLI, nakakalbo ang balat, numinipis ang kuko, kalamnan at balat at magkakaroon na ng sugat. Ito ang sugat na hindi nagaling o napakatagal gumaling at napakasakit at pabalik-balik.
Ang epekto ng PAD ay maaaring panandalian o pangmatagalan.
Pangmatagalang kondisyon
– Ito ang mga nakararanas ng sintomas na dahan-dahan ay sumasakit na ang mga binti kapag naglalakad at nauulit ito. Sa katagalan ang ugat ay maaari nang tuluyang kumipot kaya ang daloy ng dugo ay hindi nagiging sapat kaya ang sintomas na pananakit ng paa ay mararanasan kahit wala nang ginagawa (rest pain).

Kapag ito ay napabayaan at hindi nasuri ng doktor, ito ay magkakaroon na ng mga sugat na hindi nagaling o matagal gumaling. Numinipis din ang balat at kalamnan. Sa balat ay mapapansing makinis at makintab at nakakalbo o nauubos ang balahibo. Sa paa ay nauupod ang mga kuko. Senyales ito ng kawalan ng daloy ng dugo. Tandaan na ang dugo rin ang nagbibigay ng nutrisyon sa kalamnan, balat, at buto.
“Kapag nahirapan ng pagdaloy ng dugo nagkakaroon na ito ng atrophy o pag-urong o pagkawala nang unti-unti ng tissues. Kapag napabayaan, ito ay magkakasugat at ang dahilan kung bakit hindi naghihilom ay wala naman talaga kasing daloy ng dugo. Kapag ito ay napabayaan pa ay maaaring maging dahilan ng pagkaputol ng paa,” ayon pa kay Dr. Nocom.
Pagsusuri sa mga paa
– Ankle-brachial index (blood pressure sa binti). Dito ay kinukunan ng presyon sa braso, paa para malaman kung may pagnipis ng daloy ng dugo. Maaaring may pagbaba ng presyon ng biyas (legs).
– Segmental pressure. Dito ay kinukuha ang blood pressure sa bawat parte ng biyas (malapit sa balakang) papunta sa ibabaw at baba ng tuhod hanggang sa talampakan at hanggang sa mga daliri ng mga paa.
– Arterial duplex scan (imaging study). Kinukunan gamit ang ultrasound, walang radiation, upang malaman ang daloy ng dugo at maaaring makita na kumikipot ang ugat.
“Makikita namin dito kung anong klase ang maaaring magpapakipot. Maaari itong baradong ugat, kolesterol o sebong nakabara roon o napinsalang ugat. Mayroong CT scan, angiogram pero iyan po ang nire-reserve namin para sa may PAD at may planong isaayos ang mga baradong ugat,” paliwanag pa ni Dr. Nocom.
Gamutan sa Pinas limitado, mahal
Ipinapayo na habang hindi pa malala ang sintomas, agad na magpakonsulta sa doktor.
“Sa ating bansa, mahal ang gamutan at limitado ang mga espesyalista. Kapag huli nqa ang pagkonsulta, mas mataas ang tsansang umabot sa putol ng paa o ikamatay ng pasyente,” paalala ni Dr. Nocom.
“Kung ano ‘yung mga gamot natin sa diabetes, altapresyon, sa cholesterol, iyon din ang gamot na nakatutulong sa Peripheral Arterial Disease. Kung ano ang nagbabara sa puso, ganoon din sa utak, ganoon din sa binti, kaya ‘yung maintenance na mga gamot ay panatilihin nating inumin. Kung mayroon kang bara sa binti, ang mga gamot na iyan ay maintenance kaya kailangang kumonsulta sa manggagamot,” payo naman ni Dr. Garcia.
Sundan ang ikalawang bahagi ng Usapang Puso sa Puso hinggil sa limb ishemia.
