Pagbagsak ng Bataan at mga kalupitang sinapit sa Death March

Ang mga bilanggo ng digmaan na kabilang sa Bataan Death March noong Abril 10, 1942. (Mula sa National Museum ng Estado Unidos)

Kailanman ay hindi malilimutan ng kasaysayan ang dahas na sinapit ng mga Pilipino at Amerikano noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa makamundong pagnanais ng mga Hapon.

Nagsimula ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong Disyembre 8, 1941 nang atakihin ng puwersa ng mga Hapon ang mga base ng Amerika kabilang na ang nasa Pilipinas. Dito na nagkaroon ng plano na ang lahat ng depensa ng Pilipinas ay mailagay sa Bataan.

Upang makarating sa Maynila ang mga barko, ang mga ito ay kailangang dumaan sa pagitan ng Cavite at Bataan, kung saan matatagpuan ang isla ng Corregidor.

Sa nasabing plano ay masisira ang kagustuhan at pagsisikap ng mga Hapon na makatawid ang kanilang mga kagamitan sa Maynila.

Nagpatuloy ang labanan at tulong-tulong na ipinagtanggol ng mga sundalong Pilipino at Amerikano ang Bataan. Ito ang sinasabing isa sa pinakamahabang labanan sa Asya.

Dakong 12:30 ng tanghali ng Abril 9, 1942 ay opisyal na isinuko ng pinuno ng puwersa ng Luzon sa Bataan na si Komandante Heneral Edward King Jr. ang mahigit sa 76,000 na mga sundalo sa tropa ng Hapon. Taliwas ito sa utos nina Heneral Douglas MacArthur at Jonathan Wainwright. Ito ay ang pinakamalaking pagsuko ng isang puwersang militar sa kasaysayan ng Amerika.

Sa pagsukong ito ay nagpahayag si John H. Whitman tungkol sa Bataan, “Our Last Ditch, that General King enacted a scene that had not been seen since 1865 and that has not been seen since, the surrender of an American army.”

Ang mga isinuko ay tinatayang 67,000 na Pilipino, 1,000 Pilipinong Intsik, at 11,796 Amerikano. Sa pagkumpiska sa mga kagamitan ng mga bilanggo ay tinipon at puwersahang pinagmartsa rin ang mga ito nang sumunod na araw sa tinatayang 96 at 112 kilometrong layo mula sa Mariveles, Bataan hanggang sa Capas, Tarlac. Ang pagmartsang ito ay inabot ng mahigit sa anim na araw.

Matinding paghihirap pa…

“On the first day, I saw two things I will never forget. A Filipino man had been beheaded. His body lay on the ground with blood everywhere,” ayon sa salaysay ni Staff Sergeant Alf Larson, ang Amerikanong nalampasan ang Death March. “His head was a short distance away. Also, there was a dead Filipino woman with her legs spread apart and her dress pulled up over her. She obviously had been raped and there was a bamboo stake in her private area. These are instances I would like to forget.”

Tinatayang 5,500 hanggang 18,650 ang mga bilanggong namatay sa martsang ito. Ito ay dahil sa labis na pagkagutom, pagkauhaw, matinding init kung saan marami sa kanila ang tinatapat sa araw nang walang suot sa ulo nang ilang oras at ang sinumang hihingi ng tubig ay binabaril.

Upang ipakita ang kanilang ganap na tagumpay, puwersahang ipinakikita ng mga Hapon sa mga Pilipino ang mga pinatay na mga bilanggo ng digmaan. (Mula sa National Museum ng Estado Unidos)

May salaysay din na dahil sa sobrang gutom at uhaw ay napipilitan ang mga bilanggo na uminom sa imburnal para sapitin ang disinteriya, isang impeksiyon sa bituka na nagdudulot ng madugong pagdurumi. Ito ang dahilan pa ng pagkamatay ng libong mga bilanggo ng digmaan. Walang inilalaan sa kanilang mga pangunahing kagamitan sa pangunang lunas.

Ibang klase ang pagkasalbahe ng mga Hapon na sa kuwento ng isang Amerikanong bilanggo ay kasusuklaman talaga. “One of the POWs had a ring on and the Japanese guard attempted to get the ring off. He couldn’t get it off and he took a machete and cut the man’s wrist off and when he did that, of course, the man was bleeding profusely. (I tried to help him) but when I looked back I saw a Japanese guard sticking a bayonet through his stomach.”

May pangyayari rin na habang ang ibang bilanggo ay hirap nang maglakad ay binabayoneta o pinapatay na lamang ng mga Hapon. Ang sinumang tutulong sa kapwa bilanggo ay agad na binabaril.

Marami rin sa kanila ang nakaranas ng malalang pisikal na pang-aabuso habang naglalakad tulad ng pambubugbog, binabayoneta at marami sa mga kaso ang pinupugutan ng ulo.

Ang mga bilanggong nasa matataas na ranggo sa militar ay pinapatay sa brutal na pamamaraan at inihaharap upang magtanda ang iba na ang mga Hapon ay mas makapangyarihan sa puwersa ng mga Amerikano at Pilipino.

May iba pang Amerikanong survivors na nagsasabing mas mahirap ang ginagawa ng mga Hapon sa mga Pilipino kumpara sa kanila.

Katuwaan din ng mga Hapon na itutulak ang mga bilanggo sa mga bangin. Ang mga batang Pilipina ay sinasalbahe nang paulit-ulit at sinumang papalag ay babarilin. Ang ibang mga takot na nanay ay nagpupunas ng dumi ng tao sa mukha ng kanilang mga anak na babae upang hindi maging kaakit-akit sa mga Hapon.

May mga bilanggo ring inililibing nang buhay.

May kuwento ring ang mga trak ng Hapon ay sasagasaan ang mga bilanggo kabilang ang mga bata at iiwang wala nang buhay sa mga kalsada.

“Occasionally, they would pass a naked corpse, the face swollen and covered with maggots. The body stiff and beginning to blacken in the intense heat,” ani Corporal Russell Grockett, Amerikanong nalampasan ang dusa ng death march.

Mas tumatagal ang martsa ay mas humihirap ang dinaranas ng mga bilanggo kung saan nang mapadpad na sila sa San Fernando, Pampanga ay ipinuwesto ang mga ito sa isang mainit na metal box ng tren na sobrang init para sa isang oras na biyahe papuntang Capas, Tarlac. Ang temperatura noon ay tinatayang 43 °C.

“The train consisted of six or seven World War I-era boxcars. They packed us in the cars like sardines, so tight you couldn’t sit down. Then they shut the door. If you passed out, you couldn’t fall down. If someone had to go to the toilet, you went right there where you were. It was close to summer and the weather was hot and humid, hotter than Billy Blazes! We were on the train from early morning to late afternoon without getting out. People died in the railroad cars,” batay pa kay Larson.

Sa tindi ng sinapit ng mga bilanggo noon sa sasakyan ‘yon ay nagdulot ito ng mas maraming pagkamatay sa init at kakapusan sa paghinga.

Sa mahigit 76,000 bilanggong nagsimulang maglakad, tanging tinatayang 54,000 na lamang ang umabot nang buhay sa kampo.

Sa pagpapahirap, marami pang mga biktima ang nakaranas nito sa iba’t ibang lugar sa bansa tulad pa sa mga tagong lugar gaya ng tunnel. Kabilang din ang pagpapahirap at pananamantala sa ating mga kababaihan na tinatawag ding comfort women.

Nang matalo ang mga Hapon noong 1945, kinasuhan si Lieutenant General Masaharu Homma bilang isang war criminal para sa partisipasyon sa brutal na pagpaslang sa mga bilanggo ng digmaan. Hinatulan ito ng mga krimen sa digmaan noong 1946 at pinatay.