PAGASA: Super typhoon Bavi, patuloy na inoobserbahan

Magpapatuloy ang maaliwalas na panahon ngayong gabi sa malaking bahagi ng bansa hanggang bukas ng madaling-araw, ayon sa ulat kaninang alas-5:00 ng hapon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Maaaring makaranas pa sa katimugang bahagi ng Mindanao at kanlurang bahagi ng Luzon ng mga biglaan at panandaliang pag-ulan dala ng mga localized thunderstorm.

Samantala, patuloy na inoobserbahan ang super typhoon na may international name na Bavi na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR). Ang pinakahuling galaw ng bagyo ay kaninang alas-3:00 ng hapon na may layong 2,845 kilometers silangan ng kanlurang Visayas. May taglay itong lakas ng hangin na malapit sa gitna na umaabot sa 205 kilometers per hour at pagbugso ng ulan na umaabot sa 250 kilometers per hour.

Sa sandaling makapasok na ng PAR ang naturang bagyo, ito ay tatawaging Inday.

Ayon pa sa PAGASA, mula ngayong araw hanggang Martes ay walang magiging epekto ang bagyo sa lagay ng panahon sa bansa at maging ang kondisyon ng ating mga karagatan. Maaaring pumasok sa PAR ang bagyo sa Miyerkoles at maaari ring maghayag ng Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 sa hilaga at kanlurang bahagi ng Luzon.

Sa paggalaw ng bagyo papasok ng bansa, posibleng ihayag na lakas nito ay mula sa wind signal no. 1 hanggang signal no. 3. Hindi rin inaalis ang tsansa na umabot sa signal no. 4 sa bahagi ng Batanes.

Para naman sa Kalakhang Maynila at iba pang bahagi ng kapuluan, binabantayan din sa katapusan ng susunod na linggo ang malakas na habagat na magpapaulan sa mga lugar.