Bawal na ngayon ang pag-vlog ng operasyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa anunsyo ni MMDA Chairman Romando Artes itong Biyernes, ipinagbabawal na ang anumang uri ng pagdodokumento ng operasyon ng MMDA ito man ay pagsasaayos ng mga kalsada at iba pang aktibidad ng ahensya.
Kabilang sa ipinagbabawal na pagdodokumento ay vlogging, recording at posting sa social media ng kawani ng MMDA at pribadong mamamayan.
Ang kautusan ay kasunod ng nangyaring insidente noong Marso 25 na nag-viral na kinabibilangan ng isang opisyal ng National Police Commission at isang opisyal din ng MMDA.
Layon ng MMDA na maging malinis at ligtas sa mga operasyon ang ahensya.
Gayunman, nilinaw ng MMDA na ang maaari lamang na mag-post sa anumang aktibidad nila ay ang nasa Public Affairs Staff-Public Information Office nito kung saan makikita ito sa opisyal na social media platforms ng ahensya na Facebook, X, at Instagram.

