Pag-asang sagip-buhay: Pamana ng nasawing hepe ng bombero

Si ABP Party-list first nominee Jose Antonio Ejercito Goitia na personal na nakiramay sa fire volunteer na nasawi matapos na rumesponde sa sunog sa Tondo, Maynila.

Isang nagdadalamhating pamilya sa Tondo, Maynila, ang nakatagpo ng pag-asa matapos ang trahedyang sinapit ng isang hepe ng bombero na nasawi sa sunog, ilang oras lamang matapos niyang sagipin ang isang asong na-trap sa nasusunog na bahay.

Sa burol na ginanap noong Marso 25 ng gabi para kay Rodolfo Baniqued, isang 52-anyos na boluntaryong hepe ng bumbero, personal na nagbigay-pugay si Jose Antonio “Ka Pep” Goitia, unang nominado ng Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) Party-list. Nangako rin siyang magbibigay ng buong suporta sa lahat ng unang rumesponde, tagapagligtas ng sunog, at mga boluntaryo sakaling makakuha sila ng puwesto sa Kongreso.

Binigyang-diin ni Goitia ang pangako ng ABP na ipaglaban ang mas mataas na hazard pay, libreng serbisyong medikal, mas maayos na kondisyon sa trabaho, at insurance coverage para sa mga bombero—lalo na sa mga nasusugatan o nasasawi sa pagtupad ng kanilang tungkulin.

“Mas determinado kaming ipaglaban ang mga karapatan ng ating mga boluntaryong bumbero at tagapagligtas. Masakit isipin na ang kanilang mga sakripisyo, pati na ang kanilang buhay, ay maaaring balewalain,” ani Goitia.

Sa kanyang pakikipag-usap kay Rolando Baniqued, ama ng yumaong hepe ng bombero, isiniwalat nitong mahigit 20 taon nang naglilingkod bilang boluntaryong bumbero si Rodolfo. Maging siya at ang kanyang mga anak at apo ay bahagi rin ng komunidad ng bumbero—handa silang isugal ang kanilang buhay upang sagipin ang iba, kahit pa wala silang natatanggap na benepisyo mula sa gobyerno.

“Nag-aambag kami ng sariling pera para sa gasolina at nanghihingi ng donasyon para lang makaresponde sa mga sunog,” ani Rolando kay Goitia.

Isa sa pinakamalaking hiling ng mga boluntaryong bombero ay ang pagkakaroon ng breathing apparatus na makatutulong sa kanilang ligtas na pagpasok sa nasusunog na gusali kahit na makapal na ang usok. “Agad naming aaksyunan ang mga pangangailangan ng ating mga boluntaryong bombero at titiyakin naming matatanggap nila ang pinakamainam na suporta,” pagtitiyak ni Goitia.