Paano namumuti ang buhok?

Marami ang takot na magkaroon ng uban dahil isang indikasyon ito ng pagtanda.

Kung noong araw o ilang taon lamang ang nakararaan ay ang ganda-ganda ng kulay ng iyong buhok, nagtataka ka naman ngayon kung bakit kulay abo o puti na ito.

Paliwanag ng siyensya, habang tayo ay tumatanda, ang pigment cells sa ating hair follicles ay namamatay. Nangyayari ito kapag kaunti na lamang ang pigment cells, ang hibla ng buhok ay nababawasan ng melanin at ang kulay nito ay nagiging transparent – gray, silver hanggang maging puti kalaunan.

Nagsisimulang mangupas ang kulay ng buhok sa pagtungtong ng edad 30. May iba naman na maaga pa lamang ay gray o puti na ang buhok, ito ay dahil nasa lahi nila.

Imposible nang bumalik sa dating kulay ang buhok kapag naging gray o pumuti na ito.

Stress, sanhi ng uban o pamumuti ng buhok?

Ang unti-unting pamumuti ng buhok ay sinasabing dahilan din ng pagkakaroon o pagkakalantad sa stress.

Ang totoo, ang stress ay walang kinalaman sa pamumuti ng buhok. Hindi pa napapatunayan na ang stress ay sanhi ng pagkakaroon ng uban.

Lifestyle ang isang dahilan kung bakit nangungupas ang kulay ng buhok tulad ng paninigarilyo o pagbabad sa ilalim ng araw. Ang ultraviolet light sa araw ay nakasisira ng balat at buhok.

Ang iba pang dahilan ng pamumuti ng buhok ay kakulangan sa protein, vitamin B-12, copper, at iron.

May remedyo ba para takpan ang uban?

1- Malaking tulong ang pagtitina ng buhok. Maraming pagpipiliang kulay sa merkado upang bumalik ang dating kulay ng buhok o para mas gumanda ito.

2- Maaari ring pabagalin ang pagkupas ng natural na kulay ng buhok kung babaguhin din ang lifestyle

3- Kumain ng masusustansyang pagkain na mayaman sa calcium gaya ng mga mabeberdeng gulay at pagkain ng fortified cereals.

* Tulong din ang dairy products tulad ng gatas at yogurt. Kumain din ng mga mani, almonds, lentils, atay ng baka, crabmeat, at white mushrooms.

* Kumain ng protein rich food gaya ng itlog, keso, karne ng baka at baboy, oats, at broccoli.