P1M cash gift sa centenarians aprubado na

Sa nakuhang 257-0 boto, naaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa nitong Lunes ang House Bill (HB) No. 7535 na magbibigay ng espesyal na pagkilala at P1 milyong cash gift sa Pilipinong centanarians na umabot sa edad 101 na naninirahan sa bansa o abroad. Gayundin, ang nonagenarians at octogenarians ay may cash gift na matatanggap.

“All Filipino centenarians who reach the age of 101 years old shall each receive a cash gift of PHP1 million on their birthday,” ayon sa House Bill.

Noong nakaraang taon, naiulat sa Kamara na mayroong 662 Filipino centenarians sa bansa.

Sa HB No. 7535 , makikinabang din ang octogenarians at nonagenarians sa mga benepisyong pinansyal habang sila ay malusog pa, nang hindi na kailangang maghintay hanggang sila ay maging 100.

Makatatanggap ng liham na pagbati mula sa Pangulo at cash gift na P25,000 bawat isa ang mga Pilipinong nasa edad na 80 at 85 (octogenarians), at 90 at 95 (nonagenarians).

Ang HB No. 7535 ay nag-uutos sa National Commission of Senior Citizens na ipatupad ang panukala kapag naipasa na ang batas.

Ang ilan sa principal authors ng naturang batas ay sina Reps. Rodolfo Ordanes, Jude Acidre, Sonny Lagon, Daphne Lagon, Brian Yamsuan, PM Vargas, Toby Tiangco, Salvador Pleyto, Roy Loyola, LRay Villafuerte, Loreto Amante, Jam Baronda, Eric Yap, Edvic Yap, Paolo Duterte, Migs Nograles, Lani Mercado-Revilla, Gus Tambunting, at iba pa.