OTOP Hub ng DTI bukas na sa Enchanted Kingdom

Sa pagbubukas ng One Town, One Product o OTOP Hub ng Department of Trade and Industry (DTI) Laguna noong Setyembre 15, 2022 sa kilalang theme park na Enchanted Kingdom, binasbasan ito upang maging maganda ang takbo ng naturang proyekto na makatutulong sa mga negosyante. (Bilibb)

Sa pagnanais na manumbalik ang positibo at aktibong galaw ng ekonomiya, binuksan na ang One Town, One Product (OTOP) Hub na isinusulong ngayon ng Department of Trade and Industry (DTI) Laguna katuwang ang kilalang amusement park na Enchanted Kingdom.

Ang OTOP Hub ay inilunsad noong Setyembre 15, 2022 at ipinuwesto ito ng DTI Laguna sa Jungle Outpost Zone ng Enchanted Kingdom sa Sta. Rosa, Laguna.

Ang ribbon cutting ceremony sa pagbubukas ng One Town, One Product o OTOP Hub
ng Department of Trade and Industry (DTI) Laguna. (Bilibb)

Ang masasarap at malilikhaing produktong ito na mabibili rin sa Pugad shop at Cultural Village Zone ng Enchanted Kingdom ay tulad ng locally handcrafted bags and accessories, coffee and tea gift packs at maraming iba pa. Ang mga tampok na brands dito ay ang Harito’s Food Products, Raymar’s Peanuts, Switsis, Piliana Gourmet, Cocoplus, Mama Mia’s, Romalyn’s Ube Halaya, MCA Mushroom, Vegetari, Yollie’s Alamang, Daisy’s Kropek, Kitchen Angels, Dairy Deluxe, Sano, Zennie’s, Amazing Foods, Likhaya, Brics Turmeric, Calle Arco, Nature’s Dew, Rolyolikha at iba pa, Leny Handy Crafts, at Let Eat Go Coffee.

Sa pahayag ni Mario Mamon, pangulo ng Enchanted Kingdom, ikinatuwa nila ang proyektong ito dahil mas makakaahon na ang mga negosyante mula sa idinulot ng pandemya dala ng COVID-19.

Ang paglulunsad ng OTOP Hub ay pormal na sinuportahan ni Mario Mamon, chairman at president ng Enchanted Kingdom o EK. (Bilibb)

“Alam naman natin na pare-pareho tayong may pinagdaanan nitong dalawang taon kaya kahit kami ay bukas na and we are really finding our direction back para sa ganoon ay maka-recover. And I think one way by which we can assist the smaller producers and others is to be able to cooperate in programs like this,” ani Mamon.

Ang pagtulong ng pribadong sektor ay kinilala nang husto ng DTI Laguna.

“Today is a day of gratefulness and we are very happy that we are hosted by Enchanted Kingdom and through the efforts of our DTI Laguna. ‘Yung aming inaasam ay natutupad natin dahil mayroon po kaming maaasahan na private sector partners at ito po ay from our Association of Laguna Food Producers,” pahayag ni Marissa Argente, OIC-Regional Director 4A.

Isa sa mga nagbigay ng pasasalamat sa paglulunsad ng OTOP Hub ay si Marissa Argente, OIC-Regional Director 4A. (Bilibb)

“At the moment we have 21 brands of Laguna products that are already in the hub. Siyempre po to the Mamon family lalo na po sir Mario and ma’am Cynthia Mamon, maraming-maraming salamat at kay (Sta. Rosa City) Mayor Arlene Arcillas. We at DTI, kahit po kami ay may sariling mandato na kapag sinusuportahan ng local government units, private sectors ay lalo pong nabibigyan kami ng lakas para ituloy namin ang aming mga trabaho,” dagdag pa ni Argente.

“Simula nang ilunsad ang One Town, One Product o OTOP noong 2002 ay naging simbulo na ito ng masigasig na programa ng pamahalaan upang ipaglaban at paunlarin ang mga kababayan nating negosyante na kabilang sa micro, small and medium enterprises (MSMEs),” ayon naman kay Peter Jaynul Uokong OIC-Laguna Tourism Culture and Trade Office.

Si Sta. Rosa City Mayor Arlene Arcillas habang nagbibigay
ng pahayag sa pagbubukas ng OTOP Hub ng DTI Laguna. (Bilibb)

Gayundin, ikinatuwa ni Mayor Arcillas ang makabuluhang proyektong ito ng DTI Laguna.

“I always say when you come in Sta. Rosa you will never want to get out of Sta. Rosa. I am very happy na ang DTI Laguna you always choose Enchanted Kingdom, you always choose the city of Sta. Rosa to be our hub, ayon sa alkalde.

“We’ve been doing a lot of one town, one product projects already. In fact, in Sta. Rosa we have the Negosyo Center. This is very timely because we realized during this pandemic ano po ang mas dumami ay the MSMEs kaya po full support kami sa MSMEs. We are very happy they have another platform to market their products here in the hub,” dugtong pa ni Arcillas.

Ang Agila EKsperience, ang first flying theater sa bansa, na magdadala sa inyo sa
magagandang tourist spots sa Pilipinas. (Bilibb)

Sa okasyong ding ito ay nagkaroon ng pagkakataon ang mga dumalo na maranasan ang isa sa pinakamagagandang atraksyon ng Enchanted Kingdom na Agila EKsperience, ang kauna-unahang flying theater sa bansa. Sa pagsakay sa Agila EKperience ay mararanasan din ang makadayo sa iba’t ibang tanawin ng Pilipinas habang nakaupo lamang. Nababagay sa buong pamilya para sa kakaibang EKperience!