Otep’s Tinuno: Hardin ng masasarap na pagkain

Kung nagagawi o planong matunton ang Cauayan sa lalawigan ng Isabela, ang Otep’s Tinuno ang matunog na Pinoy restaurant dito na malapit sa Cauayan Airport.

Simple lamang kung titignan ang harapan ng restaurant pero magugulat kayo sa kakaibang estilo sa looban nito. Tila isang malaking hardin ang nasa loob na may iba’t ibang lugar na pupuwestuhan para makakain at sadyang maaliwalas. Siyempre hindi rin pahuhuli ang katakam-takam na pagkain!

Maliit o malaki mang grupo kayong pupunta rito ay siguradong magkakaroon kayo ng privacy between tables. May mga kubo rito na may pangalan ng ilang lugar sa Isabela na tiyak ninyo ring magugustuhan.

Number one seller nila rito ang mga pagkaing tinuno, salitang Ilocano na ang ibig sabihin ay inihaw – niluto sa apoy o sa nagbabagang uling. May pagpipiliang mga karne, isda at iba pang pagkaing-dagat na hindi ninyo hihindian.

Boodle fight ang hanap? Maliban sa mga kada serving na mga putahe ay nakahanda rin ang Otep’s Tinuno sa boodle fight na trip ninyo. Ito ang pinatikim sa amin ng lokal na pamahalaan ng Isabela nang kami ay mag-cover ng kanilang Bambanti Festival.

Ang Boodle 1: Klasik na isang Boodle Fight set ng Otep’s Tinuno. Ito ay may tortang talong, crispy pork binagoongan, inihaw na bangus, chicken bbq, laing ni lola, stuffed baby squid, okra, kamatis, salted egg, at isangkaterbang kanin. (Kuha ni Cris Dellegabion)
Ang Boodle 2: Isla na isang Boodle Fight set ng Otep’s Tinuno. Ito ay may daing na bangus, lechon kawali, inihaw na liempo, inihaw na tilapia, stuffed baby squid, ensaladang talong, salted eggs, okra at kamatis, at isangkaterbang kanin. (Kuha ng Bilibb)
Ang Boodle 3: Fiesta na isang Boodle Fight set ng Otep’s Tinuno. Ito ay may crispy pata, fried chicken, inihaw na tilapia, inihaw na tanigue, inihaw na liempo, ensaladang talong, kamatis, Otep’s pansit at isangkaterbang kanin. (Kuha ni Cris Dellegabion)

Mula sa mga pagkain, serbisyo, at lugar ay mabibigyan ninyo ang Otep’s Tinuno ng mataas na rates kung kalidad ang pag-uusapan.

Ang grupo namin bilang media na sarap na sarap sa mga pagkain ng Otep’s Tinuno. (Kuha ng Bilibb)

Sakto sa sarap at hindi rin magiging problema sa bayarin dahil sakto rin naman ang kanilang presyo sa bawat pagkaing matitipuhan.

Hindi rin magiging isyu ang pag-park ng inyong mga sasakyan dahil malaki ang kanilang lugar.

Sa mga kubong nasa loob ng Otep’s Tinuno, isa ang kubong ito na may pangalang Maconacon na isang munisipalidad sa lalawigan ng Isabela. (Kuha ng Bilibb)
Ang menu ng Otep’s Tinuno. Ang restaurant na ito ay matatagpuan sa Banigan St., San Fermin, Cauayan City sa lalawigan ng Isabela. (Kuha ng Bilibb)