Oposisyon nababahala sa bagong usaping EDCA

Sa ginawang diskusyon hinggil sa Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA tinalakay ito nina (mula sa kaliwa), Mike Billington, activist sa LaRouche Movement, Asia Editor sa Executive Intelligence Review (dumalo via Zoom kasama si Prof. Anna Malindog-Uy, Vice President for External Affairs, Asian Century Philippines Strategic Studies); at Ado Paglinawan ng Rizalistas of Nueva Ecija, Vice President for External Affairs, Asian Century Philippines Strategic Studies. Tutol din dito sina Ka Leody de Guzman, Chairman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino at lider ng Partido ng Lakas ng Masa; at Ka RJ Javellana, president ng Water for All Refund Movement-United Filipino Consumers and Commuters. Naging moderator naman si Wilson Lee Flores (dulong kanan) sa forum na ginanap sa Quezon City nitong Sabado ng tanghali. (Kuha ng Bilibb)

Nababahala ang ilang grupo sa plano ng Amerika na palawakin pa ang saklaw ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa Pilipinas bilang pagtugon sa pananalakay ng China sa West Philippine Sea.

Sa EDCA, pinahihintulutan nito ang paggamit ng militar ng Amerika ng mga pasilidad sa mga base militar at kampo ng Pilipinas. Ito ang naging daan para talakayin ito ng mga grupo na taliwas sa EDCA.

Nagkaroon ng pagpupulong itong Sabado, Marso 4 sa Kamuning Bakery sa Quezon City na dinaluhan nina Ka Leody de Guzman, Chairman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino at lider ng Partido ng Lakas ng Masa; Mike Billington, activist sa LaRouche Movement, Asia Editor sa Executive Intelligence Review at awtor ng Reflections of An American Political Prisoner; at si Ado Paglinawan ng Rizalistas of Nueva Ecija, Vice President for External Affairs, Asian Century Philippines Strategic Studies.

Naging tagapagsalita rin dito sina; Ka RJ Javellana, president ng Water for All Refund Movement-United Filipino Consumers and Commuters. Gayundin, nagbigay din ng pahayag si Prof. Anna Malindog-Uy, Vice President for External Affairs, Asian Century Philippines Strategic Studies.

Sa nakikita nila ng mga ito, may paglabag ang pamahalaan sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa independent foreign policy sa pagpasok sa EDCA.

“(Sa) tantya ko ‘yung gobyerno kasama ang military ay nakaangkla na doon sa pagsuporta, sa ginagawa ng Amerikano. Iyon na ‘yon, ang desisyon ni Marcos na payagan ang pagbubukas, pagdaragdag ng base military (sa bansa). ‘Yon (ang) pagpihit na ni Marcos doon sa kanyang dating tindig after ng visit niya sa US,” ani De Guzman.

Para sa mga grupo, malaking isyu ang kagustuhan ng pamahalaan sa pakikipag-ugnayan sa Amerika dahil ang magiging biktima nito ay ang mamamayang Pilipino. Naroon ang pagkabahala nila na ang pagkakasangkot ng US sa bansa ay higit na mapukaw ang China at pagsimulan lalo ng tensyon.

Sa pagbisita ni US Vice President Kamala Harris sa bansa noong Nobyembre 2022, muli niyang iginiit ang pangako ng Amerika sa Pilipinas na susuportahan ang pinakamahabang kaalyado nito sa Asya at dating kolonya sakaling magkaroon ng armadong pag-atake.

“Itong visiting forces agreement na ito ay hinihigop tayo sa giyera na hindi naman natin giyera. Ang mga problema ng mga Pilipino ngayon (na dapat harapin) tulad ng mga mangggagawa ay pambayad sa kuryente, tubig, ang usapin nga ngayon sa onion ay hindi pa ma-settle. Pumasok pa (ang Pilipinas) sa tinatawag na sigalot dito sa tension na nililikha ng imperyalistang Estados Unidos dito sa Taiwan,” ani Javellana.

Ang grupong Water for All Refund Movement-United Filipino Consumers and Commuters ni Ka RJ Javellana na nakibahagi sa “Peace Rally-March-Die-in” bilang pagtutol sa plano ng Amerika na palawakin pa ang saklaw ng Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA sa Pilipinas bilang pagtugon sa tension ng China sa West Philippine Sea. Ang rally ay isinagawa ng tanghali sa Boy Scout Memorial Circle sa Timog Avenue sa Quezon City. (Kuha ni Teddy Pelaez)

Matapos ng talakayan, nagtungo ang mga grupo at ibang non-governmental organizations para sa isang “Peace Rally-March-Die-in” sa Boy Scout Memorial Circle sa Timog Avenue sa Quezon City upang ipakita pa ang disgusto ng mga ito sa EDCA.

Ayon kay Javellana, naghahanda rin ang mga oposisyon ng malawak na pagkilos hindi lamang sa Metro Manila kung hindi mismo sa mga bagong tinitignang base militar sa ilalim ng EDCA. Magkakaroon din sila ng kumperensya o mass actions sa Isabela, Cagayan, Zambales, Southern Tagalog at ilang bahagi ng Mindanao at Visayas.