Katanghalian ng Lunes, inanunsyo ni Laguna Governor Marisol “Sol” Castillo Aragones-Sampelo na suspendido ang lahat ng face-to-face classes sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan sa lalawigan mula sa Oktubre 14 hanggang Oktubre 31.
Ang suspensyon ay kaugnay ng paghahanda sa posibleng paglindol.
Dahil walang face-to-face classes, magsasagawa ng alternative delivery mode bilang pamalit dito kabilang ang online class, at modular.

Bakit ganito katagal ang suspensyon?
Sa panayam ng DZMM kay Laguna Governor Aragones, ang anunsyo sa haba ng suspensyon ay dumaan sa konsultasyon sa mga pinuno ng Department of Education at Disaster Coordinating Council at iba pa.
Nangangamba ang gobernadora dahil may mga fault line lalo na sa una at ikalawang distrito sa kanilang lalawigan. Kinosindera na rin ng kanilang pamunuan na may paparating na holiday sa huling linggo ng Oktubre. Malaking konsiderasyon din na nag-aalala ang mga magulang ng mga estudyante dahil nagtataasan din ang mga paaralan sa kanilang nasasakupan.
Paliwanag pa ni Aragones, hindi dahil suspendido ang face to face classes ay wala nang gagawin ang mga bata.
“Tiniyak naming may gagawin ang mga bata. Gagawin nating modular o kaya naman ay online classes,” ayon kay Aragones.
Dagdag pa ng gobernadora, habang wala sa mga paaralan ang mga estudyante ay iinspeksyunin nila, kasama ang mga alkalde, ang bawat classroom sa structural integrity ng mga ito.
“Ang buildings namin dito ang tagal-tagal na, deka-dekada na ang buildings dito na naabutan natin. Kaya ang lagi ko lang sinasabi ‘yong mga maiiwan natin sa pag-aaral (ng mga estudyante), mahahabol natin ‘yon eh. Pero ‘yong buhay ng tao kapag may nangyari hindi natin maibabalik ‘yon. Ang bagyo napaghahandaan natin pero ang lindol hindi natin alam kung kailan tatama,” giit pa ni Aragones.

