Number coding scheme balik sa normal sa Marso 7

Dahil sa naging pagmomonitor ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa unang araw ng isang linggong transport strike na sinimulan itong Lunes, Marso 6, wala nang suspension sa number coding scheme sa susunod na araw.

Noong Linggo ay nagdeklara ang MMDA sa suspensyon ng naturang scheme dahil sa strike na isinasagawa ng mga organisasyon ng mga driver at operator ng public utility vehicles na hindi pabor sa jeepney modernization program.

Ang anunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagbabalik ng number coding scheme simula sa Martes, Marso 7. (MMDA Facebook page)

Sa naging pagmomonitor sa strike, nakita ng ahensya na kaunti lamang ang lumahok na mga jeepney dito.

“Ang MMDA ay nag-decide na hindi na palawakin ang number coding scheme suspension. Ang atin pong coding ay mayroon na ulit bukas (Marso 7),” ayon sa ahensya sa isinagawang press briefing.

Sa isang linggong strike, magpapatuloy din ang MMDA sa serbisyong Libreng Sakay sa commuters kung saan 25 sasakyan ang handang naka-deploy, kabilang ang apat na air-conditioned bus, dalawang non-airconditioned bus, at 13 commuter vans. Ang programang ito ay upang makatulong na hindi maparalisa ang mga biyahe ng mga mananakay partikular ang mga papasok sa trabaho.

Maliban sa nabanggit, ang national government din ay naglaan ng 100 buses para sa hiwalay pang Libreng Sakay upang maiwasan ang stranded na mga pasahero. Magdadagdag pa ng mga sasakyan kung kakailanganin bilang tulong ng gobyerno.