NPF Bike and Nature Park Trail bukas na!

Ang mga siklista na nakiisa at natuwa sa pagbubukas ng NPF Nature Park Trail noong Disyembre 18, 2022 sa New Seaside Drive, Entertainment City, Parañaque City, Metro Manila. (Kuha ng Bilibb)

Ayon sa mga pag-aaral, isa sa mga benepisyo sa pagpunta sa mga parke o recreation areas ay ang pagganda ng kalusugan ng kaisipan, mas umaayos na kalusugang pisikal kumpara sa mga lugar tulad ng pag-eehersisyo sa bahay, pagpunta sa malls, at paglalaro ng video o computer games. Sa madalas ding pagpunta sa mga parke ay nakatutulong ito sa pagbaba ng depresyon at pagkabagabag.

Sa bagay na ito ay konektado ang bagong proyekto ng Nayong Pilipino Foundation (NPF).

Tulad ng ganda at sariwang luntiang kapaligiran, ganito rin ang naging bungad ng NPF sa pormal na paglulunsad nila ng kanilang NPF Bike and Nature Park Trail noong Disyembre 18, 2022 sa New Seaside Drive, Entertainment City, Parañaque City, Metro Manila.

Ang lugar ay katapat lamang ng Okada Manila kung saan ika-6 pa lamang ng umaga ay tinipon na ang bikers upang ipakilala sa kanila na may bago silang puntahan para makaehersisyo at makapag-relax sa mapunong lugar.

Ang proyektong ito na na nasa phase 1 pa lamang ay ang tugon ng NPF sa tawag para sa mas luntian at mas ligtas na paraan ng transportasyon at isulong ang cycling tourism.

Si NPF Executive Director Gertie Duran-Batocabe habang nagpapahayag sa paglulunsad ng kanilang proyektong NPF Bike and Nature Park Trail noong Disyembre 18, 2022 sa New Seaside Drive, Entertainment City, Parañaque City, Metro Manila. (Kuha ng Bilibb)

“Salamat sa Diyos at nabigyan tayo ng magandang panahon to celebrate our 50th year of Nayong Pilipino Foundation and at the same time the Bike and Nature Park Trail launch,” ani NPF Executive Director Gertie Duran-Batocabe.

“The Department of Tourism fully supports Nayong Pilipno and its initiative to regain at spot in the urban green spaces arena and to make the park open, accessible and safe for bikers and joggers alike. We applaud the Nayong Pilipino Foundation for taking this progressive step to revitalize the park by diversifying its products to create its own brand of bicycle tourism as well as to provide the healing space for our people and the environment,” ayon naman kay Atty. Pamintuan.

Bilang pagsuporta, nanguna sa ribbon cutting ceremony sa pagbubukas ng NPF Bike and Nature Park Trail ay sina (mula sa kaliwa) Parañaque City Administrator Atty. Voltaire Dela Cruz, NPF Executive Director Gertie Duran-Batocabe, Department of Tourism Atty. Shereen Gail Pamintuan, Hotel 101 General Manager Gel Gomez, at si Department of Tourism – National Capital Region Director Sharlene Zabala Badin. Ang naturang paglulunsad ay ang pinakabagong proyekto ng Nayong Pilipino Foundation (NPF). (Kuha ng Bilibb)

Katuwang ng NPF dito ang Pasay City Alliance of Tourism Advocates, Department of Tourism – National Capital Region (DOT-NCR) sa pangunguna nina Undersecretary Atty. Shereen Gail Pamintuan at Director Sharlene Zabala Badin, lokal na pamahalaan ng lungsod ng Parañaque sa pagdalo ni City Administrator Atty. Voltaire Dela Cruz, gayundin kay Hotel 101 General Manager Gel Gomez.

Mistulang maliit na kagubatan sa siyudad ang naturang parke na sa pagpasok dito ay tatambad sa inyo ang mapunong lugar at amoy ng maayos na kalikasan.

Naging libre ang pagsali sa okasyon kung kaya’t umabot sa 100 partisipante o bikers ang nagtungo rito. Lahat ng mga ito ay nabigyan ng mga libreng tee shirts, towel at iba pa. Naging libre rin sila sa almusal at may pa-raffle na ikinatuwa ng bikers.