‘No permit, no exam’ policy bawal na

Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos ang Republic Act (RA) 11984 o “No Permit, No Exam Prohibition Act,” na sumasaklaw sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan.

Inanunsyo ni Communication Secretary Cheloy Garafil noong Sabado na ang naturang batas ay nilagdaan noong Marso 11.

Nakasaad sa batas, kahit wala pang bayad sa tuition at iba pang school fees ay makakukuha na ng periodic at final examinations ang mga estudyanteng nasa basic o K to 12 institutions, higher education institutions, at technical vocational institutions.

“All public and private educational institutions covered by this Act are hereby mandated to accommodate and allow disadvantaged students unable to pay tuition and other fees to take the periodic and final examinations without requiring a permit. Provided, however, that in the case of K to 12 students, the mandate shall be for the entire school year,” nakasaad sa batas.

Ang kinakailangang sertipiko para sa “disadvantaged status of the student” ay dapat ibigay ng social welfare and development officer ng munisipyo, lungsod, lalawigan, o rehiyonal na tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ang sertipiko na ito ay maaaring ibigay para sa mga emergency, natural na sakuna, o iba pang dahilan na tinukoy sa mga tuntunin at regulasyon sa pagpapatupad.

Sa halip na gamitin ang proseso ng sertipikasyon na ito, malaya ang mga paaralan na pahintulutan ang kapus-palad na mag-aaral na may utang pa para sa paaralan na kumuha ng mga pagsusulit o makuha ang kanilang mga naaangkop na rekord at kredensyal.

Nakahanda ang Department of Education, Commission on Higher Education, o Technical Education and Skills Development Authority na magpataw ng mga parusang pang-administratibo sa mga pampubliko at pribadong institusyong pang-edukasyon na lalabag sa naturang batas.

Sa pagsasabatas ng RA 11984, pinasalamatan si Pangulong Marcos ng pangunahing may-akda ng panukala na si Sen. Ramon Revilla Jr. noong Sabado.