
Si Agnes Locsin ay isang kilalang pigura sa larangan ng sayaw sa Pilipinas, tanyag sa kanyang makabagong koryograpiya at dedikasyon sa sining ng sayaw.
Noong June 11, nagkaroon si Locsin ng kanyang lecture workshop na The Path to Neo-Ethnic Choreography sa Ayala Museum sa Makati City.
Suportado ng mga kaibigan at pagpunta ng mga kabataan, ang talakayan ay nagbigay ng pagsusuri sa pag-unlad ng sining ni Locsin, na nagpapakita kung paano ang kanyang malalim na pag-aaral, eksperimento, at pakikipag-ugnayan sa pamanang kultural ng Pilipinas ay nagresulta sa paglikha ng neo-ethnic choreography, isang natatanging wika ng sayaw na pinagsasama ang mga katutubong estilo sa mga aspeto ng makabagong sayaw at klasikal na ballet.
Binanggit din niya rito na ilan sa kanyang mga sayaw ay may ambag ni Joey Ayala, kilalang singer-songwriter, musician, at cultural advocate.
Si Locsin sa kanyang karera
Ang kahanga-hangang talento at kasanayan ni Locsin sa sayaw ay nahubog sa ilalim ng gabay at pagtuturo ng kanyang ina, si Carmen Dakudao.
Ipinanganak noong September 28, 1957, sa Lungsod ng Davao, si Locsin ang bunso sa pitong magkakapatid. Ipinakita ang kanyang maagang kakayahan sa sayaw, nagsimula siyang matuto sa murang edad na dalawang taon at kalahati, na ang kanyang ina ang naging unang guro niya.
Bilang Kindergarten pupil, kinilala siyang “Best Dancer” sa Ateneo de Davao College noong 1962-1963. Mula noon, ang dedikasyon niya sa kanyang sining ay kinilala nang siya ay pinarangalan bilang Pambansang Alagad ng Sining para sa Sayaw noong June 10, 2022, sa rekomendasyon ng National Commission for Culture and the Arts at Cultural Center of the Philippines.

Sa Locsin Dance Workshop, na orihinal na itinatag ng kanyang ina bilang Locsin Ballet School, Locsin Ballet and Jazz School noong 1947, pinangalagaan ang kanyang pagkahilig sa sayaw na lumampas sa mga tradisyonal na anyo ng kulturang ito.

Si Locsin ay nakapag-aral ng kursong Ingles sa Ateneo de Davao noong 1979 at sa Ohio State University ng masters degree sa sayaw. Kilala siya sa kanyang ambag sa paglago ng kontemporaryong sayaw sa Pilipinas, lalo na sa kanyang koryograpiyang neo-ethnic – terminong nagmula kay Ayala. Ito ay sayaw na pinaghalong galaw ng katutubo at Western classical ballet at modernong dance concept.
Mga sayaw na natatangi kay Locsin
Isa sa pinaka-advance na kontemporaryong koreograpo sa bansa, si Loscin ay isang koreograpo, direktor, at guro. Ilan sa kanyang mga kilalang likha ay ang Babaylan, na pumangalawa sa Tokyo International Choreography Competition (1993); Taong Talangka (Man-Crab); Salome, na pumangalawa para sa mananayaw na si Camille Ordinario sa 1994 Concours International de la Danse sa Paris, France; at narrative pieces, tulad ng tungkol sa buhay ng mitikal na bayani na si Labaw Dungon sa epikong Hinilawod mula sa pulo ng Panay.
Titulong iniingatan ng nag-iisang Locsin
Sa tala ng Cultural Center of the Philippines, si Locsin ang ikaanim na pambansang alagad ng sining sa kategoryang sayaw mula noong 1973, kasunod nina Francisca Reyes Aquino (1973), Leonor Orosa Goquingco (1976), Lucrecia Reyes-Urtula (1988), Ramon Obusan (2006), at Alice Reyes (2014).
Siya ang ikaanim na personalidad mula sa Mindanao na tinawag na Pambansang Alagad ng Sining para sa Visual Arts, kasunod nina Victorio Edades (1976), Ang Kiukok (2001), Abdulmari Asia Imao (2006), at Resil Mojares (2018).
