Na-scam ka sa binili? Paano ba ito maiiwasan?

Sa social media, nagkalat ang mga iba’t ibang uri ng bentahin na sa alam natin ay online selling.

Maganda ang item sa bawat larawan na ipinakikita, bagong-bago, may freebies pa, at discounted rate rin pero ang siste paraan pala ito para makapanloko.

Saan ka hindi dapat magpadala o magpauto?

Parang sa intimate relationship, huwag padadala sa mga pangako. Maraming paasa sa panahon ngayon kahit sa online market at iiwanan kang “hopia”. Pero maging partikular ka sa mga sumusunod:

– LIMITED OFFER. Sasabihin sa iyo na sa partikular na araw at oras lamang ito makukuha (one-day or 72-hour) at pagkatapos nito ay goodbye kuno na. Ang totoo, dahil sa “limited” offer na iyan, kakagat ka kaysa mawala at bumalik sa dati o original price ang item. Pero magugulat ka na may magbibigay ng private message sa iyo na extended ang promo nila para makabenta sila.

– FREEBIES. Ang daming libre parang too good to be true sa napakamurang item. Mag-ingat sa ganyan kasi mahirap nang mahabol ang seller na manloloko. Maging maingat baka ang libreng items ay hindi rin naman mapakikinabangan dahil sira o kulang sa laki, at iba pa.

– SIZE. Oh well, size does matter pero dahil nakita mong malaki sa larawan ang item ay agad mo nang kukunin. Huwag padadala lalo na kung walang sinabing size ng item. Ang tunay na online seller ay nagsasabi ng size ng kanilang bawat item – hindi ka naman siguro kukuha ng kumot na pang Barbie na dapat sana ay anak mong teenager ang gagamit.

Kung walang sinabing size, puwede ka namang magtanong. Kung ang trabaho mo ay secretary, halimbawa, tanungin mo ang seller ay kung ang binibenta niyang bag ay kasya ang size ng isang short o long folder – at least may idea ka. Mas mainam kung susukatin niya ang bag na iyon.

– IMAGE. Huwag kang padala sa mga larawan na ipinakikita. Mas mainam na kung bawat portion nito ay may imahe. Halimbawa sa bag, dapat may imahe ng kuha ng loob nito para alam mo kung komportableng paglagyan ng mga gamit mo – kung marami bang bulsa. Secured ba sa mga lock, zipper at iba pa.

Kung hindi iyan sapat sa iyo, hingan mo ang seller na kunan ng video ang mga detalye ng bag – at dapat klaro. Dapat malinaw ang kuha baka ang bag na binibili mo, lalo na kung secondhand, ay may punit na na puwedeng lumaki pa at masayang ang iyong panahon at pera sa pagkuha nito.

– SELF-TESTIMONY. Madaling sabihing, “mabenta sa amin iyan at maraming may gusto.” Maiging hanapan sila ng screenshot o detalye ng reviews para sa kanilang sold item – na hindi customized. Kapag mas maraming negative reviews ay mas dapat kang magduda.

Self-review na matatawag na sasabihin ng seller na legit, tunay o orig ang binibenta nila. Puwede namang maging honest kung talagang Class A lamang ang item. Pero kung sadyang peke o imitation na pero presyong pang-orig, ikaw ang lugi.

At kahit pa nasa legit e-commerce company ka, mainam na maging matilo kang consumer.

Kung walang mga dahilan para bumili nang tama, magduda ka na.  Doon ka na sa legit. Aralin mo rin kung saan talaga mapupunta ang perang pinaghirapan – hindi iyan pamigay at ang kapalit ay stress. Matuto ka.