My Lola Nor’s: Kulturang pagkain sa hapag

Ang Tibuk-tibuk (carabao's milk pudding) na isa sa masasarap na panghimagas ng My Lola Nor's. (Kuha ng Bilibb)

Kung hanap ay orihinal at masarap na lutong Kapampangan, hindi na kailangan dumayo pa sa Pampanga dahil mayroong bagong branch ang My Lola Nor’s sa Metro Manila.

Matatagpuan malapit sa EDSA sa Mandaluyong, puwede nang matikman ang comfort food sa My Lola Nor’s. May soft opening ito sa Biyernes, March 1 na hindi kayo bibiguin dahil sa dekalidad na sarap at serbisyong pampamilyang restaurant. Pero bago ang lahat, alamin natin ang pinagmulan ng kainan na ito na sikat sa norte.

Ang Okoi na may lahok na kalabasa, papaya at hipon. (Kuha ng Bilibb)

Si Lola Nor at pamilyang may husay sa pagluluto

Hango ang pangalan ng restaurant kay lolang si Leonora Quizon Jocson.

Nagsimula bilang simpleng meryendahan sa garahe sa Mabalacat, Pampanga, naging puntahin ang lugar sa sarap ng mga meryendang gawa ni Lola Nor. Kung paano niya pinagsisilbihan ang mga apo sa pamamagitan ng masasarap na pagkain ay naging daan ito sa pagsisimula ng negosyo.

Sa buong dedikasyon, pinangunahan ng mag-asawang sina Reymond Yabut at Elsa Jocson-Yabut ang negosyo. Sinimulang ipalasap sa publiko ang recipes ni Lola Nor’s mula sa palabok, aluwalu (halo-halo), quezo flan (cheese cake at leche flan), at ang kanilang signature drink na batirol.

Sa sarap ng lutong bahay at serbisyong Lola Nor’s naging full grown restaurant ito sa loob ng 12 taon. Kabilang na rin ang pamilya sa nagpapasarap ng kanilang lutuin. Katunayan, ang Lola Nor’s ay may 3 branches na sa Pampanga (Mabalacat, Mexico, at San Fernando). Mayroon din silang kiosk sa Clark International Airport para sa masasarap na meryenda.

Isa sa mga naging rason kung bakit pinaghusay pa ang tatak Lola Nors ay dahil napansin ng pamilya na dumarami ang “foreign” restaurants sa Pampanga dahil nagsusulputan ang Korean, Japanese at iba pang kainan. Dahil nakukulangan ng lokal na mga pagkain, sumabay sa healthy competition ang Lola Nora’s huwag lamang mawala ang lutuing sariling atin.

Madalas na nagiging bisita ng Lola Nor’s ang overseas Filipino workers. Napapahanga rin nila ang customers dahil ang konsepto ng kanilang restaurant ay Pinoy o para bang nasa loob lamang kayo ng bahay.

Ang Quezo Flan (cheese cake at leche flan), isa sa ipinagmamalaki ng My Lola Nor’s. (Kuha ng Bilibb)

 

Sarap na ipinagmamalaki

Ang mga pangunahing pagkain ng Lola Nor’s ay ang lutong Kapampangan at iba pang lutong Pinoy. Karamihan sa mga ito ay nasa orihinal na lutuin ni Lola Nor. Ipinagmamalaki rin na kaya nilang magluto ng international food na nagpapatingkad pa sa food tourism ng bansa.

Bawat pagkain sa Lola Nor’s ay maprosesong ginagawa mula sa pagpili ng natatangi at sariwang mga rekado. Maingat na binabantayan ang pagluluto upang hindi makawala ang orihinal na lasang nagpakilala sa kanilang pangalan.

Dito malalasap ang orihinal na Sigang Babi, Ligang Baka, Pakbit, Lagat Pusu, Besang Bulig, Pigan Paro, Kare-kare, Crispy Pata at iba pa.

Gusto ninyo ng exotic food? May Arobung Kamaru (adobong mole cricket o kuliglig) at Betute Tugak (stuffed frog) ang Lola Nor’s na angat din sa lasa.

Sa dessert, malinamnam na ihahain ang kanilang tibuk-tibuk (maja blanca) dahil ginamitan ng sariwang gatas ng kalabaw at binudburan ng latik. Isa rin ito sa aming mga natikman nang maimbitahan din ang grupo ng media sa eksklusibong pagsisimula sa Metro Manila ng Lola Nor’s.

Ang paper placemat na nag-aanyang “Magpakabsi Ko Pu,” o Magpakabusog Po Kayo sa Tagalog. (Kuha ng Bilibb)

Ang restaurant na ito sa Mandaluyong ay ang ikaapat nilang branch. Katuwang ng restaurant owners ang business partner na si Dr. Raul Lapitan, dating presidente ng Philippine Heart Association.

Isa si Elsa sa walong anak ni Lola Nor kung saan isa lamang sa mga ito ang lalaki. Lahat sila ay may husay sa pagluluto. Sa ngayon, 16 na ang apo ni Lola Nor at patuloy pa rin ipinamamalas ang kanyang comfort food at iniingatang hindi mawala sa panlasang Pinoy hanggang sa susunod pang mga henerasyon.

Ang eksklusibong pagbubukas ng My Lola Nor’s sa Mandaluyong City. (Kuha ng Bilibb)

 

My Lola Nor’s

The Portal, Greenfield District, Mandaluyong City

Operation: 10:00 AM to 10:00 PM

09627875542 | 09660091588

Ang mga pasalubong o pagkaing mula sa Pampanga ng My Lola Nor’s sa Mandaluyong City. (Kuha ng Bilibb)