Mutya Johanna Datul napabighani ang mga Vietnamese

Si Mutya Johanna Datul (kaliwa) habang suot ang wedding dress na gawa ng katabi niyang fashion designer na si Van Anh Scarlet sa Hanoi, Vietnam noong November 5, 2022. Sa fashion show na ito na ginanap sa pine forest na may 400-meter runway ay inirampa ni Mutya Johanna ang kanyang kasuotan na may bigat na halos 20 kilograms. (Mutya Johanna Datul Facebook account)

Siyam na taon matapos magdala ng karangalan sa Pilipinas bilang kauna-unahang Asyano at Pilipinang Miss Supranational, hindi pa rin kumukupas ang ganda, tindig at kumpiyansa ng nag-iisang mutyang reyna ng bansa na si Mutya Johanna Datul.

Kabi-kabilaan ang kanyang naging corporate endorsements, fashion events at pageant judging na parang siya pa rin ang reigning queen habang suot ang Miss Supranational sash sa pagpunta nito sa Vietnam kamakailan. Lubos na ikinatutuwa ng Vietnamese pageant fans at enthusiasts ang pagpunta roon ni Mutya na itinuring na rin siyang parang icon ng mga Vietnamese.

Mutya Johanna Datul (Mula mismo sa kanyang Facebook account)

Ilan sa mga naturang ‘ganap’ niya ay ang maging “vedette” o lead star ng Vietnamese fashion designer na si Miss Van Anh Scarlet sa See in the Forest na isang nature themed fashion show nitong November 5, 2022.

Napahanga at nabighani sa kanya ang mga Vietnamese dahil maliban sa suot niya ang pinakamagandang wedding dress ay dumanas si Mutya Johanna ng maraming kahirapan sa pagrampa sa 400-meter long runway. Ang runway na ito ay maraming madulas na seksyon dahil sa mga tuyong dahon. Maraming beses niyang kinailangang iangat ang palda para madaling makarampa. Dahil sa palakpakan ng mga manonood, laging may matingkad na ngiti sa kanyang mga labi sa kabila ng kanyang paghihirap sa pagrampa ng kanyang kasuotan na may bigat na halos 20 kilograms.

Abala rin si Mutya Johanna ngayon sa pagiging pageant judge sa ilang local pageants doon at tumutulong din sa paghahanap ng mga kandidata para sa Miss Global Business International na malapit nang maumpisahan.

Sa kabila ng pagiging busy sa international projects, hindi pa rin nalilimutan ni Mutya Johanna na bisitahin ang kanyang bayang kinalakihan. Kamakailan lamang ay nagsilbi siyang hurado kasama ang binibini sister na si Ariella Arida, Miss Universe 2013 3rd runner-up, sa Mutya ng Alicia Pageant sa Bayan ng Alicia sa Isabela province. Bumisita na siya rito 10 taon na ang nakakaraan bilang judge rin sa Mutya ng Alicia, pagkatapos siyang makilala bilang Mutya ng Pilipinas semifinalist mula Isabela noong 2012.

 

Kaya naman 10 taon mula nang “bulabugin” niya ang local pageant scene sa kanyang ganda, confidence at “salagubang” walk. Mistulang hindi pa rin talaga kumukupas ang kanyang ganda, personalidad at, kababaang loob bilang nag-iisang Mutya.

Ang payo ni Mutya Johanna sa mga naghahangad na mangarap maging beauty queen na tulad niya ay “Huwag mahihiyang tanggapin ang kahinaan mo. Dito ka matututo at makinig sa pageant mentors mo dahil sila ang mas nakaalam ng kung ano ang mabuti para sa iyo. Huwag ka ring manggagaya, ikaw lang dapat ang kakaiba. Higit sa lahat be yourself with confidence.”