MMDA: Number coding suspendido dahil sa transport strike

Sinuspide ng Metropolitan Manila Development Authority ang number coding sa National Capital Region sa Marso 6 dahil sa nakatakdang isang linggong transport strike.

Sinuspinde ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang number coding scheme o Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) sa National Capital Region dahil sa gaganaping isang linggong transport strike na magsisimula sa Lunes, Marso 6.

Ang desisyon ay dumaan sa inter-agency meeting ng ahensya habang tinatapos nila ang mga planong pang-emergency, mga ruta ng transportasyon, at paglalagay ng mga asset para sa nasabing strike.

Nilinaw din ng MMDA na ang suspensyon ng UVVRP ay para lamang sa Marso 6 – nangangahulugan na ang mga sasakyang may plaka na nagtatapos sa 1 at 2 ang makikinabang lamang dito. Susuruin pa ng ahensya kung gaano kabigat ang maidudulot ng transport strike sa mga mananakay. Ang pagmomonitor ay gagawin ng itatalagang higit sa 2,000 tauhan upang subaybayan ang mga sitwasyon.

“Nakahanda naman ang Metropolitan Manila Development Authority para magbigay ng libreng sakay sa mga pasahero na posibleng ma-stranded ng isang linggong tigil pasada simula sa Lunes,” ayon sa Facebook page ng ahensya. “Nasa 25 sasakyan ang ide-deploy sa mga lugar na makikitaan ng mga pasaherong mai-istranded dahil sa tigil pasada.”