Miss Universe Philippines 2023: 2nd beauty title ni Michelle Dee

Tunay na nagningning ang gabi ni Michelle Marquez Dee nang makoronahang Miss Universe Philippines 2023 nitong Mayo 13 sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Sa 38 deligadang sumabak sa beauty pageant, pinatunayan ni Dee ng Makati na deserving siya para sa titulo.

Sa pagkapanalo ng gabing iyon, ipinasa ang korona kay Dee ni Miss Universe Philippines 2022 Celeste Cortesi.

Maliban sa nasabing pagkilala, natangay din ng 5 foot 11 inches na si Dee ang Best in Gown, Miss Pond’s, Miss Aqua Boracay, at Miss Zion Philippines.

Mga ginawaran ng runners-up

* 1st runner-up: Miss Zambales Christine Opiaza

* 2nd runner-up: Miss Pampanga Angelique Manto

Sa hiwalay na coronation ceremony sa Okada Manila, si Miss Bohol Pauline Amelinckx ay idineklara bilang Miss Supranational 2023 habang si Miss Baguio Krishnah Marie Gravidez ay tinanghal na Miss Charm Philippines.

Michelle Marquez Dee (Kuha ng Miss Universe Philippines)

Sagot na nagbigay korona kay Dee

Sa question-and-answer portion ng pageant, lahat ng nakapuwesto sa Top 5 ay tinanong tungkol sa bagong slogan ng advertising ng Department of Tourism, “We give the world our best,” at ang mga dilag ay hiniling na ilarawan kung paano nila tutukuyin ang pinakamahusay na handog ng Pilipinas sa mundo.

“I think the best way to address this is really through education because education holds no status quo, and every Filipino child has the right to an education,” ani Dee. “Not just any education but quality education, because I believe if the government can provide this to every Filipino child then we can not only elevate their quality of life but we can empower them as well.

Ibang eksena sa pageant

Habang nasa show, sinabi ng host na si Xian Liam na nakansela ang Top 10 dahil sa technical issue. Para lumaban para sa isang puwesto sa Top 5, lahat ng Top 18 ay kailangang makipagkumpetensya sa evening gown competition.

Sa edition na ito ng pageant, ito ang unang pagkakataon na pinayagan ng Miss Universe na makalahok ang mga ina at may asawa.

Sa coronation night, present ang may-ari ng Miss Universe na si Anne Jakrajutatip, Miss Universe 2022 R’Bonney Gabriel, at Miss Universe 2019 Zozibini Tunzi.

Michelle Marquez Dee (Kuha ng Miss Universe Philippines)

Si Dee sa nakaraang beauty title

Hindi na bago si Dee sa pageant scene dahil ilang taon na siyang nakikipagkumpitensya.

Bago masungkit ni Dee ang Miss Universe Philippines, beauty titlist na siya. Kinoronahan siya noong 2019 bilang Miss World Philippines kung saan nagtapos siya bilang bahagi ng Top 12. Ikalawang beauty queen siyang nanalo ng parehong Miss World Philippines at Miss Universe Philippines crowns kasunod ni Filipinio-Australian beauty queen Catriona Gray.

Maliban pa sa nabanggit, tinanghal din si Dee noong 2022 bilang Miss Universe Philippines Tourism kung saan nakuha niya rin ang Best in Evening Gown award.

Hindi na rin nakapagtataka dahil nasa dugo niya ang patunay para sa mga titulo. Ang 28-year-old beauty-queen actress na ito ay anak ng 1979 Miss International na si Melanie Marquez na nanalo noon sa Japan. Ang kanyang ama ay isang businessman na si Frederick Dee.

Isang psychology graduate mula sa De La Salle University, si Dee ay nagkamit din ng parangal bilang Best Supporting Actress sa 36th PMPC Star Awards for Movies noong 2021.

Mas may paghahandaan ngayon si Michelle dahil siya ang kinatawan ng bansa para sa Miss Universe 2023 pageant na gaganapin sa El Salvador. Kung papalaring manalo rito ay siya ang ikalimang Miss Universe ng bansa.

 

Miss Universe Philippines 2023 special awards

Best in Evening Gown – Miss Makati Michelle Dee

Best in Swimsuit – Miss Baguio Krishnah Marie Gavidez

Face of Social Media – Miss Agusan del Norte Jannarie Zarzoso

Miss Congeniality – Miss Capiz Shayne Glenmae Maquiran