Milk tea: Mataas sa calories

Aminin natin na may health benefits ang pag-inom ng milk tea.

Ang milk tea ay may stress-lowering property. Dahil sa tsaa, nagbibigay ito ng positibong mood at pakiramdam ng mental at pisikal na pagpapahinga dahil sa L-theanine chemical, na nasa green at black tea. Maliban dito, ang tsaa ay may caffeine din na nagre-refresh sa katawan sa ilang minuto.

Ang problema lamang sa atin, hindi natin naiisip na ang milk tea ay hindi lamang tsaa ang laman – o baka hindi pa puro o tunay na tsaa – kaya sige lamang nang sige sa kaiinom nito ngunit nakaliligtaan nang hindi rin maganda sa kalusugan kapag napasobra.

Maraming calories ang milk tea

Sa isinagawang pag-aaral noon ng Taipei Medical University Hospital, ang a 0.7 liter (700ml) baso ng full-sugar pearl milk tea ay may 393 calories. Ang dami ng calories na ito ay katumbas ng calories na makukuha sa isa at kalahating bowls ng kanin. Sa isang bowl na lamang ng kanin ay naglalaman na ito ng 280 calories.

Paliwanag pa ng naturang pag-aaral, sa 20 araw na iinom kayo ng 0.7-liter glass ng pearl milk tea ay madadagdagan ang inyong timbang ng 1 kilo. Pero mapatatanong kayo, gaano ba karami ng milk tea ang regular ninyong iniinom? Kapag mas marami at mas madalas ay tiyak ang pagdagdag ng inyong timbang. Isyu rin na “buti sana kung iyan lamang ang calories na inyong nakukuha”, paano ang iba pang mga inumin at pagkain na inilalagay ninyo sa inyong mga katawan?

Isyu rin na kapag sa bahay ginagawa ang milk tea, mas kaunting tubig ang nilalagay at sa halip ay mas maraming regular na gatas ang ipinapalit dahil mas masarap ito.

Paano malulusaw ang calories mula sa milk tea?

“To burn off a glass of pearl milk tea, with its nearly 400 calories, one would have to jog for at least one-and-a-half hours,” ani Chen Chiao-ming na isang nutritionist sa nasabing university hospital.

Healthy ba ang tapioca starch?

Dahil ang milk tea ay may tapioca pearls, naroon ang tanong ng health enthusiasts kung healthy ba ang kumain nito?

May pag-aaral din na ginawa noon na pinakain ang mga daga ng tapioca starch at sago. Lumabas dito na sa sagong nakonsumo ay mas mababa ang kolesterol at triglyceride levels na nakuha ng mga daga.

Ang triglyceride ay isang uri ng taba na pinakakaraniwang uri ng taba sa ating katawan. Nagmumula ang mga ito sa mga pagkain gaya ng mantikilya, mantika, at iba pang taba na kinakain natin. Ang triglyceride ay nagmumula din sa extra calories. Kung mahilig kayo sa matatamis, nagpapataas din ito ng level ng triglyceride.

Kung misyon ninyong magbawasan ng timbang, mas mainam na bawasan o mas tamang sabihing tuluyang iwasan ang milk tea lalo na kung magiging mitsa pa ito sa iba’t iba ninyong health issues.

Laging paalala na in moderation lamang ang kain natin sa mga pagkain gayundin sa mga inumin. Partikular na dapat maging maingat kung binawalan na kayo ng mga doktor sa mga pagkain at inumin. Kailangang may disiplina para ang buhay ay humaba at maging masigla pa.