Milk tea: Level up sa tea drinking experience

Isa rin ba kayo sa mga taong ginagawang “life” ang pag-inom ng milk tea?

“Milk tea is life,” iyan ang halos ipinakikita ng marami sa pagtangkilik ng milk tea lalo pa ngayong magtatag-init.

Kahit saan kayo pumunta ay kaliwa’t kanan ang bilihan ng milk tea. Pero alam ba ninyo kung saan ito nagmula?

Noong 1980s pa unang umusbong sa Taiwan ang mas tinatangkilik ngayong milk tea. Sila ang tinaguriang “boba capital of the world”. Sila ang nagpakalat upang ang consumers ay magkaroon ng iba’t ibang tea drinking experience – dahil ang totoo hindi naman lahat ay gusto ang inuming tsaa lamang. Sa ngayon, mahigit sa 30 bansa na ang tumatangkilik ng inuming ito na kahit ang mga kilalang food store ay nagbebenta nito.

Boba tea: Chewy, creamy refreshment

Kapag sinabing “boba” ay negatibo ang pakuhulugan nito sa atin. Pero pagdating sa refreshment ito ay isang broad category ng chunky drinks. Ito ay puwedeng mula sa iced tea na may tapioca pearls. Mayroong ding tinatawag na fruit juices na may halong tunay na maliliit na hiwa ng prutas at puwede ring mismong black tapioca pearls na makunat.

Bubble tea, (black) pearl milk tea, o boba tea ay iisa lamang sa Taiwan na tinatawag nilang zhenzhu naicha.

Ang mga katawagang nabanggit ay nag-iiba depende sa lugar o sa inyong personal preference. Sa America ang tawag sa kanila ay bubble tea habang ang mga European ay boba ang tinatawag nila sa masarap na inumin na ito. Dito sa Pilipinas, alam na at sanay tayo na ito ay milk tea.

Ang milk tea ay karaniwang may halong tapioca pearls. Dahil sa maimbento ang tao, sa paglipas ng panahon ay nag-iiba ang milk tea na ating kinagigiliwan. Dito sa atin na maliban sa makremang gatas, ang ibang laman nito ay nata de coco sa halip na tapioca pearls habang ang iba ay naglalagay din ng marshmallows at kung ano-ano pa.

Ang “Q” products na basehan sa kalidad ng uri ng mga pagkain.

Ang addictive texture ng signature boba ay tinatawag ding Q o QQ sa Taiwan. Ito ang basehan sa kalidad ng produktong pagkain tulad ng al dente ng Italy. Sa pagsasalarawan ito ay nagbibigay ng kakaibang mouthfeel o texture. Ginagamit din ang Q/QQ sa Hong Kong at ibang bahagi sa China.

Tapioca pearls

Ang tapioca pearls ay nagmula sa halamang cassava o kamoteng kahoy. Ito ay starch na extracted mula sa storage roots ng kamoteng kahoy. Hinugis na halos ga-holen ang laki at ginawang caramelized kaya mas iba ang texture at lasa. Ito rin ay may mga katangiang bouncy, rubbery, at chewy. Pero ang katangiang ito ay hindi rin dapat mabalewala para sa kalidad ng inumin. Maliban dito, ang cassava ay good source ng dietary fiber. Ito rin ay may Vitamin C, thiamin, potassium, folic acid at manganese.

tapioca pearls

Samantala, ang tapioca pearls ay iba sa sagong pamilyar tayo na nilalagay sa taho, halo-halo, palamig at ginataang halo-halo.

Ang sago at tapioca na bagaman parehas na starch ay magkaiba dahil ang starch ng sago ay nakukuha mula sa pith (ubod), spongy na loob ng tropikal na palm trees na tinatawag na Metroxylon sagu.