Mga senyales na ikaw ay nasa masamang relasyon

Maraming nagsasabi na ang relasyon o pagkakaroon ng kabiyak, katipan, asawa, jowa, boy/girlfriend o ano pa man ang tawag diyan ay hindi para sa lahat. Hindi para sa lahat ang relasyon.

Ang relasyon ay hindi biro at hindi ginagawang biro. Sa relasyon hindi puwedeng walang sakit na madarama. Hindi ba kaya ka nasasaktan ay dahil nagmamahal ka? Ngunit ibang kuwento rin naman kung ikaw na mismo ang nananakit. Mas pinag-uusapan din kung negatibo at kung anong klase ang relasyon na siguradong malayo sa sinimulan nito.

Natural sa simula na maayos ang inyong pagsasama – dahilan kung bakit kayo nagkagustuhan. Natural na hindi makikita sa simula ang mga maling pag-uugali na habang tumatagal ay puwedeng lumala kapag hindi naayos nang maaga.

Ano-ano o paano ba malalaman na may mga senyales na ikaw ay nasa masama o maling relasyon?

  1. Kapag hindi kayo magkasundo sa isang bagay at pinag-uusapan ito nang may pagsisigaw, pagdadabog o pagwawala
  2. Ang isa sa inyo ay napapahiya sa publiko kapag mayroong pagtatalo. Maaari ring dalawa kayong nag-eeskandalo na hindi ninyo binibigyan ng kahihiyan ang mga sarili lalo na kung may mga anak
  3. Hindi nag-uusap nang maayos kapag may dapat pag-usapan. Ang isyu ay pinalilipas na lamang sa pag-aakalang lilipas din ito
  4. Kapag may nagpapaliwanag nang maayos pero ang isa ay hindi nakikinig o sumasagot nang pasinghal
  5. Kapag laging present ang pagseselos na madalas o laging wala sa lugar
  6. Kapag hindi inaalagaan ang sinumang may sakit sa magkapareha
  7. Kapag iresponsable ang kapareha at ang isa ang naaabuso kung saan nakalilimutan na rin niya ang kanyang sarili
  8. Kapag may pagbabalewala sa pangangailangan ng kapareha – oras, dates, sex, oras sa pamilya o kaibigan na partido ng bawat kapareha.
  9. Kapag mapilit pagdating sa sex o pinagagamit ka sa iba
  10. Kapag may isyu sa pera – hindi magkasundo sa pagtitipid at paggasta, may pagtatago
  11. Kapag hindi marunong tumanggap ng pagkakamali (walang accountability) o ayaw humingi ng sorry at sa halip mahilig manisi
  12. Kapag defensive palagi sa tuwing may diskusyon
  13. Kapag isinisisi sayo ang kabiguan sa trabaho, pangarap at iba pa na hindi naman totoo
  14. Kapag hindi nagsasabi nang tama sa oras ng pag-uwi, kung sino at ano ang pupuntahan at dumadalas ito
  15. Kapag nagiging ugali na ang pagsisinungaling
  16. Kapag ina-under o kinokontrol na ang kapareha
  17. Kapag ibinabalik pa ang dating isyu at paulit-ulit ito. O ginagamit ang mali sa nakaraan bilang pintas o kasiraan
  18. Kapag walang galang na nagiging ugali na sa katagalan
  19. Kapag kinikimkim (o patuloy ito) ang nararamdamang negatibo maiwasan lamang ang argumento
  20. Kapag tinatawag ka sa hindi mo pangalan – baliw, tang*, gag#”, atbp pero ang isa ay tinatawag ang kanyang sarili na maayos, magaling, may pera o mas gumagawa ng pera
  21. Kapag palagian ang bisyo na katamaran, inom, sugal, yosi kahit may pagbabawal na
  22. Kapag nariyan na lamang ang kapareha dahil sa hitsura, sex, pera, koneksyon, o masaklap dahil sa mga anak
  23. Kapag ikinahihiya ka ng partner mo dahil sa pigura, kapansanan o sakit
  24. Kapag sinisiraan ka sa iba ng partner mo
  25. Kapag ikinukumpara ka palagi sa ibang tao na hindi pabor sa iyo
  26. Kapag laging away-hiwalay-bati pero naayos dahil sa takot ng kung anumang dahilan ito
  27. Kapag nababalewala ang effort ng isa
  28. Kapag tinuturuan ka ng mali – pagnanakaw, pagsisinungaling, pagbibisyo o paggamit ng bawal na gamot
  29. Kapag nananakit nang pisikal
  30. Kapag may panloloko – ninanakawan ka, sa pamilya, atbp.
  31. Kapag may pananakot na hihiwalayan at sasabihin mas maayos ang magiging kapalit nito

30.Kapag nararamdamang mong mas safe ka kung wala sa bahay o hindi kasama ang partner

  1. Kapag walang suporta sa emosyon, pangarap, trabaho atbp
  2. Kapag inilalayo ka sa pamilya, kaibigan, kaopisina o kapitbahay
  3. Kapag nagsisinungaling ka sa estado ng sitwasyon mo sa tuwing may nangungumusta
  4. Kapag magkasama kayo ay mas ramdam lagi ang lungkot
  5. Kapag laging may pag-tsek sa sariling telepono, emails, at iba pa

Kung nakakatagal ka sa relasyon at iniisip na tama ito kahit sobrang toxic na – kung saan sapul na nito ang halos lahat ng nabanggit na senyales, ito ay patunay na may mali rin sa iyo.

Ang longevity ay hindi laging isang senyales na nasa matagumpay kang pagsasama. Hindi pabor dito ang psychologists. Hindi nasusukat iyan sa haba kung hindi sa lalim ng maayos na pagsasama o pinagsasamahan ninyo bilang magkapareha.

Hindi mo ba alam na ang ugali ng partner mo kung paano siya lumaki at minahal bilang bata ay lalabas sa relasyon ninyo bilang couple? Lalabas ang ugali niya kapag nasasaktan siya, kung paano siya makipag-usap sa tuwing may argumento o hindi pagkakasundo o kung paano siya mag-react kapag nagsasabi ka ng nararamdaman mo.

Red flags lahat ng mga nabanggit. Kung hindi mo pa iyan nakikita o “ayaw” mong makita, sigurado mas lalalim pa ang sakit na nararamdaman at mararamdaman mo. Ang pagtanggap na nasa maling relasyon ka ay isang unang bagay para mabago ang situwasyon mo ngayon.