Mga pasyente ng PGH na may COVID-19 dumarami

Philippine General Hospital (UP PGH Child Protection Unit website)

Unti-unting tumataas ang bilang ng mga admission ng COVID-19 sa Philippine General Hospital (PGH), ayon sa ulat.

Sa panayam ng DZMM TeleRadyo sa tagapagsalita ng PGH na si Dr. Jonas Del Rosario, sinabi nito na tumataas ang kaso ng naturang sakit at ito ay kanilang mga nagiging pasyente.

“Totoo po na unti-unting tumataas na naman ang bilang ng mga pasyente naming ina-admit sa PGH na may COVID. Last week po, actually (ay) less than 10 patients lang po ang aming nasa ospital. Pero ngayon po, as of today, chineck ko po yung census, meron po kaming 60 (aktibo) patients po sa aming ospital,”

Dagdag pasakit din na ang mga tinamaan ng naturang virus ay may comorbidities o may iba pang sakit o kondisyong medical. May mga pasyente ring na kahit tumanggap ng bakuna laban COVID-19 ay mga walang booster. May ulat din na ang ibang pasyente ay wala talagang bakuna.

Ayon pa kay Del Rosario, maaaring kailanganin pa nilang magdagdag ng mga kama at silid partikular para sa mga pasyente ng COVID-19 dahil sa tumataas na bilang ng mga impeksyon.