Mga paraw: Isang tagumpay sa buhay ni Virrco Rico

Isa ang paraw na ito o maliit na bangka sa mga obra ng artist na si Rommel “Virrco” Rico na makikita sa kanyang Pinay: Miniature Boats Art Exhibit sa Activity Center ng SM Sta. Mesa sa Maynila. (Kuha ng Bilibb)

‘Pag dating sa mga proyekto, bibihira na lamang sa mga grupo o indibiduwal ang gumagawa nito kaakibat ang kawanggawa kung saan may tiyak na kapakinabangan din ang iba.

Noong Marso 19, pormal na ipinakilala sa media ang isinasagawang isang month-long art exhibit ng hinahanggang OFW na physical therapist at nurse-turned-visual artist na si Rommel “Virrco” Rico.

Ang Pinay: Miniature Boats Art Exhibit na makikita sa 4th Floor, Activity Center ng SM Sta. Mesa sa Maynila ay may kaugnayan sa pagdiriwang sa Buwan ng mga Kababaihan. Tampok dito ang mga paraw o maliliit na bangka at iba pang items na konektado sa personal na buhay ng artist na naging imahe ng kanyang tagumpay.

Si Rommel “Virrco” Rico habang ipinakikita ang kanyang painting sa likod at ang kanyang modelo suot ang tee shirt at bag na kanyang mga pinintahan. (Kuha ni Teddy Pelaez)

Virrco Rico: Patriotic artist

Tulad ng marami sa atin, maraming pangarap si Virrco Rico. Laki siya sa Romblon na sa paglipas ng panahon ay natutupad ang kanyang mga pangarap katulad ng makapagtrabaho bilang rehistradong nurse sa New York sa Amerika.

Dahil din sa iba pa niyang husay at talento ay nagpipinta rin siya roon. Katunayan ay nakadalawang art exhibit na siya sa New York na nakasentro rin ang tema sa kanyang pagka-Pilipino.

Hango ang kanyang palayaw sa mga apelyido ng kanyang mga lolo’t lola na pinagsama-sama: Vi na para sa Victorio, ang mga R para sa Ruga, Repil at Royo, habang ang Co ay para sa Rico.

Ang kanyang mga obrang iginuhit ay naisasalin niya sa mga kasuotan upang mas maging makabuluhan pa ang kanyang talento.

Bilang adbokasiya, tumutulong din si Virrco sa Duyan Program ng Project Red Ribbon kung saan nakasuporta sa mga kabataang biktima ng HIV at AIDS.

Sa art exhibit ngayon ni Viccro sa SM Sta. Mesa na magtatapos sa Marso 31, kapansin-pansin dito ang mga babae at paraw o maliliit na bangka bilang bida sa kanyang mga obra.

“Kung mapapansin ninyo po ang artworks ko ay mga babaeng may mga isda at basket. Ang lola ko at ang lola ng lola ko ay nagtitinda ng mga lutong isda at isda sa palengke noon,” pagbabahagi ni Virrco. “Sinamahan ko ang lola ko na mamalengke everyday papunta sa palengke. And for Women’s Month, gusto ko talagang i-celebrate ang mga kababaihan sa laylayan.”

Malaki ang respeto ni Virrco sa mga kababaihan na alam niyang may halaga sa lipunan.

Karamihan sa mga rumampang modelo sa event ay kababaihang millennials. Isa-isa nilang ipinakita sa publiko ang mga bag at damit na may paintings ni Virrco.

Malaking karangalan din para kay Virrco na ito na ang ikalawang pagtatampok sa kanya ng SM Sta. Mesa kaya ganoon na lamang din kalaki ang kanyang pasasalamat. Bilang pagbabahagi rin ng kanyang tagumpay ay ang proyektong ito ay may pinaglalaanan din.

Ang parte ng kita mula sa mga obrang nabebenta ni Virrco tulad ng paintings, tee shirts ay ibinabahagi niya sa Smile Train, isang nonprofit and charity organization na nagbibigay ng corrective surgery para sa mga batang may cleft lips and palates o bingot.

Para sa latest collection ni Virrco magsadya sa www.virrco.net o sundan ang kanyang Facebook page sa www.facebook.com/rommel.rico.33

Guest star: Athalia Badere 

Nasa event din bilang guest ang 15-year-old child star na si Athalia Badere na nag-promote ng kaniyang pelikulang D Aswang Slayers na mapapanood simula Marso 22. Kasama niya sa pelikula ang iba pang artista kabilang si Mel Martinez, ang nakababatang kapatid ng Diamond Star na si Maricel Soriano.

Si Athalia Badere, ang guest star habang nagbibigay ng kanyang dance number sa formal opening ng art exhibit ni Rommel “Virrco” Rico na ginanap noong hapon ng Marso 19 sa Activity Center ng SM Sta. Mesa sa Maynila. (Kuha ni Teddy Pelaez)

Beautifully Connected: Isang inspirational journey

Kasabay din ng okasyong ito ay pormal na inilunsad ang isang inspirational book ni Carmie de Leon.

“Beautifully Connected is an inspirational book. This will guide you on your relationship with yourself, with God, with your family and the whole community. It’s about a life of contentment and inner peace. Ang dami kasing nade-depress ngayon so most of the time when we feel frustrated akala natin depressed na tayo. Beautifully Connected will give you a new prospective and hope,” paglalarawan ni De Leon sa kanyang libro na may personal journey niya.

Pitong taon na ang nakalilipas nang simulan ni De Leon ang isang coffee table book na My Beautiful Mind na marami rin ang tumangkilik. Ang Beautifully Connected ay inaasahan ding magugustuhan ng mga mambabasa.

Ang Beautifully Connected ay mabibili sa Lazada, Shopee at SM Megamall sa halagang P1,200.

Ang artist na si Rommel “Virrco” Rico (unahan) habang katabi ang book author na si Carmie de Leon at iba pang bumubuo ng Pinay: Miniature Boats Art Exhibit na ginanap noong hapon ng Marso 19 sa Activity Center ng SM Sta. Mesa sa Maynila. (Kuha ng Bilibb)