Mga pagkaing swak sa tag-ulan

Champorado

Hindi maikakaila na ang mga Pilipino ay mahihilig kumain. Mayroon mang okasyon o wala, malamig man o mainit ang panahon, palaban pa rin ang mga Pinoy pagdating sa kainan.

Narito ang ilan sa mga pagkaing kinahihiligan natin pagdating ng tag-ulan ayon sa wheninmanila.com.

  1. Mainit na kape o tsokolate; mainit na pandesal kasama ng sausage; scrambled egg; at mainit na instant noodles

Masarap isawsaw ang mainit na pandesal sa mainit na kape o hindi kaya’y tsokolate kasabay ng pagkagat sa malinamnam na sausage, at paghigop sa mainit na sabaw ng noodles. Masarap ding ipalaman ang scrambled egg sa mainit na pandesal. Maaari ring isawsaw ang mainit na pandesal sa mainit na sabaw ng instant noodles. Siguradong makukumpleto mo ang vibes ng tag-ulan.

  1. Mainit na sopas

Sa pinagsama-samang carrots, repolyo, karne ng manok, hotdog, macaroni, margarine, gatas at iba’t ibang mga pampalasa ay hindi mo talaga matitiis na hindi makahigop ng malinamnam na sabaw ng sopas lalo na sa panahon ng tag-ulan.

  1. Arroz caldo

Katulad ng sopas, napakasarap ding kumain ng mainit na arroz caldo. Ngunit hindi katulad ng sopas, ang arroz caldo ay hindi ginagamitan ng gatas at mga gulay. Ang arroz caldo ay gawa sa bigas na may kasamang karne ng manok. Mapapa-wow-sarap ka talaga habang kumakain ng arroz caldo tuwing umuulan.

  1. Lomi

Katulad din ng mga naunang pagkain tuwing tag-ulan, ang lomi ay isa sa mga kinahihiligan ng Pilipinong kainin tuwing malamig ang panahon. Ito naman ay isang putahe na ang base na sangkap ay pasta na niluto kasama ng mga gulay at topings na gusto mong ilagay. Sabayan ito ng kalamansi at sili habang kumakain at talaga namang makakalimutan mo ang pangalan mo sa sarap!

  1. Goto

Ang goto ay katulad lamang ng arroz caldo na gawa sa bigas ngunit ang pinagkaiba ng dalawa ay ang mismong goto, ang mga sahog nito ay mga lamanloob.

  1. Champorado

Ang champorado ay kasama sa pamilya ng arroz caldo, lugaw at goto dahil ito ay gawa rin sa bigas. Ang pinagkaiba lamang ng champorado sa tatlo pang kagrupo ay ang paglalagay ng asukal, gatas at tsokalate para idagdag sa lutuin.

  1. Pares

May dalawang uri ang pares, pares na ipapares sa kanin at pares na ipapares sa noodles. Ngunit pareho namang swak na swak ang dalawa sa tag-ulan dahil sa init na dala nito sa ating sikmura kasabay ng mayaman na lasa ng karne ng baka.

  1. Gisadong Monggo

Saktong-sakto naman ang guisadong monggo sa mga Pilipinong hindi gaanong mahilig kumain ng mga naunang klase ng pagkain.

Sinigang na baboy
  1. Sinigang na baboy o isda

Masarap namang ulam sa tag-ulan ang sabaw na mainit at sinabayan ng asim. Perpektong kapares ng mainit na kanin.

  1. Bulalo

Isa ring ulam sa tag-ulan ang bulalo. Isa sa napakaraming lutong Pinoy na ulam ang bulalo na ang pinakasangkap ay karne ng baka na matagal na pinakuluan kaya lumalabas ang lasa at nagsisilbing kasarapan sa sabaw nito.

Maraming pagkain ang kayang isipin at lutuin ng mga Pilipino kapag dumarating ang panahon ng tag-ulan ngunit ang mga nasa listahan sa itaas ang ilan sa mga kadalasang inihahanda ng karamihan. Ito ay dahil wala nang ibang papares sa malamig na panahon kung hindi ang mainit na pagkain!