Mga pagkaing pampababa ng blood pressure

Sa pag-aaral, ang mataas na presyon ng dugo na kilala rin bilang hypertension ay ang pinakakaraniwang dahilan ng peligro para sa sakit sa puso ngunit maaaring iwasan. Sa buong mundo, mahigit 1 bilyong tao ang nagdurusa sa mataas na presyon ng dugo.

Kung mataas ang presyon ng iyong dugo, ang pagkain nang tama ay maaaring makatulong sa iyong kondisyon. Ang pagkain at iba pang mga pagpipiliang lifestyle tulad ng pag-eehersisyo, ay maaaring magpababa ng presyon ng dugo.

  1. Citrus fruits. Ang grapefruit, orange, lemon, dalandan, suha, at kalamansi ay ilan lamang sa mga halimbawa nito na malaki ang epekto upang bawasan ang presyon ng dugo. Ang mga ito ay hitik sa sustansya kabilang ang mga bitamina, mineral, at mga kemikal ng halaman na maaaring maprotektahan ang puso sa pamamagitan ng pagpapababa ng mga kadahilanan ng peligro para sa sakit sa puso, tulad ng mataas na presyon ng dugo.
  2. Saging. Gaya ng beans, kamatis, mushroom, at avocado na mayaman din sa potassium ang saging at ito ay maaaring makatulong sa pagpapababa ng presyon ng dugo nang natural.
  3. Kamote. Mura, masarap at masustansya pa ito. Puno ito ng magnesium, potassium, at fiber na may kahanga-hangang paraan upang bawasan ang presyon ng dugo.
  4. Berries. Good aid din ito laban sa high blood pressure. Ilan sa mga ito ay blueberries, raspberry, chokeberries, cloudberries, at strawberry.
  5. Fatty fish. Ang pagkain nito tulad ng salmon at mackerel ay tulong kontra sa mataas na blood pressure. Ang Omega-3 fats at Vitamin D na may malaking positibong epekto sa kalusugan ng puso ay mapagkukunan ng fatty fish. Sa pamamagitan ng pagbabawas ng pamamaga at mga antas ng oxylipin, na pumipigil sa mga daluyan ng dugo, ang mga taba na ito ay maaaring makatulong sa pagpapababa ng presyon ng dugo. Piliin lamang ang fresh nito kaysa frozen.
  6. Pistachio. Siksik ito sa nutrients at ang pagkain ng mga ito ay nauugnay sa normal na antas ng presyon ng dugo. May potassium din ito na mahalaga sa kalusugan ng puso.
  7. Carrots. Ito ang isa sa masusustansyang gulay. Ang phenolic chemicals na matatagpuan sa matataas na konsentrasyon sa carrots, kabilang ang mga chlorogenic, p-couric at caffeic acid, ay nagpapa-relax sa mga daluyan ng dugo at nakababawas ng pamamaga na maaaring makatulong sa pagpapababa ng presyon ng dugo. Mas malaking epekto rin ang dulot nito kontra high blood pressure kung ang carrots ay kakainin ng hilaw.
  8. Kamatis. Ang prutas na ito ay hindi lamang nagbibigay ng Vitamin C. Ang pagkonsumo ng mga pagkaing mataas sa bitamina tulad ng kamatis o mga produkto nito ay maaaring makatulong sa pagpapababa ng mga salik sa panganib sa sakit sa puso kabilang ang mataas na presyon ng dugo.
  9. Talong. Ayon sa pag-aaral na ginawa sa Japan, ang talong ay mayaman sa acetylcholine, isang neurotransmitter na may mabuting epekto sa presyon ng dugo. Nang magsagawa sila ng eksperimento sa mga daga na hypertensive, nalaman nilang ang pagpapakain sa mga ito ng talong ay nagpababa ng kanilang presyon ng dugo.
  10. Sayote. Maliban sa mataas ito sa tubig, ito ay may choline, potassium, magnesium, fiber, at Vitamin C na nakatutulong kontra high blood pressure.
  11. Herbs and spices. Ang tulad ng mga ito ay celery seed, cilantro, saffron, lemongrass, black cumin, ginseng, cinnamon, cardamom, basil, at luya.
  12.  Unsweetened yogurt. Ang plain o hindi tinamisang yogurt ay maaaring magpababa ng presyon ng dugo para sa mga may hypertension, ayon sa isang pag-aaral. Ito ay dahil sa mataas na konsentrasyon nito ng calcium, potassium, at magnesium, na lahat ay kilala upang makatulong sa pagkontrol ng presyon ng dugo. Kung natatabangan sa uri nito ay puwede itong haluan ng prutas, mani, seeds na masustansya.
  13. Whole grains: Ang beta-glucan, isang uri ng fiber na matatagpuan sa oats (lalo na ang oatmeal) at iba pang whole grains, ay tulong para mabawasan ang systolic at diastolic na presyon ng dugo.

Tandaan na kung kailangan ng fruit intake mula sa mga nabanggit, iwasan ang fruit juices nito lalo na ang nabibili sa merkado na may preservatives at mataas sa sugar.

Tandaan din na hindi basta dapat umasa sa gamot na inirekomenda sa inyo kung mayroon kayong high blood pressure – o kahit na ano pang sakit. Mas mahalaga pa rin na may pag-iingat sa mga kinakain at umiwas sa masasamang bisyo para maging malakas at humaba pa ang buhay.