Mga isyu sa kakapusan ng nurses sa bansa, tumitindi

Sa napapanahong usapin ng kakulangan ng mga nurse sa bansa, pinangunahan ito nina (mula sa kaliwa) Dr. Carl Balita na isang nurse advocate at educator; Dr. Teresita Barcelo, nursing advocate, educator at dating pangulo ng Philippine Nurses Association; at Wilson Lee Flores na siyang moderator. (Kuha ng Bilibb)

Malalim at tumitindi na ang isyu sa kakulangan ng mahuhusay at kuwalipikadong nurses sa Pilipinas.

Nitong umaga, tinutukan ang paksang ito sa Pandesal Forum sa Kamuning, Quezon City kung saan naging tagapagsalita rito sina Dr. Teresita Barcelo, nursing advocate, educator at dating pangulo ng Philippine Nurses Association. Narito rin si Dr. Carl Balita na isa ring nurse advocate at educator.

“Maybe we think that the Philippines is a supplier of nursing practitioners for the world. Probably that’s true. However, this thing came and created an artificial shortage in the Philippines,” ani Dr. Barcelo. “If we don’t address this, we may end up with no nursing service in the hospitals. And maybe some hospitals may even have to close down their beds because of the lack of nurses.”

May isang dekada na ang nakalilipas na hitik tayo sa dami ng nurses sa Pilipinas. Ang iba sa kanila ay nasa spas, airlines, at iba pang hospitality firms. Pero nasa punto na tayo ngayon na paubos na ang nurses sa atin.

Sa kasalukuyang datos ng Department of Health (DOH) halos 700,000 rehistradong nurse ang mayroon tayo. Ang 172,000 sa mga ito ay nasa pribado at gobyernong pasilidad habang 316,000 ang nangibang-bayan na. Masakit ding malaman na ang natitirang bilang ay nakakalat sa call center services, spas at iba pa kung saan patas ang trato sa kanila kahit hindi sila nagtatrabaho bilang mga nurse.

MGA DAHILAN NG PAGKAUBOS NG NURSES

Hindi lamang basta sahod at benepisyo ang isyu kung bakit nauubusan ang Pilipinas ng nurse. Kulang sila sa importansya, appreciation at kung ano talaga sila sa lipunan at sa bansang kanilang pinagsisilbihan.

Isyung panlipunan, migration ugat sa kakulangan ng mga nurse

Sinisilip din ni Dr. Barcelo na ang kakulangan ng nurses natin ay pinalalala pa ng migration na bahagi ng isyung panlipunan. Maraming recruiters aniya ngayon ang direkta nang napunta sa mga ospital upang kausapin ang nurses para magtrabaho sa kanila. Nagtutungo rin ang recruiters sa mga paaralan upang mag-alok ng scholarship kalakip ang pangakong matapos makakuha ng lisensya ay makapagtatrabaho na agad abroad.

May “migration internally” ding tinatawag kung saan ang mga nurse sa probinsya ay dinadagit din ng mga recruiter para unang magtrabaho sa Maynila bago makalipad ng ibang bansa.

Bahagi rin ng panghihikayat na may ibang bansa na hindi na naghahanap ng experienced nurse. Ang kailangan lamang nila ay lisensya para magtrabaho sa kanila. Noong dekada 70 ay may bansa nang nag-aalok ng scholarship sa mga estudyante para mag-aral doon at kalaunan ay doon magtatrabaho. Ang pangyayaring ito ay naulit at naaakit ang ating mga nurse rito dahil na rin sa kahirapan. Dagdag pa riyan na ang nurses na kailangan sa ibang bansa ay hindi lamang para sa mga ospital o klinika kung hindi kahit sa mga bahay at iba pang pasilidad kaya malawak ang oportunidad doon.

Kahit sa Gitnang Silangan ay may nagre-recruit sa Pilipino nurse papunta sa ibang bansa. Ito ay dahil walang migration na alok sa Gitnang Silangan.

Isyu pa: Pagkakaroon ng “mababang uri” ng nurse

Isyu pa ang plano umanong ipalit ang “mababang uri” ng nurses sa rehistrado at kuwalipikadong nurses sa mga ospital. Sila ang mga dumaan sa maiksing training sa loob ng ilang linggo o buwan – short-term at hindi nararapat na solusyon at posibleng makaapekto sa kalidad ng pangangalaga sa pasyente.

Suhestyon ni Dr. Barcelo, mas mainam na piliin ang mga hindi nakapasa sa nursing board exam pero nakapagtapos, may training sa pag-aalaga sa mga pasyente lalo na sa ICU, kaalaman sa pharmacology na sasailalim din sa supervision ng mga lisensyadong propesyunal na nurse. Dito mas madali na para sa rehistradong nurse na matiyak, halimbawa, ang pagbibigay ng gamutan, invasive procedure at iba pa. Paglilinaw din ni Dr. Barcelo na ito lamang din ay short term solution hanggang sa magkaroon ng karampatang atensyon ang pamahalaan sa sapat na pangangailangan ng ating mga nurse.

Isyu sa pagpapadala ng nurses sa ibang mga bansa

Maraming naghahangad na makapangibayang-bayan upang doon magtrabaho dahil sa taas ng suweldo. Pero hindi ito ang klase na dapat na makita at maging dahilan ng gobyerno para magkaroon din ng kita mula sa ipinadadalang pera mula sa ibang bansa papunta sa Pilipinas.

Isyu rin na sa pag-alis ng ating nurse ay hindi basta pamilya ang kanilang iiwan dahil maaaring maging dulot ito ng problemang paghihiwalay na magbubunga pa.

“The country needs to push the panic button. The WHO (World Health Organization) and the International Council of Nurses have declared that it is unethical for develop countries to be recruiting – we call it poaching – nurses or professionals of developing countries like Philippines at the expense of its own human resource,” ani Dr. Balita.

Bagaman ‘yon ang deklarasyon pero ito aniya ang malinaw na nangyayari sa ating mga nurse.

“Saan ka nakakita na estudyante pa lang na may scholarship at hindi na kailangan ng experience at puwede nang mag-abroad? Saan ka nakakita na ire-recruit ang estudyante natin na nursing na doon na magtapos sa kanila para pagka-graduate nasa kanila na? Saan ka nakakita na ang supplier of the best nurses to the world eh walang nurses mismo na mag-aalaga sa kanila?” ani pa Dr. Balita.

“Sarado na po ang iba mga floors at mga beds ng maraming ospital lalong-lalo na ang private hospitals not because we don’t have the nurses but because we are not as a country and as a society giving enough care and reason for our nurses to stay,” giit pa niya.

Ano bang isyu rito? May pagkakataon sa atin na kailangang magpa-opera ng pasyente pero hindi matuloy-tuloy dahil sa kakulangan ng Operating Room nurses na magbabantay. Nauubos ang nurses natin dahil may mga bansa na ang inaalok ay hindi basta trabaho kung hindi kasama ang migration o paninirahan doon kasama ang pamilya.

Ngunit may paglilinaw dito si Dr. Balita. “All of us, nursing leaders, ayaw naming pipigilan ang nurses na umalis kung gusto nilang umalis kasi human rights ang usapan. We are against the cap. The only justification of the cap was when it happened during the pandemic, the deployment cap.”

Sahod ng nurses sa gobyerno mataas kumpara sa private

Mataas ang sahod ng nurses na nagtatrabaho sa mga lugar na nasa ilalim ng pamamahala ng gobyerno dahil nasa batas na dapat nasa Salary Grade 15 ang mga ito – dahilan kung bakit maraming nurses ang nawawala rin sa pribadong pinapasukan. Pero kahit pa makuha ng government nurses ang perang laan sa kanila ito ay job order o contractual lamang. Kung tutuusin, may mga nurse pa ring hindi nakukuha ang kanilang benefits sa kanilang pagtatrabaho noong kasagsagan ng COVID-19.

Sa nurses na nasa gobyerno ay ibang hirap din ang pinagdaraanan nila ayon kina Dr. Barcelo at Dr. Balita. Ang deklarado ng DOH na dapat na bilang (ratio) ng nurse na mag-aalaga sa mga pasyente ay 1:12 o isang nurse para sa 12 pasyente. Pero ang nangyayari ay “1: ward” o isang nurse para sa isang buong ward. Halimbawa anila nito, sa obstetrical ward (para sa mga nanganak) sa pampublikong ospital na may bed capacity na 60, ang nurse na magbabantay ay isa na lamang – na kahit wala nang extra bed ay napakalaking isyu pa rin. Alam ng gobyerno ang bagay na ito pero paulit-ulit at lumalaki.

Pangingibang-bayan hindi makatutulong?

Sa panahon ngayon, maraming nurses ang nasa sistema ng job order sa bansa na salat sa mga benepisyo at security of tenure. Ito ang nagiging dahilan na kahit na-recruit ka sa kahit pinakamababang suweldo sa ibang bansa ay malamang tatanggapin mo.

Ang isyu ay hindi natatapos dahil hindi nakikita ng mga nangingibang-bayan na kahit pa mataas ang sahod doon kumpara sa atin ay mataas din doon ang standard cost of living. Kapag nasa ibang bansa, totoong ang perang ipadadala nila ay magiging malaki kapag nasa Pilipinas na ngunit kailangan munang magkaroon ng iba pang trabaho o sideline ang kababayan natin para maging matino lamang ang pagapapadala nilang pera rito sa kanilang mga pamilya.

Kapag dalawa ang trabaho ng isang nurse sa ibang bansa, kahit bata pa ay kalaunan ay mabubugbog din ang katawan – na ang halagang naipon ay baka kulang pa para gastusin kapag dinapuan na ng sakit.

Sa nangyayari, naroon ang malungkot na katotohanan na napakaraming Pilipinong nurses ang gustong manatili at magsilbi sa bansa at sa kababayan nila pero wala silang makuhang sapat na mga rason na piliin ito. Sa dulo, sa estado ng nurses sa bansa ay para saan ba ang ating Universal Health Care na batas?