Mga kaalaman, gabay sa sumasailalim sa dialysis

Hemodialysis

Ang end-stage renal disease (ESRD), alternatibong tinutukoy bilang kidney failure (sakit sa bato) o stage 5 chronic kidney disease (CKD), ay ang kawalan ng kakayahan ng mga bato na mag-filter nang maayos at maglinis ng dugo, na nagreresulta sa mapanganib na pagdami ng mga dumi at lason. Ang treatment ay karaniwang ginagawa sa pamamagitan ng dialysis treatment hanggang ang isang kidney transplant ay isang viable option.

 

Klase ng dialysis

Dalawa ang klase ng dialysis, ang hemodialysis at peritoneal dialysis at ang nephrologist (kidney doctor) ang makapagsusuri sa pasyente para rito.

Kasama sa hemodialysis ang paggamit ng makina na kilala bilang hemodialyzer para salain ang dugo sa labas ng katawan.

Sa mga sasailalim sa hemodialysis, kinakailangang magpa-surgery ang pasyente upang ang daluyang ng kanyang dugo – karaniwan ay sa braso ay lumaki para maipasok ang catheter.

Mula sa katawan ng pasyente ay lalabas ang dugo na dadaloy sa catheter. Sa hemodialysis, ang dugo ay ibinobomba sa pamamagitan ng dialyzer, kung saan ang mga dumi at labis na likido ay aalisin bago ibalik ang nalinis na dugo sa katawan. Ang prosesong ito ay karaniwan sa isang dialysis center sa ilalim ng pangangasiwa ng trained medical professionals.

Sa kabaligtaran, ang peritoneal dialysis ay ang paggamit ng peritoneum, isang membrane lining sa tiyan, bilang isang natural na filter para sa pag-alis ng dumi. Sa peritoneal dialysis, ang isang panlinis na solusyon na kilala bilang dialysate ay ipinapasok sa abdominal cavity sa pamamagitan ng isang tubo na tinatawag na catheter. Sinasala ng peritoneum ang mga dumi at labis na likido mula sa dugo patungo sa dialysate, na sa kalaunan ay inilalabas mula sa katawan. Ang paraan ng dialysis na ito ay kadalasang maaaring gawin sa bahay, na nagbibigay sa mga pasyente ng flexibility at independence sa pag-manage ng treatment regimen.

Ang hemodialysis ay karaniwang ginagawa sa isang espesyal na setting ng pangangalagang pangkalusugan, tulad ng isang dialysis center o ospital, sa ilalim ng pangangasiwa ng mga sinanay na medikal na propesyonal.

 

Ang isang uri ng dialysis na peritoneal dialysis.

 

Nakagagamot ba ang dialysis kontra sakit sa bato?

Bagama’t ang hemodialysis ay hindi isang lunas para sa kidney failure, ito ay maaaring isang life-saving treatment na tumutulong upang pamahalaan ang mga sintomas at komplikasyon ng kondisyon, pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng mga pasyente at pangkalahatang kalusugan.

Ang dialysis ay nakapagbibigay ng ginhawa at nakapagpapahaba ng buhay ng pasyente – ito ay kung may pagsunod din ang pasyente sa ipinapayo ng doktor sa kanyang sakit.

Sa kabilang banda, maaaring magrekomenda ang mga doktor ng dialysis sa loob ng maikling panahon hanggang sa gumaling ang mga kidney.

Dapat ding tandaan na ang dialysis ay hindi umaaktong kasing husay ng normal at malusog na bato. Nasa 10% ng trabaho na ginagawa ng healthy kidneys ay pinapalitan ng mga dialysis machine, na nagpu-purify sa dugo.

 

Dialysis at pagbubuntis

Ang dialysis patients na babae ay karaniwang may problema sa pagbubuntis. Mas marami kasing dumi sa dugo na nagiging sagabal sa fertility.

Kung buntis at nagda-dialysis, mas maaaring ipayo ng nephrologist na mag-dialysis ito nang madalas.

 

Ano ang pakiramdam ng taong dina-dialysis?

Iba-iba ang nararanasan ng taong dina-dialysis. Sa ibang pasyente ay masakit ito, nakapanghihina, habang sa iba ay kaya ang prosesong ito.

Masakit para sa ibang pasyente kapag ang karayom ay nilalagay sa fistula o graft.

Bagama’t ang mismong pamamaraan ay karaniwang painless, ang mga pasyente ay maaaring makaramdam ng iba’t ibang sensation habang dina-dialysis, kabilang ang panlalamig habang ang dugo ay ipinapaikot sa labas ng katawan sa pamamagitan ng dialysis machine o dialyzer. Bukod pa rito, ang ilang indibidwal ay maaaring makaranas ng muscle cramps, pagduduwal, pananakit ng ulo o pagkahilo sa panahon o pagkatapos ng sessions ng dialysis, na maaaring maiugnay sa mga pagbabago sa presyon ng dugo at mga antas ng likido.

Gayunman, ang mga pakiramdam o side effects na nabanggit ay maiiwasan kung ang pasyente ay nasunod sa kanyang diet at fluid restrictions.

Magastos din ang magpa-dialysis lalo na kung gagawin ito dalawa hanggang tatlong beses sa isang linggo.

 

Ano ang AV fistula?

Ang arteriovenous (AV) fistula ay isang surgical connection na ginawa sa pagitan ng isang artery at isang ugat, kadalasan sa braso, upang mapadali ang pag-treat sa hemodialysis para sa mga indibidwal na may kidney failure.

Ang vascular access na ito ay mahalaga para sa mga pasyenteng sumasailalim sa mga regular dialysis session dahil nagbibigay-daan ito para sa mahusay na pag-alis at pagbabalik ng dugo sa panahon ng proseso ng paglilinis.

Mas preferred o gusto ang paglalagay ng AV fistula kaysa sa iba pang mga uri ng access, tulad ng mga synthetic grafts o catheter, dahil mas matibay, mas mababang rate ng impeksyon, at mas mahusay na pangmatagalang resulta.

 

Ang paglikha ng isang AV fistula ay kinabibilangan ng pagkonekta sa isang ugat at isang artery, kadalasan sa bisig, sa pamamagitan ng isang surgical procedure na nagre-redirect ng daloy ng dugo. Sa paglipas ng panahon, ang pagtaas ng daloy ng dugo sa ugat ay nagiging sanhi ng paglaki at pagpapalakas nito, na ginagawang mas angkop para sa paulit-ulit na pagpasok ng karayom ​​na kinakailangan para sa dialysis.

Ang wastong pangangalaga at pagsubaybay sa AV fistula ay mahalaga upang matiyak ang paggana o bisa at mahabang buhay nito, na binibigyang-diin ng mga propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan ang kahalagahan ng pagprotekta sa access site mula sa pinsala at impeksyon.

Paano masasabi kung healthy ang AV fistula? Madalas hindi nalalaman kung ito healthy sa isang tinginan lamang. Ilan sa mga senyales ay dapat wala itong leak o sobrang pasa, na maaaring senyales na mahina o nasirang ugat. Dapat hindi sobra ang pamumula o sobra ang pamamaga at dapat walang impeksyon.

 

Lahat ba ng may problema o sakit sa bato ay kinakailangang mag-dialysis?

Ang dialysis, isang life-saving medical procedure, ay mahalaga para sa mga indibidwal na may kidney failure o may kapansanan sa paggana ng bato. Gayunman, may ilang mga sitwasyon kung saan ang mga indibidwal ay maaaring hindi sumailalim sa dialysis treatment. Ang mga pasyente gaya nito na may malubhang sakit tulad sa:

– cardiovascular, tulad ng advanced heart failure

– hindi makontrol na hypertension

– na-stroke

– peripheral vascular disease

– may Parkinson’s disease

– frailty

– dementia

– cancer

Ang mga taong may kondisyon tulad ng nabanggit at kung sasailalim sa dialysis treatment ay maaaring nasa mas mataas na panganib para sa mga komplikasyon sa panahon ng dialysis dahil sa karagdagang stress na ibinibigay nito sa cardiovascular system.

Bukod pa rito, ang mga indibidwal na may ilang partikular na karamdaman sa pagdurugo o may kasaysayan ng madalas na mga yugto ng pagdurugo ay maaaring hindi angkop na maging candidates para sa dialysis, dahil ang pamamaraan ay maaaring dagdagan ang panganib ng mga komplikasyon sa pagdurugo.

 

Kung candidate at allowed sa dialysis treatment, pwede bang tumanggi ang pasyente? Gaano katagal ang maaaring mabuhay kapag walang dialysis treatment?

Walang tiyak na sagot dito. Depende ito sa kung anong level ng function mayroon ang kidneys, gaano kalala ang sintomas o ang kondisyon ng kalusugan ng pasyente. Kapag ganito, maaaring mabuhay ang pasyente ng ilang araw o hanggag ilang linggo. Ito ay dahil kapag walang dialysis treatment, nagkakaroon ng lason sa dugo, nagiging sanhi ng isang kondisyon na tinatawag na uremia.

 

Anong edad ng taong dapat nang dina-dialysis?

Kung maagang malalaman na may problema sa kidney ang pasyente at ito ay maayos na natutugunan maraming posibleng sakit ang maiiwasan.

Sa sandaling pumalya ang mga bato, kailangang sumailalim sa dialysis o kidney transplant ang pasyente.

May mga pasyenteng kahit bata pa ay may sakit sa bato at kinakailangan sumailalim sa dialysis.

May naiulat noon na 12-anyos na Pilipino ang kinakailangang i-dialysis nang habambuhay at kailangang gawin nang tatlong session kada linggo.

 

Gaano kadalas ang pagda-dialysis?

Ang dalas at tagal (frequency) ng sessions ng hemodialysis ay nag-iiba depende sa pasyente at sa kalubhaan ng kanilang sakit sa bato.

Karaniwang tumatagal ng tatlo hanggang apat na oras ang itinatagal kada session kapag ito ay gagawin sa klinika o ospital. Mas maiksi naman kung gagawin ito sa bahay. Samantala, may mga pasyente na pinayuhan ng doktor na sumailalim ng isang session sa loob ng isang linggo, habang ang iba ay dalawa o tatlong session. Mayroon ding araw-araw ay kailangang magpa-dialysis.

Kung magpapa-dialysis sa klinika o ospital, ito ay ginagawa on schedule. Hindi laging available ang dialyzer para sa iisang pasyente lamang.

 

Magastos ba kapag dina-dialysis?

May ibang mga bansa na kayang mag-cover ng dialysis cost ng hanggang 80% tulad ng Amerika. Makatutulong din kung ang pasyente ay may health insurance.

Sa Pilipinas, malaking bagay ang PhilHealth para ma-cover ang certain amount sa pagda-dialysis per session. Para naman sa sobrang hirap, nariyan ang tulong ng gobyerno kung saan maaaring maging libre ito.

Problema sa bansa natin, limitado ang dialysis facilities sa government hospitals.

Ang bayad sa serbisyo ng dialysis ay iba-iba. Noong nakaraang taon ang presyo ng dialysis per session ay mula P2,000 at P5,000 o P24,000 hanggang P60,000 kada buwan – depende ito sa lugar sa Pilipinas at uri ng clinic o ospital.

Nagiging mahal din ang presyo ng presyo ng dialysis per session depende kung ano ang naging payo ng doktor sa kung ilang beses/sesyon dapat sumailalim ang pasyente. Kung gagawin itong mas madalas o araw-araw ay nagiging mas mahal ang bayad.

Mas magastos din kung ang pasyente ay may chronic kidney disease stage 5 (CKD 5).

Kapag sinabing “chronic” ang isang sakit, ito ay nagpapatuloy o nagaganap nang paulit-ulit sa mahabang panahon. Ang isang halimbawa ng sakit na may salitang “chronic” ay ang chronic kidney disease.

May mga pasyente na na-diagnose na may ealy stages ng CKD pero hindi nangangailangan ng dialysis.

Samantala, kapag may termino nang CKD 5, tumutukoy ito sa yugto ng kondisyon ng sakit na stage 5. Sa stage 1 and 2, ang mga sintomas ay maaaring mild at madaling i-manage sa pamamagitan ng gamot o mga pagbabago sa lifestyle. Gayunman, kapag nagiging advance o agresibo ang sakit hanggang mag-stage 5 – kilala bilang end-stage o terminal stage – ang mga sintomas ay kadalasang nagiging mas malala at mas nakapapanghina. Sa yugtong ito, ang sakit ay mas lumalala, na humahantong sa irreversible damage sa mahahalagang organ o sistema sa katawan. Mas lalong nagiging magastos.

Base pa sa pag-aaral, maraming pasyenteng mayayaman o may kaya sa buhay na dina-dialysis ang naghihirap dahil sila ay dumadaan sa dialysis. Lumalala ang gastos kapag lumalala ang kondisyon ng pasyente – na maaaring hindi na kinakaya ng kanilang vital organs na mag-function nang maayos. Maaari ring maging magastos lalo na kung hindi nasunod nasunod ang pasyente sa ipinapayo sa kanila ng doktor.

 

Death sentence ba ang dialysis?

Kapag ang pasyente ay pinayuhan ng doktor na sumailalim sa dialysis, hindi ibig sabihin nito ay death sentence – pero ito ay isang life sentence.

Mahalagang kilalanin na ang dialysis ay nagsisilbing lifeline para sa mga indibidwal na nahaharap sa kidney failure, na nag-aalok sa kanila ng pagkakataong mapanatili ang kanilang kalusugan at kagalingan at hindi gawing malala ito.

 

Populasyon ng mga dina-dialysis sa Pinas

Sa tala ng National Kidney Institute (NKTI), noong nakaraang taon umabot na sa 60,000 ang nagpapa-dialysis. Sa mga ito, umaabot sa 35,000 ang mga bagong pasyente.

Limang taon na ang nakalilipas, ayon pa rin sa tala ng NKTI ay tumaas ang bilang ng nagpapa-dialysis ng 30% ngunit ngayon ay 42% na.

 

Pilipinong may CKD 5

Naiulat noong nakaraang taon na base sa tala rin ng NKTI, 120 Pilipino kada milyon ng populasyon ang mayroong chronic kidney disease stage 5 0 CKD 5 – ikapito sa pinakakaraniwang sanhi ng pagkamatay sa bansa.

Sa datos pa, mahigit 2.3 milyong Pilipino ang mayroong naturang sakit.

 

Mga dapat gawin ng pasyenteng dumadaan sa dialysis

– Piliin ang mga prutas at pagkain na mababa sa potassium

– Iwasan ang pagkain ng maaalat

– Iwasan ang protina sa pagkain at kumain na lamang ng isda at mga gulay sa katamtamang dami

– Iwasan ang pag-inom ng soft drinks

– Iwasang maging mataba o sumobra ang timbang

– Mag-ehersisyo nang regular

– I-monitor ang dami ng iinuming tubig

– Huwag manigarilyo (o vape o e-cigarette)

 

Bakit kailangang kontrolado ang kinakain kapag dina-dialysis?

Ang pagkakaroon ng strict control sa pagkain ay mahalaga para sa sumasailalim sa dialysis dahil sa nakompromiso o limitado na ang kakayahan ng mga bato na magsala ng dumi, toxins at labis na likido mula sa katawan.

Ang wastong nutrition management ay may mahalagang papel sa pagsuporta sa bisa ng dialysis treatment at pagtataguyod ng pangkalahatang kalusugan. Ang pagkakaroon ng controlled diet ay nakatutulong upang mabawasan ang dami ng waste products and toxins sa katawan, at mapanatili ang pinakamainam na antas ng mga electrolyte at liquid.

Iwasan ang maalat na pagkain dahil daan ito para mauhaw at kapag uhaw ay maaaring masobrahan sa liquid ang katawan.

 

Bakit kailangang limitado ang inom ng fluid kapag dina-dialysis?

Dapat maging monitoryado ang fluid na napupunta sa katawan ng taong dina-dialysis. Ang pagmonitor sa pagkonsumo ng liquid ay mahalaga kapag sumasailalim sa dialysis dahil sa direktang epekto nito sa pangkalahatang health and wellness.

Ang fluid ay tumutukoy hindi lamang sa tubig o juices. Kabilang dito ang sabaw, ice cream, ice candy, gelatin, fruit salad o pagkain na may halong fluid.

Para sa may kidney failure na umaasa sa dialysis, ang pagpapanatili ng wastong balance liquid ay mahalaga upang maiwasan ang mga komplikasyon tulad ng fluid overload, na maaaring humantong sa pamamaga o pamamanas, mataas na presyon ng dugo, kahirapan sa paghinga, at maging ang pagpalya ng puso.

Halimbawang sitwasyon kapag nasobrahan sa fluid ay ang pagkakaroon at pagdami nito sa baga na mareresulta sa kahirapan sa paghinga. Tataas ang blood pressure at mas mapapagod ang takbo o galaw ng puso.

May specific guidelines na ibibigay mula sa doktor kung gaano karaming fluid ang dapat ikonsumo araw-araw batay sa pangangailangan at kondisyon.

Para sa tamang pagkain at fluid, makipag-ugnayan sa inyong doktor o renal dietitian.