Mga doktor tuloy ang suporta sa CPR Law, AED Bills

Si Dr. Ariel Miranda, Chairman ng Cardiovascular Institute, Cardinal Santos Medical Center, habang tinatalakay ang halaga ng cardiopulmonary resuscitation (CPR) at automated external defibrillator (AED) sa isinagawang 54th PHA Annual Convention and Scientific Meeting kamakailan.

Sa kauna-unahang face-to-face na Usapang Puso sa Puso, isang health forum ng Philippine Heart Association (PHA), binigyan-diin dito ng mga doktor ang halaga ng CPR Law at AED Bills na life saving measures na dapat ay mas isinasakatuparan at pinaiigting.

Ang forum ay bahagi ng 54th PHA Annual Convention and Scientific Meeting na ginanap sa Shangri La sa Mandaluyong kamakailan na dinaluhan ng medical students, doctors, media, at iba pa.

Sa forum, naging panelists sina Dr. Ronald Cucyo, President ng PHA; Dr. Lourdes Ella Santos, Director III ng PHA; Dr. Razel Nikka Hao, Regional Director ng Department of Health-Region 2; Dr. Ariel Miranda, Chairman ng Cardiovascular Institute, Cardinal Santos Medical Center; Dr. Luigi Pierre Segundo, Director II and advocacy committee chair ng PHA; at Dr. Rochelle Regina Cruz, Co-chair ng Acute Heart Failure Committee and Patient Care Delivery and Management Committee, PHA Heart Failure Network.

 

Posisyon ng mga doktor sa CPR Law, AED Bill

Ang automated external defibrillators (AEDs) ay lalong nagkaroon ng kahalagahan para sa mga doktor sa larangan ng emergency medical care dahil sa kakayahang magligtas ng mga buhay sa mga kaso ng sudden cardiac arrest. Ito ay dahil nananatili pa ring ang sakit sa puso ang nangungunang kamatayan sa bansa.

Bilang frontline healthcare providers, naniniwala ang mga doktor na ang cardiopulmonary resuscitation (CPR) ay isang mahalagang kasanayan na dapat taglayin ninuman. Dapat may alam din ang iba sa pagsasagawa nito – kahit ang mga bata.

Ang pagkakaroon ng AEDs sa iba’t ibang lugar ay patuloy na itinutulak na maging batas na nasa anim na taon nang ginagawa, partikular ng PHA. Samantala ang CPR ay mas dapat pang gawin sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Sa usapin ng CPR Law at AED Bill, nagbigay ng ekspertong diskusyon ang panelists at kaugnayan nito sa mga sakit.

Ang CPR o cardiopulmonary resuscitation ay isang life-saving emergency procedure na isinasagawa sa indibidwal na nakararanas ng cardiac arrest o ang paghinto sa paghinga. Kinabibilangan ito ng kombinasyon ng chest compressions at rescue breaths upang mano-manong magpalipat-lipat ng dugo at oxygen sa buong katawan kapag ang puso ay hindi gumagana nang epektibo.

 

Arrythmia

Ang normal sinus rhythm o normal na tibok ng puso ay nagpapahiwatig na ang muscle ng puso ay tumatanggap ng electrical pulse nang tama mula sa iyong sinus node. Nalalaman ang normal na tibok ng puso sa pamamagitan ng electrocardiogram (ECG). Kapag may abnormal heartbeat, ang tawag dito ay arrythmia.

“Minsan ginagamit namin ang terminong ‘sudden cardiac death.’ Kapag na-resuscitate natin ang pasyente nag-arrest, sudden cardiac arrest ang tinatawag. Pero kapag hindi na-resuscitate, sudden cardiac death po ‘yon. Ito ang biglaang paghinto ng normal na tibok ng puso,” paliwanag ni Dr. Segundo.

“Kung dati ang sinus ay naging regular at very fast. May mga ilang uri po ‘yon na ang pinaka-common ay ventricular fibrillation – nangingisay lamang ang puso at hindi tamang tibok ng puso at ito ay nakamamatay. Iyon po ang pinaka-common na abnormal rhythm na nagiging sudden cardiac arrest,” dagdag pa niya.

Ang ibang sanhi ng cardiac arrest ay electrical problem. May rare diseases na walang bara sa artery o ugat ng puso, walang high blood o diabetes, o ang pasyente ay hindi naninigarilyo.

Hindi lahat ng sudden cardiac arrest ay heart attack. Pero ang heart attack ang pinaka-common cause ng sudden cardiac arrest.

Maliban sa AED, malaking sagip-buhay din ang implantable cardioverter-defibrillator (ICD) na isang medical, life-saving device at common na ginagamit sa naka-survive ng cardiac arrest para hindi maulit ang naturang medical emergency.

Ang ICD ang nagmo-monitor ng heart function at nalaman na nagkaroon ng abnormal heartbeat, magpapadala ng signal, o electrical shock sa puso ang defibrillator para matigil ang abnormal heartbeat.

 

Heart attack

Ang heart attack ay nananatiling nangungunang sanhi ng pagkamatay ng mga Filipino.

“Ang heart attack, which is basically what happens kapag nagbabara ang ugat ng puso ninyo, is the leading cause of death among Filipinos. Two years ago, it claimed 120 lives for every 100,000 Filipinos,” ayon kay Dr. Miranda.

Dagdag pa ni Dr. Miranda, dahil dito ay may pagtutulungan ang komunidad, PHA at Philippine Society of Cardiovascular Catheterization and Interventions, Inc. para mabigyan ng atensyon sa nararapat na pagtugon sa isyu ng kalusugan at pagsagip sa buhay.

Sa lokal na datos sa Quezon City, limang taon na ang nakararaan, 12% lamang ng mga Pinoy na na-cardiac arrest ang dumaan sa CPR na ginawa sa labas ng ospital. Sa bilang na ito ay 0.5% lamang ang nabigyan ng AED shock. Ibig sabihin, may agaran na dapat gawin ang pamahalaan para tumaas ang bilang na naililigtas na buhay sa pamamagitan ng CPR at AED.

Sa tala naman ng Philippine Heart Center na nasa pag-aaral ni Dr. Arvin Yumul, 60% ng nangyayaring heart attack at cardiac arrest ay wala sa public places tulad sa loob ng bahay, kung kaya mahalagang may alam ang mga tao sa CPR at paggamit ng AED.

 

Heart failure at reduced ejection fraction

Ang heart failure ay nangyayari kung ang puso ay hindi makabomba nang tamang dami ng dugo sa katawan.

Maraming klase ng heart failure at isa na rito ang reduced ejection fraction.

Ang ejection fraction ay isang mahalagang sukatan ng paggana ng puso na nagpapakita ng porsyento ng dugong ibinobomba palabas ng left ventricle (chamber) ng puso sa bawat tibok nito. Ito ay karaniwang ipinahahayag bilang porsyento at ginagamit upang masuri kung gaano kahusay ang puso na makabomba ng dugo sa ibang bahagi ng katawan.

Kapag suspected ang tao na may heart failure, susuriin ng doktor ang abilidad ng puso na maka-contract (makapiga) ito nang maayos o makabomba ng oxygen-rich blood papalabas ng puso. Kapag napipiga ang puso ito ang tinatawag na contraction.

Sa normal ejection fraction, 55%-70% ng dugo ang nalabas palabas ng chamber sa bawat contraction. Dito ang katawan ay may sapat na supply ng dugo para makagawa ang tao ng kanyang regular activities.

Walang 100% na ejection fraction at hindi natutuyuan ng dugo ang puso.

“Sa reduced ejection fraction, ibig sabihin ay mas mababa sa 55% ‘yong nailalabas na dugo ng puso. Since ang dugong ito ay may oxygen at nutrients, doon nagkakaroon ng sintomas ang pasyente – hinihingal, hinahapo, o iba namamanas. ‘Yong dugong hindi lumalabas sa puso, bumabalik sa pinanggalingan which is ang baga natin,” paliwanag ni Dr. Cruz.

Samantala, ang arrhythmia ay tumutukoy din sa hindi regular na ritmo ng puso, na maaaring humantong sa isang hindi epektibong pagkilos ng pagbomba ng puso. Maaaring mabilis o mabagal ang tibok ng puso at puwede ring hindi maramdaman ito.

Kapag hindi maganda ang heart rhythm ng pasyente, puwedeng asahan ang AED. Malaking tulong ito bilang pang-restart ng heart rhythm.

“Sa Singapore, kada kanto po may AED. So ang ganda po ng kanilang out-of-hospital-arrest data. ‘Yon din po sana ang pangarap ng PHA para sa mga Filipino,” ayon pa kay Dr. Cruz.