Marahil isa ka sa mga taong minsan ay nagigipit at kinakailangan ng tulong-pinansyal ng iba. Dapat tandaan lagi na ang nangungutang ay dapat laging may delicadeza.
Kapag humiram ng pera, mahalaga para sa nanghihiram na magpatibay ng isang responsible at proactive attitude sa financial obligations. Nagsisimula ito sa isang malinaw na pag-unawa sa terms and conditions sa pangungutang, interes, schedule ng pagbabayad, at iba pa. Dapat may sense of accountability ang may utang na kinikilala ang timely repayment ay hindi lamang nakakaapekto sa kaniyang personal credit score ngunit nakakaimpluwensya rin sa kanilang relasyon sa mga nagpapahiram – ito man ay sa kapamilya, kaibigan, grupo ng paluwagan o cooperative.
Ito ang mga tamang asal ng mangungutang o ng may utang:
– Huwag na huwag mangungutang kung walang ibabayad. Kung alam mo sa sarili mo na wala kang hanapbuhay, wala kang pagkukunan ng perang ibabayad o wala kang matibay na kapasidad sa pagbabayad, iwasan ang mangutang.
– Sikaping makabayad ayon sa petsang ibinigay para makabayad. Iwasang magbigay ng anumang rason kung hindi makakabayad lalo na kung hindi ka naman binigyan ng rason para hindi ka mapautang. Tandaan na pera ito ng iba at mayroon din silang paggagamitan.
– Kung nag-i-inform ang nagpautang na dapat ka nang magbayad dahil sa napagkasunduang petsa ng pagbabalik ng pera, magbigay galang sa pagsagot nang maayos. Huwag balewalain ang messages o tawag sa telepono para lamang makalusot sa hindi pagbabayad. Hindi rason na busy ka kaya hindi ka makasagot – dahil paniguradong nagawan mo ng paraan na magkaoras ka para mangutang. Huwag pahirapan ang inutangan lalo kung hindi ka naman nahirapan nung ikaw ang pinautang.
– Habaan ang pasensya kung nauulit ang paniningil, asahan ito dahil kailangan mo talagang magbayad. Dapat kang maging open sa constructive feedback at willing kang maki-engage sa transparent communication.
– Kung wala pambayad o wala pang maibayad, iwasang magsalita nang hindi magaganda sa inutangan dahil lamang sa pressured ka.
– Kung dahil sa referral ay nakautang ka, mas lalong sikaping magbayad nang maayos at huwag bigyang kahihiyan ang nag-refer sa iyo. Sa nag-refer, sikapin din namang mapayuhan ang nangutang na maging maayos sa pakikitungo lalo na nagkaroon ng konsiderasyon ang kakilala mo para makautang siya. Huwag hayaang magsalita nang hindi maganda ang ni-refer sa nagpautang dahil lamang sa hindi makabayad ito.
– Humingi ng pasensya kapag hindi nakabayad o hindi nakakabayad sa takdang panahon lalo na kung sa iyo galing mismo ang petsa ng pagbabayad (bilang isang pangako mo ng pagbabayad). Huwag na huwag magbigay ng anumang masamang salita sa hiniraman ng pera. Maging mapagkumbaba dahil ikaw ang nangutang at ikaw ang nakakaabala.
– Anuman ang halaga ng inutang, bayaran ito nang maayos. Huwag na huwag imemenos ang halaga ng inutang dahil sa walang pambayad o ayaw mo magbayad. Ang tulad ng pagmemenos ay ang pagsasabi ng “Hindi naman bilyon ang pinahiram ninyo bakit ganyan maningil?” o “Ikamamatay ninyo ba kung hindi ko mabayaran agad, eh sa wala pang pambayad!” Tandaan na hindi basta usapin ito ng halaga ng inutang kundi ang obligasyon mo na magbayad nang maayos. Bilang may utang dapat magpakita din ng cooperative relationship ito sa inutangan lalo na kung ang perang ginamit ay mula sa Paluwagan o Coop group dahil nakakaawa rin naman ang pera ng mga taong tinulungan ka nung ikaw ang nangailangan.
– Sakali mang isumbong o dalhin ang usapin ng hindi pagbabayad sa barangay o awtoridad dahil sa hindi maayos na pagbabayad o walang bayad ang nangungutang, dapat maunawaan ito ng humiram dahil karapatan ito ng tao o mga taong hiniraman ng pera. Kung ayaw ng nangutang na malaman pa ito ng iba ay maayos na makipag-usap at humingi ng despensa at huwag nang magmalaki pa o magsalita nang hindi maganda dahil lamang sa walang maibalik na pera.
– Huwag magmataas kung ikaw ang may pagkukulang sa obligasyon partikular kung maayos kang pinakikiusapang magbayad.
– Huwag gumawa ng kuwento para hindi makabayad.
– Huwag mang-gaslight.
Tandaan natin na kapag nangutang ng pera, hindi lamang basta pera ang dapat ibalik at ingatan. Dapat maibalik ang tiwala at respeto na ibinigay sa iyo nung ikaw ang nagipit ang nanghiram ng pera.

