Mga alternatibong pampaganda

Worried ang marami kung dapat pa bang magpaganda lalo na kung marami rin naman sa atin ang hindi naman talaga nalabas ng mga bahay o dahil marami na ang nasa work-from-home na sistema.

Kung tutuusin, ito pa ang tamang panahon para magpaganda dahil bawas na ang exposure natin sa mga bagay-bagay na makasisira sa ating hitsura o sa lagay na lamang ng ating kutis, halimbawa.

Sa pagpapaganda, hindi naman kailangan na part ng routine na maging mamahalin ang gagamitin para rito. Ang matulog lamang sa tamang oras ay malaking bagay na para makaiwas sa wrinkles. Patunay na hindi na ito nangangailangan pa ng paggastos. Pero maliban sa tamang pagtulog, may iba pang mga alternatibo para maging maganda at mapanatili ito.

Kung mayroong kayong orange sa refrigerator o dalandan, makatutulong ang balat nito para ma-exfoliate ang ating kutis. Maaaring ipahid ito sa mukha at katawan. Gawin ito 10 minuto bago maghilamos o maligo.

Dahil ang face mask o face pack ay may kamahalan, maaaring maging option ang oats at lemon. Kumuha lamang ng isang kutsarang oats na hinaluan ng sapat na dami ng mainit na tubig para maging paste. Durugin ito bago lumamig at haluan ng isang kutsarang lemon juice. Ipahid sa mukha nang marahan at hayaan lamang ito ng 20 minuto bago banlawan gamit ang malamig na tubig. Mas mainam kung gagawin itong nakahiga upang ma-absorb talaga ng kutis ang naturang pack. Kung walang lemon, maaaring gamitin ang kalamansi o kaya isang kutsarang honey.

Face pack ring maituturing ang pagdurog ng fresh tomatoes. Kumuha lamang ng dalawang kamatis na may katamtamang laki. Durugin ito at huwag tanggalin ang buto. Ipahid sa mukha habang nakahiga at hayaan ito ng 15-20 minuto. Banlawan gamit ang maligamgam na tubig.

Huwag mawawala sa beauty products mo ang petroleum jelly. Mas mainam din kung laging nakalagay ito sa iyong bag. Ang product na ito ay alternatibo bilang lotion at mainam ding ilagay sa mga paa lalo na kung magsusuot ng may matataas na takong. Naiiwas din kasi tayo nito sa pagkakaroon ng gasgas o sugat.

Ang petroleum jelly din ay mabisang pampahaba at pampakapal ng mga pilik mata. Gamit ang bago at malinis na toothbrush, pahiran ito ng kaunting petroleum jelly saka ilagay sa mga pilik mata. Gawin ito bago matulog sa gabi at hayaan lamang ito hanggang sa magising kayo at makapaghilamos.