Merkado Lokal ng Iloilo City, ‘laking tulong sa mga magsasaka

Ang 2-day market fair na Merkado Lokal ng pamahalaan ng Iloilo City. (Kuha ni Ann Esternon)

Nasa ikatlong taon na ang Merkado Lokal na proyekto ng pamahalaan ng Iloilo City bilang tulong sa kanilang mga magsasaka, mangingisda at iba pang lokal na negosyante para ibenta ang kanilang mga produkto.

Mula sa mga kakanin, prutas, gulay, lutong ulam, meryenda, inumin, halaman, fashion accessories at iba pa ay naging patok sa mga mamimili lalo pa’t walang mga middleman kaya mura ang mga paninda na nakapuwesto sa likod ng City Hall noong Agosto 26 at 27.

Ang 2-araw market ay malaking bagay para sa mga producer dahil ang kitang pinagsama-sama ay nasa P400,000 kada araw. Libre ring ipinagamit sa mga ito ang kanilang mga puwesto at konsumo sa kuryente.

Naging malaking oportunidad din ito para sa mga konsumer na tangkilikin ang mga ibinibentang lokal na produkto – bilang bahagi na rin ng pagdiriwang ng lungsod sa kanilang 89th Charter Day noong Agosto 25.

Samantala, kasabay nito ay may iba ring mga aktibidad sa Iloilo Central Market para sa Kusinero de Merkado at Kape Ta sa Merkado (Kape sa Palengke).

 

Kusinero de Merkado sabayang sarap sa Kape Ta sa Merkado

Noong Agosto 22-28, ginanap ang Kape Ta sa Merkado na nagtatampok sa mayamang kultura ng kape sa rehiyon habang nagbibigay ng platform para sa mga lokal na mga magsasaka, roasters, at mga may-ari ng café upang ipakita ang kanilang mga kontribusyon sa industriya.

Kasabay nito, nagdaos din ng Kusinero de Merkado na isang cooking competition noong Agosto 27 sa pagtutulungan ng Iloilo City government at TODO Media Network Corp.

Sa mga nakilahok sa kompetisyon, hinanap sa kanila ang namumukod-tanging sarap ng lutuing tatak Ilonggo gamit ang natural at lokal na mga sangkap. Bawat lutuin ay may halong Batwan (binukaw o bilukaw sa ibang wika), isang prutas na pampaasim na karaniwan sa Ilonggo.

Ang Sinigang na Isda ni Margie Gaitan, champion sa cooking contest na Kusinero de Merkado. (Kuha ni Ann Esternon)

Mga nagwagi sa Kusinero de Merkado

Margie Gaitan – Champion (Sinigang na Isda)
Jari Jose Legaspi – 1st Place (Cabbage Roll)
Jose Cornago – 2nd Place (Sinabawang Fish)
Rey Gayomali – Consolation (Pork Lauya)
Emmanuel Bautista – Consolation (Nilagpang Native Chicken)

(Para sa iba pang mga larawan, tingnan dito)