Mental health ng mga Pinoy tinalakay ng Capstone-Intel

Si Ms. Ella Kristina Coronel, Research and Publications Director ng Capstone-Intel Corporation, habang ipinaliliwanag ang isinagawa nilang survey tungkol sa mental health bilang bahagi ng media launch ng naturang research agency sa La Condessa Café & Lounge sa Tomas Morato, Quezon City noong Nobyembre 16. (Kuha ni Itoh Son)

Sa panahon ngayon, higit na mas mahalaga ang kalusugang pangkaisipan o mental health dahil direktang nakaiimpluwensya ito sa ating pangkalahatang kalidad ng buhay, sense of purpose, at katatagan upang makabangon mula sa kahirapan.

Ang usaping ito ay higit na tinutukan sa isinagawang media launch ng Capstone-Intel Corporation noong Nobyembre 16 sa La Condessa Café & Lounge sa Tomas Morato, Quezon City.

Tinalakay ng research agency ang estado ng mental health ng mga Pinoy kung saan ang iba pang usapin hinggil dito ay batay sa kanilang survey.

Sa isinagawang media launch ng Capstone-Intel Corporation, tinalakay dito ang mental awareness ng mga Pinoy at iba pang usapin hinggil dito bilang bahagi ng isinagwa nilang survey sa buong bansa. Naging panel dito ang kanilang board members na sina (mula sa kaliwa) Mr. Eero Brillantes, Chairperson, President, and CEO; Atty. Nic Conti, Chief of Public Affairs, Dr. Guido David, Chief Data Scientist; at Ms. Ella Kristina Coronel, Research and Publications Director. Ito ay ginanap noong Nobyembre 16 sa La Condessa Café & Lounge sa Tomas Morato, Quezon City. (Kuha ni Itoh Son)

Naging panel dito ang board members ng Capstone-Intel na sina Mr. Eero Brillantes, Chairperson, President, and CEO; Dr. Guido David, Chief Data Scientist; Atty. Nic Conti, Chief of Public Affairs; at Ms. Ella Kristina Coronel, Research and Publications Director.

Pinangunahan ni Coronel ang pagpapaliwanag ng kanilang nationwide survey kaugnay ng Mental Health awareness sa bansa.

Ang pag-aaral na isinagawa sa pagitan ng Setyembre 20 at Setyembre 27 ay nagkaroon ng 1,200 respondents na may mga edad mula 18 hanggang 65 taong-gulang pataas.

Sa pag-aaral pa, inalam din ng Capstone-Intel ang antas ng kamalayan ng mga mamamayan sa terminong “mental health” kung saan lumabas na 93% sa respondente ay alam ang tungkol dito.

Sinuri rin ang kanilang personal na paggrado sa kanilang kabuuang mental health at well-being. Sa datos, 52% sa respondents ang nagsabing ito ay “good,” 33% ang “excellent,” 13% “fair,” at 2 “poor.”

 

Mga kondisyon, pagsusuri, paggagamot, at pamamaraan kaugnay ng mental health

Sa mas malalim na talakayan, inihayag ni Coronel na 65% ng respondents ang nagsabing nakaranas ang mga ito ng mabigat na pangyayari sa kanilang buhay na nakaapekto sa kanilangkalusugang pangkaisipan.

Inilabas din ng survey na 79% sa respondents ang hindi nagpakonsulta sa mental health professionals at 21% lamang sa kanila ang gumawa nito.

Tinanong din ang respondents kung nasuri na sila na may kondisyon mental health at lumabas na 16% sa mga ito ang nagsabi ng oo habang 84% ang hindi.

Sa mga nasuring may mental health condition, 54% ang may anxiety, depression (52%), post-traumatic stress disorder (18%), eating disorder (18%), attention deficit hyper disorder (13%), bipolar disorder (13%), at schizophrenia (7%).

Bahagi rin ng survey na natanong ang respondents kung sila ay tumatanggap ng propesyonal na tulong at paggamot hinggil sa kanilang mental health na kondisyon. Ang sumagot ng oo at dumadaan sa therapy ay 28%, ang iba ay may medikasyon (20%), therapy at medikasyon (19%), at ang iba ay hindi dumadaan sa propesyonal na tulong ngunit dumaan noon.

May pamamaraan din ang respondents para mapanatili nilang maayos ang kanilang mental health kung saan 80% sa mga ito ay ehersisyo, social activities kasama ang pamilya o kaibigan (72), music, arts at entertainment (65%), arts mindfulness o meditation (61%).