Estado ng Maynila sa mga nakalipas na taon

Ang pamosong mukha ng lungsod ng Maynila. Nasa kaliwa ang Bonifacio Shrine o Kartilya ng Katipunan (Heroes Park) na idinisenyo ng eskultor na si Eduardo Castrillo at naging bukas sa publiko noong 1998. Nasa kanan naman ang Manila City Hall Clock Tower na dinisenyo ni Antonio Toledo at pinasinayaan noong 1930s.

Ang Maynila, bilang kapital at isa sa pinakamatandang lungsod sa Pilipinas, ay kilala sa mayamang kasaysayan at kahalagahan nito.

Sa paglipas ng mga taon, ang Maynila ay umunlad mula sa magulong nakaraan hanggang sa kasalukuyang katayuang malaya sa kamay ng mga mananakop.

Sa kabila ng mga hamon ng kasaysayan nito, ang Maynila ay may reputasyon bilang isang matatag at maunlad na lungsod. Ito ay minsang kinilala bilang Islamikong Tagalog, umaasa sa Look ng Maynila at Ilog Pasig para sa kabuhayan. Ang mga anyong tubig na ito ay may mahalagang papel sa pagtatatag ng Maynila bilang sentro ng kalakalan at komersiyo.

 

Ang Maynila noon

Ang pagpasok ng mga Espanyol sa Pilipinas ay nagsimula noong Marso 16, 1521 nang dumating si Ferdinand Magellan sa ekspedisyon nito at mga kasama sa Cebu.

Kasunod ng kakulangan ng resulta ng ekspedisyon ni Magellan, isinunod ang tikas ng kolonyal na administrador ng Español na si Miguel Lopez de Legazpi. Kalaunan ay ipinadala niya sina Martin de Goiti at ang kanyang apong si Juan de Salcedo na magtungo sa Luzon noong Mayo 8, 1570, na sa huli ay napadpad din ng Maynila.

Sa pagpasok ng grupo ni De Goiti, ang Maynila ay nasa ilalim noon nina Rajah Sulayman, Rajah Matanda, at Rajah Lakandula. Hari o lider ang katumbas ng “rajah,” na isang laganap na katawagan bago ang pananakop ng mga Español.

Bilang mga bisita ay maayos na hinarap ng mga rajah ang dalawang punong Español at binigyan pa ng mga pampalasa ng lutuin. Kasama sa ekspedisyon ng mga dayuhan noon ang makahanap ng ginto, matutuluyan at pampalasa sa mga lutuin.

Sa madaling panahon ay natuklasan ng mga rajah na ang kanilang kinaharap ay mga konkistador na gustong manakop. Dahil dito ay nagkaroon ng rebolusyon Hunyo 5, 1570 kung saan natalo at sumuko ang tropa ng mga rajah.

Sa tagumpay ng mga Español, ang Maynila ay idineklara ni Legazpi bilang kabisera ng Pilipinas at ipinag-utos ang pagpapatayo ng Intramuros na ang ibig sabihin ay Walled City o Binakurang Lungsod at naging tahanan ng buhay na komersyalismo.

 

Dayuhang mga bansa sa Maynila

Bago pa ang pagpasok ng mga Español, may naninirahan nang mga Intsik sa Maynila. Kalaunan din nagkaroon ng tensyon noong 1574 nang ilunsad ni Limahong ang pagnanais nito na sakupin ang Maynila ngunit naging bigo sa huli. Higit pa rito, ang Maynila ay sinakop ng mga Briton mula Oktubre 6, 1762, hanggang sa unang linggo ng Abril 1764.

 

Isang buwang giyera sa Maynila

Ang Labanan sa Maynila (Battle of Manila) ay isang napakahalaga at mapangwasak na labanan na naganap noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig kung saan daang libo mga sibilyan ang mga namatay at nasugatan.

Ang mga sundalong Amerikano habang dumaraan sa Bureau of Posts (ngayon ay Manila Central Post Office) na nasira rin ng nangyaring Battle of Manila. Dumaraan ang mga sundalo upang salakayin ang mga sundalong Hapon sa Intramuros noong noong Pebrero 23, 1945.

 

Ang labanan ay naganap mula Pebrero 3 hanggang Marso 3, 1945, at nangyari sa pagitan ng mga pinagsamang puwersa sa pagitan ng mga sundalong Amerikano at Pilipino, at ang Japanese Imperial Army.

Ang layunin ng labanan ay palayain ang lungsod ng Maynila, at tapusin ang tatlong taong pananakop ng mga Hapon mula noong 1942. Ang matinding digmaang lunsod at mabigat na pambobomba sa panahon ng labanan ay nagresulta sa malawakang pagkawasak at pagkawala ng mga buhay ng sibilyan, na isa sa mga pinaka-brutal at mapanirang labanan ng Digmaang Pasipiko.

Isang stretcher party ang ipinadala para ihatid ang isang sugatang sundalo ng Amerika kasunod ng pag-atake ng mga tropang Amerikano sa Intramuros noong Pebrero 23, 1945, upang palayain ang mga bilanggo na Pilipino laban sa mga Hapon.

 

Iba pang mga kilalang kaganapan at lugar sa Maynila

– Saksi ang Maynila sa pagbitay sa Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal, noon ay 35 taong gulang, sa Bagumbayan (Luneta ngayon) na nangyari ng alas-siyete ng umaga noong Disyembre 30, 1896.

– Ang Unibersidad ng Santo Tomas na itinatag noong 1611 ni Miguel de Benavides, ang ikatlong Arsobispo ng Maynila, ay nagtataglay ng pagkilala bilang pinakamatandang unibersidad sa Asya.

Sa una ay kilala bilang Colegio de Nuestra Señora del Santisimo Rosario, kalaunan ay pinalitan ito ng pangalan na Colegio de Santo Tomas bilang parangal sa Dominican theologian na si Thomas Aquinas. Ang orihinal na kampus ng unibersidad ay matatagpuan sa loob ng Intramuros.

Ang Intramuros, salitang Español na ang ibig sabihin ay Binakurang Lungsod o Walled City na matatagpuan malapit sa City Hall ng Maynila, at Ilog Pasig. Ito ay kilala bilang pinakamatandang distrito sa Maynila. Bago ang pananakop ng mga Español, ang rehiyong ito ay bumuo ng isang bahagi ng kaharian ng Maynila, na kilala rin bilang Islamikong Kaharian ng Maynila, na pinamamahalaan ng mga pinunong datu, rajah, at Sultan.

– Hango sa terminong “binundok,” ang Binondo sa Maynila ay itinatag noong 1594 bilang isang pamayanan para sa mga Chinese-Catholic na imigrante. Hawak nito ang pagkilalang pinakamatandang Chinatown sa buong mundo. Ang distrito ay pinangangasiwaan ng mga prayleng Dominikano, na nagtayo ng kilalang Simbahang Binondo noong 1596.

– Kabilang sa mga kilalang istruktura sa Maynila ay ang Pambansang Museo ng Pilipinas, na itinayo noong Disyembre 7, 1928. Makikita sa loob ng mga neoclassical na edipisyong ito na katabi ng Rizal Park ang mga mahahalagang artifact tulad ng Neolithic Manunggul Jar, Laguna Copperplate Inscription, at obra ni Juan Luna na “Spoliarium.”

– Dinisenyo ng Pilipinong arkitekto na si Juan Arellano sa pakikipagtulungan ng mga Amerikanong arkitekto na sina Tomas Mapua at Ralph Doane, ang Manila Central Post Office ay itinayo sa pagitan ng 1920 at 1926 sa halagang P1 milyon.

Orihinal na kilala bilang Bureau of Posts, ang architectural landmark na ito ay estratehikong kinalalagyan sa tabi ng Ilog Pasig upang i-streamline ang paghawak ng mga liham at mga parsela na inihatid sa pamamagitan ng ilog.

– Ang kilalang Manila City Hall Clock Tower, sa Ermita ay dinisenyo ni Antonio Toledo at pinasinayaan noong 1930s. Bukas at popular na rin ito sa publiko dahil ito ay ginawa na rin ngayong Manila Clock Tower Museum.

 

TRIVIA

  • Ang lugar na kilala bilang Seludong o Selurong ay unang tinutukoy ng mga Malay noong ika-13 siglo na ngayon ay tinawag nang Maynila.
  • Ang Maynilad na orihinal na pangalan ng lungsod ay nagmula sa “nilad,” isang uri ng bakawan na nailalarawan sa mga hugis-bituin na pamumulaklak na sagana sa Look ng Maynila at sa katimugang bahagi ng Ilog Pasig bago ang kolonisasyon ng mga Español.
  • Si Arsenio Cruz Herrera, isang abogado, ang naging unang nahalal na alkalde ng Maynila. Itinalaga sa posisyon ni Gobernador William Howard Taft noong 1901, pinangasiwaan ni Herrera ang pagtatayo ng unang istraktura ng Manila City Hall noong 1904.

Pinadali ni Herrera ang pagtatayo ng tatlong palapag na kahoy na gusali na nagsilbing        orihinal na city hall hanggang sa makumpleto ang kasalukuyang istraktura noong 1939.      Ang lokasyon ng istrukturang ito ay kinaroroonan ngayon ng Bonifacio Shrine.

Ang Manila City Hall noong 1904.

 

  • Sa panahon ng kolonisasyon ng mga Español, nakuha ng Maynila ang mga katawagan “Paris of the East” at “Pearl of the Orient” dahil sa maunlad nitong kultural na kapaligiran.