“Mawar” patuloy sa pagiging super typhoon

Ang galaw ng super typhoon "Mawar". (Larawan ng NASA Earth Observatory)

Ang bagyong “Mawar” ay patuloy sa lakas nito at mananatiling super typhoon kapag nakapasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa report ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa 3 p.m. bulletin ng PAGASA, nasa labas pa ng PAR ang bagyong “Mawar” sa layong 2,000 kilometrong silangan ng timog-silangan ng Luzon at taglay ang lakas ng hangin na 195 kada oras at pagbugso na 240 kph.

Ang “Mawar” ay ipinuwesto sa typhoon category noong Miyerkoles, Mayo 24 dahil sa bahagyang humina ito ngunit muling lumakas nitong madaling araw ng Huwebes at inaasahang lalakas pa sa paparating na mga araw. Sa puntong super typhoon ang “Mawar” posibleng umabot ng kasing lakas ng bagyong “Yolanda” noong 2013.

Kapag nakapasok na ang naturang bagyo sa bansa, magkakaroon na ito ng lokal na pangalang “Betty”.

Ayon sa weather bureau, bagaman mababa ang tsansa na mag-lanfall ito sa Pilipinas, pinalalakas ng bagyong “Mawar” ang Hanging Habagat (South West Monsoon) na inaasahang magpapaulan sa katimugan ng Luzon, Visayas, at Mindanao.

Gayundin, inaasahan na mula Biyernes hanggang Linggo na magkakaroon ng mga pabugso-bugsong malalakas na pag-ulan na may kasamang hangin. Ang mga ito ay maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng mga lupa.

Biyernes ng gabi o umaga ng Sabado ay inaasahang papasok sa PAR ang super typhoon na “Mawar” na una nang humagupit sa Guam.