Masama ba ang MSG sa kalusugan?

Ang MSG o monosodium glutamate.

Ang MSG o monosodium glutamate ay pampalasa sa mga lutuin o pagkain. Kilala rin ito bilang E621 (European code para sa MSG) sa food industry. Ang lasa nito ay umami, ang ikalimang basic na lasa kasunod ng matamis, maasim, maalat, at mapait.

Bilang impormasyon, walang eksaktong Tagalog para sa MSG pero kilala sa atin ito bilang “vetsin” na isinalin natin sa ating wika bilang “betsin.”

Ang totoo, ang MSG ay nadiskubre ng isang imbentor na Hapon na si Kikunae Ikeda. Noong 1908, ito ay unang inilabas sa merkado bilang “Aji-No-Moto,” na pag-aari ng Suzuki Pharmaceutical Co. sa Japan at kalaunan ay ipinakilala sa Taiwan at China.

Noong 1923, ang Tien Chu Ve-Tsin Mfg. Co. Ltd. na kilalang gumagawa ng food chemicals, additives at honey by-products ang siyang unang gumawa ng MSG sa China. Kilala ito doon bilang “wèijīng.” Nang makarating ito sa Pilipinas ay mas kinilala itong “Ve-Tsin” dahil na rin sa pangalan ng manufacturer nito.

Ang brand na “Ve-Tsin” na monosodium glutamate o MSG.

Balik tayo sa tanong, masama ba ang MSG sa kalusugan?

Anumang sobra ay maaaring maging masama. Kapag napasobra sa konsumo ng MSG maaaring magresulta ito sa pagkakaroon ng side effects o masasamang epekto.

Side effects sa pagkonsumo ng MSG

Ang sobrang pagkonsumo ng MSG ay nakasasama sa kalusugan dahil magdadala ito ng resulta tulad ng pananakit ng ulo, pagkahilo, pananakit ng dibdib, kahirapan sa paghinga, pagduduwal, pamamanhid o pakiramdam na mahapdi ang mga labi, pamamaga ng mukha, pakiramdam na napapaso ang leeg o mukha, mabilis na tibok ng puso, at pagpapawis.

Ang MSG ay isinasama sa mga pagkain at karaniwan dito ang mga de-lata at iba pang processed products. Ang ating katawan ay mayroon ding MSG sa pamamagitan ng L-glutamic acid, isang amino acid. Natural ding may MSG ang mga pagkain tulad ng seafoods, at mga karne. Natural ding matatagpuan ito sa mga pagkain tulad ng mga kamatis at keso gayundin sa mga bahagi tulad ng hydrolyzed vegetable protein, autolyzed yeast, hydrolyzed yeast, yeast extract, soy extract, at protein isolate.

Rekomendadong dami ng konsumo ng MSG

Mas mababa sa anim na gramo kada araw (1.5 kutsarita) ng MSG ang ipinapayong dami nito para sa matatanda at mas kaunti nito sa mga bata.