Mas mabigat na parusa sa ‘di awtorisadong dumaan sa EDSA busway

Makikita sa kaliwang bahagi ang EDSA busway na eksklusibong ipinagagamit lamang sa city buses o passenger buses, ambulansya, at emergency response na mga sasakyan ng gobyerno. Simula sa Nobyembre 13, ang mga hindi awtorisadong sasakyang dadaan dito ay haharap sa mabigat na parusang itinakda ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA. (Kuha ng Bilibb)

Simula sa Nobyembre 13 mabigat na parusa na ang kahaharapin ng mga hindi awtorisadong motoristang dadaan sa EDSA busway. Ito ang inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) itong Lunes.

Ang EDSA busway ay eksklusibong ipinagagamit lamang sa city buses o public utility buses (PUBs), ambulansya, at emergency response na mga sasakyan ng gobyerno.

Sa inilabas na MMDA Regulation No. 23-002 na inaprubahan ng Metro Manila Council, mas mabigat ang parusa kasama ng pagbabayad nang malaki ang ipapataw sa mga pribado at pampublikong sasakyan na hindi awtorisadong gumamit ng eksklusibong EDSA bus lane gaya ng sumusunod:

Unang paglabag – P5,000 multa

Ikalawang paglabag – P10,000 multa at karagdagang isang buwang suspensyon ng driver’s license, at kinakailangang sumailalim sa road safety seminar

Ikatlong paglabag – P20,000 multa at karagdagang isang taong suspensyon ng driver’s license

Ikaapat na paglabag – P30,000 multa at karagdagang rekomendasyon sa Land Transportation Office para ipawalang bisa ang driver’s license

Ayon sa ahensya, napansin nilang kayang bayaran ng mga lumalabag sa tamang paggamit ng EDSA busway kung kaya itinaas nila ang parusa para rito.

“We noticed that there are several vehicles repeatedly passing (through the EDSA busway), and they’re willing to pay P1,000 each time because they can afford to pay,” ani MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes.