“Marupok AF” opening film sa Cinemalaya 19

Isang dark comedy, thriller na palabas at nagmula sa istorya ng totoong buhay tungkol sa paghihirap sa online dating app na naging sikat sa Twitter ang magbubukas sa Cinemalaya Philippine Independent Film Festival 2023 sa Agosto 4, 7PM sa kauna-unahang pagkakataon sa Philippine International Convention Center.

Idinirehe ng award-winning na si Quark Henares, ang Marupok AF (Where Is The Lie) ay nakapokus sa isang hopeless romantic na si Janzen Torres na nakahanap ng tsansa sa pag-ibig nang mag-match sila ni Theo Balmaceda na guwapo at mala-perpekto sa isang dating app. Sa kasamaang palad, sa araw ng kanilang pagkikita ay hindi sumipot si Theo na nagtulak kay Janzen sa magulong mundo ng panlilinlang, kasinungalingan at pagpapanggap ng isang sociopathic mastermind na si Beanie Landridos. Ang 89 na minutong palabas ay nagtatampok kina EJ Jallorina, Royce Cabrera at Maris Racal.

Si Quark Herares ay isang multi-awarded na tagalikha ng mga pelikula, kilala bilang manunulat at direktor ng mga palabas tulad ng My Candidate, Rakenrol and Keka na nirepaso ng Variety magazine bilang “a refreshing change of pace for Philippine cinema” at tinawag ni Quentin Tarantino na “a hell of a lot of fun”. Nakagawa rin siya ng kultong serye para sa TV5 at nanguna sa mga music videos para sa lahat mula kay Gary V. hanggang Sandwhich hanggang Taken by Cars. Isa rin siyang musikero, fictionist, manunulat, aktor, DJ, host, propesor, at negosyante. Bilang namumuno sa Globe Studios, nagpalaganap siya ng mga palabas katulad ng Dead Kids, Fan Girl, Goyo: Ang Batang Heneral at Leonor Will Never Die. Siya rin ang founding director ng .giff festival of new media. Ngayon, siya ay kasalukuyang namumuno sa Head of Originals, Philippines for Amazon Studios.

Mula noong 2005, sumusuporta at nagtataguyod sa paggawa ng mga Filipino full feature independent films at short films ang Cinemalaya. Karamihan sa mga palabas na ito ay nanalo ng mga parangal mula sa local at internasyonal na kompetisyon at festivals. Sa pamamagitan ng taunang festival, ang Cinemalaya ay nakapagpalabas na ng 1,000 na gawa ng mga independent filmmakers kasama ang full feature films, maikling dokumentaryo, klasikong palabas ng Pilipino at pang-sining na palabas.

Ngayong taon, ang Cinemalaya ay gaganapin mula Agosto 4 hanggang 13 sa Philippine International Convention Center (PICC), Tanghalang Ignacio B. Gimenez (CCP Black Box Theater), at sa mga piling Ayala Malls Cinema.

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bisitahin ang CCP website (www.culturalcenter.gov.ph) at Cinemalaya website (www.cinemalaya.org). I-follow ang opisyal na account ng CCP at CInemalaya sa Facebook at ibang social media accounts sa Twitter, Instagram at Tiktok.